Showing posts with label wika. Show all posts
Showing posts with label wika. Show all posts

Matatalinghagang Bahagi ng Katawan

Halaw sa pagninilay-nilay ni Goriong Putik

"Ang kapal ng mukha mo! Iniputan ka na sa ulo, ikaw pa ang mabigat ang kamay! Buti na lang hindi ikaw ang aking nakaisang-dibdib! Hindi mo kayang pangatawanan ang iyong salita. Wala kang paninindigan!"

Mukha. Ulo. Kamay. Dibdib. Mga bahagi ng katawan ng tao.

Pangatawanan, mula sa salitang "katawan". Paninindigan, mula sa salitang "tindig". Pawang postura ng tao.

Mahilig tayong mga Pinoy na gamitin sa pang-araw-araw ang mga matatalinghagang salita. Ibig sabihin, hindi literal ang kahulugan, iba ang pagkakagamit kaysa karaniwan.

Mismong mga karaniwang tao ay parang makata kung magsalita, kahit na yaong mga kolehiyala, mga nag-oopisina, at mga propesyunal. Hindi na nila kailangan pang pag-aralan ito sa eskwelahan dahil ito'y ginagamit naman ng mga karaniwang tao sa pang-araw-araw na pamumuhay kaya madali agad nilang maunawaan. Sabihin mo lang na "mababaw ang luha" ng isang dalaga, alam kaagad ng marami na iyakin ang ibig mong sabihin. Habang pag sinabi mo namang "maitim ang budhi" ng isang tao, alam kaagad na dapat pangilagaan ang taong ito.

Mahilig pa nating gamitin ang mismong bahagi ng ating katawan sa matatalinghagang pananalita. May kasabihan ngang "May pakpak ang balita, may tainga ang lupa." "Tulak ng bibig, kabig ng dibdib." Kaya't sa pagsusunog ko ng kilay upang maraming maisulat ay naipon ko ang mga talinghagang may kinalaman sa mga bahagi ng ating katawan. Ating tunghayan ang mga ito, at simulan natin mula ulo pababa.

ULO. Pag sinabi nating "matalas ang ulo", ang tinutukoy natin ay matalinong tao. Pag "mahangin ang ulo", mayabang. Pag "malamig ang ulo", mahinahon. Pag "mainit ang ulo", galit. Pag "lumaki ang ulo" hindi ito taong may hydrocepalus, kundi mayabang. Pag "matigas ang ulo", ayaw makinig sa pangaral o utos. "Sira-ulo" naman pag baliw o may kalokohang ginawa. Pag mahilig "makipagbasag-ulo" tiyak na palaaway. At pag sinabihan kang "may ipot sa ulo", aba'y pinagtaksilan ka ng iyong asawa. Kung kailangang memoryahin ang pinag-aaralan, dapat na ito ay “isaulo”.

UTAK. Pag ang tao'y "matalas ang utak", siya'y magaling magsuri ng mga bagay-bagay. Ang taong "mautak" naman ay tiyak na tuso at kayang mang-isa, ngunit ang "utak-biya" o "utak-galunggong" ay mahina ang ulo. Pag "makitid ang utak" ay mahirap makaunawa.

MUKHA. Hindi marunong mahiya ang mga "makakapal ang mukha", habang mahiyain o kimi naman yaong may "manipis na mukha". Pag "maaliwalas ang mukha" mo, tiyak na masaya ka ngayon, ngunit pag nakasimangot ka't problemado, aba'y "madilim ang mukha" mo. Ngunit ingat kayo sa taong "dalawa ang mukha" o "doble-kara" dahil ang taong ito'y parang balimbing, at traydor. Kung nais mong ipabatid sa isang tao ang kanyang pagkakamali ay kailangan mo itong “ipamukha” sa kanya.

NOO. "Marumi ang noo" ng mga taong may kapintasan, habang "may tala sa noo" yaong mga babaeng ligawin o malimit suyuin ng mga lalaki.

MATA. Yaong "matalas ang mata" ay mga taong mabilis nilang makita ang dapat makita agad, o hinahanap nila. Yaon namang "tatlo ang mata" ay mga taong mapaghanap ng kamalian ng iba. Pag sinabi naman nating "namuti na ang mga mata", tiyak na nainip na sa kahihintay ang taong sinasabihan natin nito.

KILAY. Ang "nagsusunog ng kilay" ay talagang nag-aaral nang mabuti. Noong araw kasi ay wala pang kuryente kaya ang mga nagbabasa gamit ang kandila o gasera ay literal na nasususunugan ng kilay kapag lumabo na ang liwanag at napalapit ang kanilang kilay sa apoy ng kandila. Ganun pa man, patuloy pa ring ginagamit ang idyomang ito hanggang sa kasalukuyang panahon.

