Dipukal! Antagal umalis nitong bus! Mag-iisaang oras na ako rito, ayaw pa ring umandar. Kahit kelan talaga ay palaging leyt ang mga Pilipino. Sabagay hindi naman peak season ng mga pasahero ngayon, kaya naghihintay talaga sila, kahit mga chance passenger, makaalis lang ng punô. Sayang naman ‘yung sampung oras na biyahe papuntang Bicol kung marami lang bakante.
Kung alam ko lang na hindi agad makakaalis ang Raymund bus na ito, hindi na sana
ako nagtaksi. Inabot pa ako ng sitenta pesos. Dalawang kainan na rin ‘yun sa karinderya sa Katipunan.
Hindi dapat ako uuwi ngayong weekend. Mahal pa naman ang pamasahe. Pero kailangan ko kasing madala itong perang pambili ng kalabaw ni Papay galing kay Tiya Nida. Wala kasing LBC sa bayan namin. Wala ring tiwala si Tiya Nida sa post office namin kasi biglang nawawala ang mga ipinapa-money order dun. Mahirap kayang kitain ang pera, no. Ilang buwan ring pinag-ipunan ng tiyahin ko ang perang ito mula sa kakarampot na sahod niya bilang katulong sa isang pamilyang Intsik. Ni wala nga ring signal ng cellphone sa baryo namin, hindi mo rin magamit yung G-Cash at Smart padala na ipinapatalastas sa TV.
“Manong, anong oras po ba talaga ang alis natin?” tanong ko sa matabang drayber na abala sa pagsundot ng toothpick sa kanyang mga tinga. “Ho?! Mga kalahating oras pa po? Bili ho muna ako, ha. Opo, saglit lang ho ako.”
Patalon akong bumaba ng bus para naman magising ang natutulog kong mga kalamnan. Alas onse na pero maalinsangan. Nakakauhaw. Ano kaya mas masarap, C2 o Nestea? Kung bakit naman kasi ang init ng panahon kahit gabi! Epekto ba ito ng global warming? Sabagay puno naman kasi ng usok ang buong Kamaynilaan kaya hindi mo maramdaman ang ihip ng sariwang hangin.
“Ale, magkano ang buko juice? Dose? Sampu lang ito sa campus namin ah. Anlaki naman ng patong niyo!”
Hay naku. Pati ba naman ang mga lokal na produkto ay mahal na rin. Marami namang buko sa Pilipinas ah. Sabagay mas mura at mas masustansya naman ang buko juice kaysa sa mga inuming inilalako ng mga kumpanyang multinasyonal. Letseng mga kapitalistang iyan, walang ibang iniisip kundi ang kumita.
Uy! Ang macho naman ng lalaking ‘to, a. Sulyap lang pogi, sulyap lang, please. Jawa, kung ayaw mo, ‘wag mo! Mukha ka namang walang utak, e.
Bad trip ‘yun, ah. Wala man lang pakunsuwelo, ano’ng akala niya sa akin, walang dating? ‘Di hamak na mas guwapo pa ako sa kanya, no! Ilang beses na nga akong nilapitan ng bading, e. Pero nungka! Nung first time kong maranasan ‘yun, namutla talaga ako at hindi nakapagsalita.
Dito ‘yun nangyari sa Cubao, sa gilid ng COD (Puregold na ngayon) mga limang taon na ang nakararaan. Nag-aabang ako nun ng dyip na Ali Mall-Proj.2-3 nang biglang may lumapit sa aking lalaki. Akala ko talaga lalaki pero nung magsalita na ay napakalamya. Tinanong ba naman ako kung gusto ko raw ba ng trip. Dahil nga sa hindi ako nakapagsalita, aba’y bigla ba naman akong hinalikan sa labi. In fairness, mabango ang kanyang hininga at malambot ang mga labi. Hindi pa rin ako kumikilos sa aking pagkabigla. Nang ipapasok na niya ang kanyang kamay sa aking pantalon, bigla akong natauhan at itinulak ko ang lalaki. Sabay takbo ako papunta sa building ng Rustan’s, sasal ng kaba ang aking dibdib. Paglingon ko ay nakita kong sinusundan ako nung lalaki kaya binilisan ko ang aking takbo palibot sa building. Tumawid ako patungo sa Ali Mall at nang lumingon ako ulit ay nakita ko ang lalaki na nakatayo na lamang at nakatingin sa akin. Gago! Minura ko ‘yung lalaki kaya tumalikod na ito lumakad na palayo. Saka pa lang ako nakahinga nang maluwag at bumalik na sa abangan ng dyip sa gilid ng terminal.
