Showing posts with label ghost stories. Show all posts
Showing posts with label ghost stories. Show all posts

Iba Pang Kuwentong Kababalaghan sa UP Diliman

Sa Main Library.

Salaysay ni Gng. Candida Sarmiento, College Libaraian III

  1. Gabi na noon, mag-iikapito nang gabi at nasa basement ako upang mag-ayos ng mga libro. Nakita kong biglang bumukas ang elevator na ginagamit naming sa pag-aakyat ng mga libro. Wala naman akong nakitang tao sa loob. Maya-maya ay sumara ito at umandar paitaas. Hinayaan ko na lang muna kasi naisip ko nab aka may gumagamit sa itaas. Makaraan ang ilang minuto bumaba na ang elevator. Bumukas ulit ang pinto at sumara agad subalit wala pa ring tao. Umakyat ulit ito. Nahalata kong my ibang gumagamit ng elevator kaya hinyaan ko na alng. May kasama akong isang libararian din at napansin din pala niya ang nangyayari. Isinulat ko kung ilang beses nag-akyat-panaog ang elevator. Dalawampu’t anim na beses! Nakita ng kasama ko ang pagsulat ko at sinabi niyang nagbilng din siya. Pareho ang naitala naming bilang!

  2. ito naman ay nangyari sa isa kong kasamahan na wala na ngayon dito. Hapon naman noon at nasa Archives Section siya, sa ikatlong palapag. Umiinom siya noong ng softdrink (coke). Nasa kalahati na ng plastic cup ang iniinom niya nang tumayo siya upang alisin ang saksak ng electric fan na nakatutok sa kanya dahil sa nilalamig siya. Pabalik na siya sa kanyang upuan nang makita niyang biglanghumilig ang kanyang baso ng coke na nasa mesa at unti-uning nabawasan ang laman nito. Parang may humigop sa kanyang softdrink. Nang maramdaman siguro ng kakaibang nilalang na iyon ng may nagmamasid sa kanya ay bigla itong tumigil sa paghigop kaya tuluyang natumba ang baso ng coke. Lalo pang nagulat ang kasamahan ko nang makita niyang kaunti lamang ang natapong softdrink sa kanyang mesa. Nang mahimasmasan ay saka pa lang niya pinunasan ang mesa. Itinapon niya na rin ang natirang softdrink dahil baka pa raw siya “malumay” o magayuma nang laway ng sinumang uminom sa kanyang softdrink. Isang dating janitor naman ang nagkuwento nito sa kanya, sa ikalawang palapag naman ito nangyari, maagang maaga naman, mag-iikaanim ng umaga. Naghahanda siya para maglinis sa banyo nang may marinig silang tinig na umaawit. Lalaki ang boses. Nakilala niya ang tinigna kaboses ng dati nilang kasamahang kamamatay lang. Tinawag niya ang isang kasamang janitor. Pinakinggan lang nila ang umaawit at naalala niya na ang kanta ay ang paboritong awitin ng namatay na kasamahan noong ito ay nabubuhay pa. Nang matapos na ang kanta ay wala na silang narinig ulit.


UP Law Center


Nasa Law Center pa ako noon naka-duty. Kuwento lang ito sa akin ng dating guwardiya sa naturang gusali. Malalim na raw ang gabi noon, mga ikasampu ng gabi. Nagroronda raw siya sa buong gusali nang may marinig daw siyang tunog ng isang typewriter. Hindi pa kasi uso noon ang computer. Pinuntahan niya raw ang pinanggalingan ng tunog sa ikalawang palapag subalit nawala ang tunog nang malapit na siya sa eksaktong kuwartong pinanggagalingan nito. Bumaba na lang ulit ang nasabing guwardiya subalit nang nasa ibaba na siya ay muli na naman niyang narinig ang tunog ng isang nagtitipa sa typewriter. Hindi na lang niya pinansin ang tunog at sa ibang parte na lang ng gusali siya naglibot.


Asian Center (Romulo Hall)

(Ayon kay Karla Marie Fabon)

Galing siya noon sa Katipunan at papunta siya sa bahay ni Sir Jimmuel Naval sa likod ng UP Shopping Center. Si Sir Naval ay propesor namin sa Malikhaing Pagsulat 110 at workshop namin nang araw na iyon at overnight pa. Mag-iikasiyam na ng gabing iyon. Hanggang Asian Center lang iyong jeep na nasakyan niya kaya kailangan niyang maglakad papunta sa bahay ni Sir Naval. Napansin niyang habang naglalakad siya ay may isang batang babae sa kabilang kalsada na kasabay niyang naglalakad papuntang International Center na katabi ng Asian Center. Kinabahan siya kaya binilisan niya ang paglakad. Kinilabutan siya at nanindig ang kanyang mga balahibo nang bumilis din ang paglalakad ng bata. Kumaripas siya ng takbo nang walang lingon-lingon hanggang makakita siya ng isang waiting shed at nagpahinga sandali. Subalit pag-upo niya ay nakita niya ang batang babae sa tapat na kalsadang kinauupuan niya. Nagkataong may dumaan na Ikot Jeep kaya dali-dali siyang sumakay dito. Habang papalayo ang jeep ay sinulyapan niya ang kinatatayuan ng bata pero wala na ito roon. Takot na tako siya sa naranasan at ikinuwento niya agad ito sa amin pagdating niya sa bahay ni Sir Jimmuel.