TAINGA. Pag "nagtataingang-kawali" ka, ikaw ay nagbibingi-bingihan kahit na naririnig mo na. Hindi patulis ang tainga ng may "matalas na tainga", kundi agad niyang napapakinggan ang dapat niyang marinig. Yaon namang may "maputing tainga" ay tinatawag na kuripot.

ILONG. Sinasabing "humahaba ang ilong" ng mga nagsisinungaling, na marahil ay mula sa alamat ni Pinocchio.

BIBIG. "Tulak ng bibig" pag hanggang salita lamang, at hindi ginagawa ang mga sinabi. Matatabil at bungangera naman kung "dalawa ang bibig". Ang mga salitang palgi mong sinasabi o binabanggit ay tinatawag namang “bukambibig”. Sinasabi namang "ipinanganak ng may gintong kutsara sa bibig" yaong mga anak-mayaman. Ang mga taong palabati sa kapwa ay "magaan ang bibig".

LAWAY. Magsalita ka naman pag sinabihan kang "napapanis ang laway" mo, dahil sobra kang tahimik. Sinasabing "nakadikit ng laway" ang anumang madaling matanggal.

DILA. Pag "kaututang-dila" mo yaong may "makakating-dila" lagi mong kausap yaong mga tsismoso't tsismosa. Nagkatotoo ang iyong sinabi pag "nagdilang-anghel" ka o "nagkrus ay dila" mo. Mapagmapuri ka kapag "mabulaklak ang dila" mo, habang bastos naman yaong may "maanghang na dila". Mahusay makipag-usap at mambola yaong may "matamis na dila", habang sinungaling naman yaong may "sanga-sangang dila". Palasumbong naman yaong may "mahabang dila". Sinasabi naman nating "nasa dulo ng dila" yaong hindi agad masabi-sabi dahil hindi matandaan bagamat alam na alam.

BALIKAT. "Pasan sa balikat" ay tumutukoy na may malaking problema, o may maselang gawaing nakaatang sa kanya. "Pagsasabalikat" o "may iniatang sa balikat" ay pagpasan sa responsibilidad. Kapag “nagkibitbalikat”, ang ibig sabihin ay binalewala.

DIBDIB. Pagpapakasal ang "pag-iisang dibdib", at ang asawa ang siyang "kabiyak ng dibdib". Kabado naman yaong may mga "daga sa dibdib". Pag sinabing "dibdiban" matindi ang konsentrasyon sa gawain.

BITUKA. "Halang ang bituka" ng mga kriminal. Sinasabing pare-pareho ang "likaw ng bituka" ng mga taong magkakauri o mula sa iisang lugar o lahi. Yaon namang mga dukha ay karaniwang "mahapdi ang bituka".

SIKMURA
. Sinasabing "butas ang sikmura" ng mga taong matatakaw. Ikaw naman ay gutom kapag sinabing "kumakalam ang sikmura".

DUGO. Pag naramdaman natin ang "lukso ng dugo" sa isang batang una pa lang nating nakita, baka ito'y ating anak, o kapamilya. Pag "mainit ang dugo" mo sa isang tao, galit ka sa taong iyon. Pag naman "kumukulo ang dugo" mo, nasusuklam ka o naiinis. Madali ka namang makapalagayang-loob pag "magaan ang dugo" mo. "Mabigat ang dugo" naman ang nasasabi sa taong kinaiinisan.

BUTO. "Maitim ang buto" ng mga masasamang tao. Masisipag naman yaong "nagbabanat ng buto". "Malambot ang buto" ng mga lampa, at "matigas ang buto" ng mga may katawang matitipuno.

BALAT. Sinasabihan tayong "balat-sibuyas" pag tayo'y sensitibo at madaling magdamdam. Tinatawag namang "balat-kalabaw" yaong mga mahina ang pakiramdam, di agad tinatablan ng hiya; "balat-kalabaw" din yaong hindi agad nakakaramdam ng lamig dahil makapal ang balat.

KAMAY. Sinasabing "malikot ang kamay" ng mga taong kumukuha ng gamit ng iba, habang "mabilis ang kamay" ng mga mandurukot. "Mabigat ang kamay" ng mga tamad, habang "magaan ang kamay" ng mga mabilis manakit at manuntok ng kapwa. Magkakapera naman ang “nangangati ang kamay” maliban na lamang kung may sugat o galis.