Makabalik na nga sa bus. Mahirap na at baka maiwan pa ako. “Ay! Sorry, pasensiya ka na, miss. Hindi ko sinasadya.” Nakakaawa naman ang sales lady na ‘yon. Mukhang wala sa sarili kahit pauwi na. Kunsabagay, ikaw ba naman itong maghapong nakatayo. Alila ka na nga ng customer, binabarat ka pa sa kikitain. ‘Yung kakarampot mo pang suweldo, ibibili mo ng make-up at lipstick. Tapos, dapat high heels. Kailangan magarbo ka kahit walang pera. Talaga namang mabuburyong ka.
Hamag na ‘yan. Hindi pa rin puno ang bus. Makaakyat na nga at baka may makasalisi pa sa aking bag. Aba, nasa bag pa naman ‘yung perang pambili ng kalabaw. Lagot ako pag nawala ‘yun.
Kaasar naman. Ang init talaga! Parang walang epekto ang malamig na buko juice na ininom ko, ah. Kung bakit kasi sa lahat ng puwedeng iwanan eh ang water jug ko pa ang nakalimutan kong dalhin. Mauhawin pa naman ako. Simula elementarya ay lagi na akong may dalang water jug. Mas madalas pa nga ay tubig lang ang baon ko.
Putcha. Nag-uumpisa nang bumalik ang mga alaalas sa utak ko. Kumusta na kaya ang mga taga-Coastal? Nami-miss ko ‘yung magdamagang pangingisda kasama si Migs. ‘Yung barkada, kumusta na rin kaya sila? Si Mamay, si Ikeng, si Donna, si Manoy Inggo?
Nakakahiya. Dalawang taon na akong hindi nakakauwi at ni sulat ay wala. Baka isipin nila, nakalimot na ako. Hindi na kasi uso ngayon ang snail mail. Sabagay pa’no ba naman sila makakapagtext eh wala ngang signal sa baryo. Kailangan mo pang pumunta sa bayan, pumalaot sa dagat o kaya ay umakyat sa bundok para makapag-send ng text message. Isa pa, wala rin akong panahon dahil working student ako. Buti nga at natapos na ang kontrata ko sa Jollibee Philcoa kaya makakauwi ako ngayong sem break.
Masaya naman kaya si Jhun sa buhay may-asawa niya? Ang lokong ‘yun, nag-asawa kaagad. Alam niya namang mahirap ang buhay ngayon. Ang mamahal na kaya ng mga gatas at diapers. Sabagay dati pa niyang sinabi sa akin na pangarap niya talaga ang magkaroon ng sariling pamilya. Pero umiyak talaga ako nang malaman ko last year na ikakasal na ang kumag dahil nakabuntis. Nagkataong nasa Surigao ako nang panahong iyon, sa bahay ng tiyuhin kong nakapag-asawa ng isang Muslim last Christmas season. Gusto ko mang dumalo sa kasal niya ay hindi ko magawa.
Kababata ko si Jhun, klasmeyt ko siya mula grade one hanggang makapagtapos kami ng hayskul. Wala siyang hilig sa pag-aaral samantalang ako naman ay subsob sa mga libro. Noong una akala ko kaibigan lang ang pagtingin ko sa kanya. Minahal ko na pala siya nang palihim at noong huling gabi ko bago ako pumunta rito sa Maynila para mag-aral ay ipinagtapat ko sa kanya ang aking damdamin. Matagal na raw niyang alam ‘yun, pero hanggang kaibigan lang daw ang maibibigay niya sa akin. Oo, masakit pero tunay ngang nakapaghihilom ang panahon. Ngayon ay handa na akong harapin si Jhun nang walang hinanakit o sama ng loob.