Alamat: Kung Bakit May Bentilador na Nakatutok sa mga Libro ng Aklatan

Noong araw ay isang masukal na gubat ang kinatatayuan ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon. Ginawa itong kampo ng mga Amerikano noong panahon ng kanilang pamamayani sa Pilipinas. Nang umalis ang mga Puti ay inilipat sa nasabing lugar ang Unibersidad ng Pilipinas mula sa lungsod ng Maynila. Isa sa mga naunang gusaling itinayo sa pamantasan ay ang Main Library. Dahil sa kalumaan nito kaya itinuturing na maalamat ang natusrang gusali. Marami raw kasing hindi maipaliwanag na mga pangyayari sa naturang aklatan. May mga kababalaghang nangyayari na siyang dahilan kung bakit ang iba ay hindi nakatatagal magtrabaho sa nasabing establisyemento. Ayon sa mga matatandang nagtatrabaho sa UP na nakakuwentuhan ko, ang mga kababalaghang ito ay kagagawan ng mga ligaw na kaluluwa na namatay noong panahon ng giyera. Subalit nay mga nagsabi ring ito ay gawa ng mga nilalang na dating nakatira rito noong ito ay isa pang masukal na gubat.

Isa sa mga nakausap ko ay ang pinakamatandang libararian na si Ginang Candida Sarmiento o Ma’am Ida. Marami na raw siyang naranasang kakaiba hindi lamang sa main libarary kundi maging sa iba pang mga gusali sa loob ng UP Diliman campus. Subalit ang isa sa hindi niya makalimutang karanasan tungkol sa mga kababalaghang ito ay ang nangyari noon sa isang library staff. Mag-iisang buwan pa lang siyang nalilipat sa main laibarary mula sa College of Law noon. Anim silang magkakasama sa kuwarto, dalawang student assistants (SA), tatlong libraray staffs at si Ma’am Ida. Nasa ikatlong palapag sila nakatoka nang araw na iyon, sa Special Collections at Archives Section. Mag-iikalawa noon nang hapon, buwan ng Marso, kaya matindi ang alinsangan ng panahon. Abala ang dalawang SA sa pag-aayos at pagbabalik ng mga ginamit na aklat kasama ang isang libaray staff. Si Ma’am Ida naman ay nakaupo sa kanyang mesa sa gilid ng silid at gumagawa ng inventory. Nasa kabilang silid naman ang dalawa pang staff subalit salamin lamang ang nakaharang na dingding kaya nakikita pa rin nila ang kabila.

Maya’t maya ay pinagpawisan ang libaray staff na kasama ng dalawang SA. Nakita niya ang isang nakabukas na bentilador (stand fan) na nakatutok sa shelf ng Special Collections. Dahil naiinitan, kinuha niya ang bentilador at inilipat malapit sa kanyang puwesto ng inaayusang mga aklat. Makalipas ang ilang sandali ay biglang kinilabutan ang naturang staff. Tumayo ang kanyang mga balahibo nang mapadako ang tingin niya sa bentilador. Maging si Ma’am Ida ay napamulagat sa nakita. Napalingon din ang dalawang SA maging ang mga staff na nasa kabilang silid. Walag namutawing kahit anong salita o tunog mula sa kanilang bibig. Tahimik lamang silang nakatingin habang dahan-dahang umuurong ang bentilador pabalik sa dati nitong puwesto. Kahalintulad nito ang isang saranggola na hinihila ng isang bata upang paliparin.

Pagkaraan ng ilang minutong walang imikan ay lumapit ang isang SA sa bentilador upang tinganan ang kawad nito. Lumabas din sa kabilang silid ang dalawang staff upang makiusyoso. Wala naman silang nakitang kakaiba sa kawad kaya nagkibit-balikat na lamang ang mga ito sa mga kasamahang naghihintay nang dahilan ng pangyayari. Dahil sa siya ang pinakamatagal nang nagtatrabaho doon, napilitang magsalita si Ma’am Ida.

“Huwag kayong matakot. Ganyan talaga rito. Hindi lang iyan ang mararanasan ninyo.”


“Ano po bang ibig ninyong sabihin, Ma’am Ida?”
tanong ng isang SA.

“May iba pa tayong kasama sa gusaling ito. Hindi lang dito kundi maging sa iba pang gusali rito sa loob ng campus. Noong ako ay nasa College of Law ay may kakaiba rin akong naranasan doon,”
tugon ni Ma’am Ida.

“Nakakatakot pala rito. Baka wala na ritong pumask na estudyante kapag nalaman nila ang pangyayaring ito,” saad ng staff na gumamit ng bentilador.

“Ayan, hindi naman kasi para sa inyo ang bentilador. Para sa kanila iyan. Naiinitan din kasi sila,” sabi ni Ma’am Ida sa kanyang mga kasama. “Huwag niyo na lamang ipagsasabi sa iba ang nakita natin para hindi sila matakot na pumunta rito.”

“Ibig sabihin pala ay ginagawa nilang tirahan ang mga libro dito sa aklatan,” saad naman ng isang staff na galing sa kabilang silid.

Mula noon ay palagi nang may mga nakatutok na bentilador sa mga libro ng aklatan upang hindi mainitan ang mga nilalang na nakatira roon.