PALAD. "Makapal ang palad" ng mga taong masisipag. Minalas naman yaong mga taong "sinamang-palad". Ang mga matulungin naman sa kapwa ay sinasabing “bukas-palad”. Ang buhay ay pabagu-bago gaya ng “gulong ng palad” at masuwerte naman ang taong “mapalad”. Ang kaibigan naman ay tinatawag na "kadaupang-palad".

TUHOD. "Matibay ang tuhod" ng mga taong malalakas pa. "Mahina ang tuhod" ng mga taong lalampa-lampa.

PAA. Pag sinabi nating "makati ang paa", ang ibig sabihin nito'y yaong taong mahilig gumala kung saan-saan. "Mahaba ang paa" naman ang turing sa mga taong itinataon na pag oras ng pagkain ang pagdating o pagdalaw. Pag sinabi naman nating "pantay na ang mga paa" ng isang tao, nangangahulugan na ang tinutukoy natin ay patay na.

TALAMPAKAN. Sinasabing "namuti ang talampakan" ng mga taong kumaripas ng takbo dahil natakot o naduwag.


Marami pa tayong matatalinghagang pahayag na ginagamit sa pang-araw-araw nating buhay na salamin ng ating kultura at kasaysayan. Ang mga idyomang ito ay patunay kung gaano kayaman ang ating wika na dapat nating pahalagahan at ingatan.

Kung may maidadagdag pa kayo, sabihan nyo lang ako. Maraming salamat.

Tips Para Lumawak Ang Bokabularyo

Para mas masabi ang talagang gustong sabihin...
Narito ang 4 Tips para lumawak ang Bokabularyo


Gusto mo bang makapagpahayag ang iyong kaisipan ng mas tama? Paano kung ang iyong salita ay hindi pala kuminal ng maganda sa isip ng isang nakikinig? Ang pag-iibayo sa kalidad ng bokabularyo ay para matulungan kang maging epektibo ang pakikipag-usap at higit na maging nteresadong makipagtalamitam. Heto ang ilang simpleng paraan upang matulungan ka na humusay sa lengguwahe ng Ingles.


1. Magbasa. Kung mas mainam, gawing dalawa ang aklat na binabasa araw-araw, isang may klasikong tema at isang moderno. Puwedeng basahin ito nang salitan, klasiko sa umaga at moderno sa gabi bago matulog upang mahasa pa ang karanasan sa pagbabasa.


2. Kapag magbabasa o halimbawang maririnig ang iba na gumagamit ng mga salita o pangungusap na gusto mo, isulat ito agad sa isang notebook na puwedeng magamit. Upang mas malinaw ang pagkakaunawa at kung ano ang ibig sabihin nito, tingnan ito sa disksiyunaryo.


3. Magbasa rin ng mga kolum sa mga pahayagan lalo na ang paborito mong basahin at iba pang magazine features na nagtatampok ng mga interesanteng salitang natutunan. Maari kang mag-subscribe ng word-of-the-day emails mula sa dictionary.com at palawigin ang word search websites gaya ng The Phrontistery.


4. Araw-araw gamitin ang mga bagong salita at pangungusap na matututunan. Ito ay para may sarili ka nang mga salita.

Ang Bagong Kasaysayan sa Wikang Filipino

Paunang Salita ng Ang Bagong Kasaysayan sa Wikang Filipino: Kalikasan, Kaparaanan, Pagsasakasaysayan ni Atoy M. Navarro (Propesor, Departamento ng Kasaysayan, Unibersidad ng Pilipinas Diliman)

Bunsod ng pag-unlad ng kasaysayan bilang disiplina at larangan ng kaalaman sa Pilipinas, tatangkaing linawin ng papel ang ilang mahahalagang batayang dalumat bilang pambungad sa pag-aaral ng Bagong Kasaysayan. Sa ating paglilinaw ng mga dalumat kaugnay ng kasaysayan, magiging kasangkapan natin ang wikang Filipino.

Marami-rami na rin ang nasulat hinggil sa wikang Filipino bilang kasangkapan ng bayan at sangkapilipinuhan o ang kabuuan ng mga Pilipino na nakaugat sa magkakaibang uri, lipi, relihiyon, kasarian at gulang ngunit magkakaugnay na kalinangan, karanasan, lipunan, tradisyon at wika, samakatuwid isang kabihasnan. May mga nasulat na rin tungkol sa kaugnayan ng wikang Filipino sa pag-aaral ng kasaysayan. Kaugnay ng mga akdang ito, ang wikang Filipino bilang kasangkapan sa paglilinaw ng mahahalagang dalumat sa kasaysayan ang ating pag-uukulan ng pansin.