Duh! Nase-senti na naman ako. Kung bakit kasi umalis pa ako. Hindi naman talaga kailangan ng diploma para magkaroon ng maayos na buhay dun. Aanhin ko ba ang degree sa Malikhaing Pagsulat, mapapalaki ko ba ang kinikita ng mga magsasaka at mandaragat sa Coastal? Tutubo kaya agad ang mga palay, mais at kamote? Dadami ba ang mga isda at pusit na matatagpuan sa Ragay Gulf? Makatulog kaya ang mga sundalong nakadestingo sa baryo namin ‘pag binigkasan ko sila ng oda? Baka nga lalong mapikon ang mga ‘yun. Tugmaan lang yata ang kaya kong gawin, e. Ni hindi nga ako makapagsulat ng isang magandang buong tula. Puro pakyut lang.
Bakit ‘yung mga kababaryo ko, hindi naman sila lahat nakapagtapos, a. Pero maayos naman ang buhay nila. Mababaw lang naman kasi ang kaligayahan namin dun. Kahit korning mga jokes ay patok. Siyempre hindi maiiwasan ang mga umpukang may Ginebra o Gran Matador pero kahit nilupak na kamoteng kahoy lang, puwede ring saba, ay masayang pinagsasaluhan ng mga taga-Coastal. Madalas naman kami ng mga barkada ko sa Napayong, isang beach malapit sa baryo namin. Kaiba sa ibang mga beach, malalaki ang mga bato ng Napayong at may mga malilit na kuweba sa tabi. Doon kami nagpipiknik tuwing may okasyon kaming nais ipagdiwang.
Si Mamay, o Nana Fania sa iba, ay ang aking butihing lola na nagpalaki sa akin, kasama si Papay Ises, mula nang mamatay ang aking mga magulang. Kuha niya ang paggalang ng mga tagaroon. Siya rin kasi ang tagapagnobena ng buong baryo, ang VIP sa mga padasal. Sina Ikeng at Manoy Inggo, hindi nga sila nakapagtapos ng hayskul pero mas abante pa sa akin kung karunungan sa buhay ang pag-uusapan. Kahit nga ang pinsan kong si Donna na first year hayskul lang ang inabot at patawa-tawa lang, e mas marami pang alam kesa sa ‘kin. Sabi nga nila, wala sa libro ang tunay na karunungan.
Ewan ko ba. Pero talagang gusto kong magsulat at makapagpalimbag ng isang aklat, o nobela. Marami akong gustong ikuwento tungkol sa mga kababaryo ko. Nais kong ibahagi ang mga kaalaman at karanasang nakuha ko na tiyak na may kabuluhan sa aking kapwa.
Ano ba ‘yan. Kanina pa pasulyap-sulyap sa akin ang ale sa kabilang upuan sa aking kaliwa. Ano, ate? Kung makatingin ka parang gusto mo akong lamunin nang buo, ah. Sori, hindi tayo talo. Pero type ko ang sling bag mo.
Hay salamat. Umandar na rin ang makina ng sasakyang ito. Ngek. Bakit ngayon mo lang binuksan ang TV, mamang konduktor? Magalaw naman, masakit sa mata. Sa ngayon, mas mabuti pang magmasid sa labas kaysa manood ng balita.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Blog Archive
-
▼
2008
(82)
-
▼
July
(24)
- Huling Yakap
- Maikling Kuwento: Maging ang Langit ay Lumuha
- Minalabac: Physical and Biophysical Resources
- Making Money With Your Website
- From Protest to Participation: Accountability Refo...
- From Protest to Participation: Accountability Refo...
- From Protest to Participation: Accountability Refo...
- Moonless Night
- Tula: Ang Lider ng mga Buwaya
- Tula: Paghawan
- Tula: NOKIA 4500
- Tula: Sa Kuko ng Lawin
- Making Passive Income from myLot
- UP Astronomical Society
- Making Earnings From Paid-To-Click Sites
- Social Networking That Pays
- A Matter of Life and Death
- Low freshman enrolment rate in UP blamed on 300% t...
- Qyao - Yours Revenue Engine
- Philippine Education Crisis
- Earn Money with Google Adsense !
- Same Sex Marriage in California
- California Judges Say “Go Get Gay Married!”
- Pag-uwi sa Ragay Gulf Coastal
-
▼
July
(24)
No comments:
Post a Comment