Tula: Paghawan

Tigib sa iba't ibang adornong namumulaklak
Ang hardin sa dibdib ng malaki
At kulay puting bahay.

Sumasayaw sa hangin
Ang samyo ng mga sampaguita't rosas
Sa saliw ng musika
Ng water fountain.

Sa paligid ng bahay ay naghuhumindig
Ang mga damo, kaylago at taas noong
Sinasalubong ang silahis
Na pinagkukunan ng lakas; tila handang
Makipagtagisan sa manunupil.

Mabigat ang mga paang lumapit ang hardinero -
Ang mukha'y namumula at pawisan,
Nagngingitngit ang kalooban,
Sa pumpon ng makapal na sagabal.

Umaangil ang lawn mower -
Ang bilugang ulo'y puno ng mga
Matatalim na ngipin; matuling umiikot,
Sabik na makatabas
Ng luntiang buhok.
Walang habas na pinutol ang mga itinuturing
Na sagabal sa kagandahan
Ng malaki at puting bahay.

Makaraan ang ilang araw, namalas
ng may-ari ng bahay
Na ang mga ginupitang buhok ay muli na namang
Tumubo; napasimangot ito -
Pasigaw na tinawag ang hardinero upang
Maghawan muli sa paligid
Ng kanyang hardin sa dibdib ng malaki
At kulay puting bahay.

No comments:

Blog Archive