Hindi kataka-takang maging mahalagang kasangkapan natin ang wikang Filipino sa kasaysayan. Ito ang pinakalaganap na wika na hinubog, pinanday at pinaunlad sa agos ng ating kasaysayan. Kaya nga sinasabing isang pangunahing batayan ng pagiging Pilipino ang wikang Filipino.

Kung tutuusin, hindi simpleng tagapagpahiwatig, tagapagpahayag at tagapag-ugnay ng kasaysayan ang wikang Filipino. Sapagkat daluyan ng kalinangan at karanasan, mabisa rin itong imbakan/impukan-kuhanan ng kasaysayan. Kasangkapan din ang wikang Filipino sa pagsusuri at pag-unawa ng mga pagpapakahulugan sa kasaysayan na nakaugat sa sariling kabihasnan. Mismong pagpapakahulugan, pagsasakabuluhan at pagsasakatuturan din ang wikang Filipino sa kasaysayan. Sa pamamagitan ng wikang pambansa, nagiging bukas at lantad ang kasaysayan sa pagpapalitaw at pagbibigay ng kahulugan, kabuluhan at katuturan.

Ngunit higit sa lahat maaaring tingnan ang wikang Filipino bilang pagsasakapangyarihan at pagpapalaya ng bayan at sangkapilipinuhan sa kasaysayan. Marami nang pagtalakay sa usapin ng wika at kapangyarihan at kasaysayan at kapangyarihan. Ang kasaysayan at wika ay kapangyarihan. Kung naniniwala tayong ang bayan at sangkapilipinuhan ang nararapat na may kapangyarihan, ang kasaysayan at wika ng bayan at sangkapilipinuhan ang dapat nating itaguyod at itanghal. Nagbibigay ang kasaysayan at wika ng kapangyarihan sa bayan at sangkapilipinuhan. Sa kaso natin, ang kasaysayan at wikang ito ay tumutukoy sa bagong kasaysayan sa wikang Filipino na tungo sa makabayang pagpapalaya ng bayan at sangkapilipinuhan.

Sa lahat ng ito, kinikilala ang malinaw na papel ng wikang Filipino sa paghuhubog at pagpapalitaw ng kalakaran sa bagong kasaysayan bilang disiplina at larangan ng kaalaman sa Pilipinas. Bagamat kinikilala natin ang kahalagahan, kabuluhan at katuturan ng pagsusulong ng iba't ibang wika sa Pilipinas -- kabbilang na ang mga wikang rehiyunal at wikang Ingles -- para sa kapakanang Pilipino, kailangang kilalanin na ang wikang Filipino ang pinakaangkop na wika ng bagong kasaysayan ng bayan at sangkapilipinuhan.

Sa puntong ito, maaari na nating gawin ang pag-unawa sa mahahalagang batayang dalumat kaugnay ng bagong kasaysayan sa bisa ng wikang Filipino. Ito ay sa pamamagitan ng paglilinaw sa kalikasan ng kasaysayan, kaparaanan sa kasaysayan at pagsasakasaysayan.

Tayutay at Talinghaga: Pangunahing Katangian ng Tula

I. Hinahanap sa tula ang katangiang poetiko. Maisasagawa ito , pangunahin sa
pamamagitan ng tayutay at talinghaga.


A. Naiiba ang tula sa prosa dahil sa natatanging gamit ng wika. Kung lakad ang prosa, sayaw naman ang tula. Nang-aagaw ng pansin ang paraan ng pagkakasulat ng tula. Parang mausok na kaligiran. Dinadala ang mga mambabasa sa ecstasy.

B. Kalakasang matawag na poetiko ang isang tekstong nasa prosa. Ngunit madalas kaysa hindi, isang kapintasang matawag na prosaic ang iang tula. Katumbas na ito ng paggiging mahinang klase ng tula.


II. Puwedeng matukoy ang katangian at mapag-aaralan ang gamit ng mga tayutay
at talinghaga.


A. Sa saligang pakahulugan, ang talinghaga ay ang paglalangkap ng dalawa o higit pang dalumat sa iisang pahayag na pangwika Sa madaling sabi, isang uri ng distorsiyon ang ipinapahayag sa wika.

B. Sinasalamin nito ang pagkaunawa ng tao sa mga penomenon sa kaniyang masalimuot na kapaligiran. Isa itong pag-unawa o pag-angkin sa realidad.


III. Ekspresyon ng personal na estilo o estitika na makata ang paraan ng paggamit niya ng talinghaga. Sa mas malawak na pananaw, maaaring maipahayag ng paraan ng paggamit niya ng talinghaga ang zeitgeist o diwa ng kaniyang henerasyon.

A. Isinisilang ang talinghaga na mahigpit na kaugnay ng kaniyang lipunan, malay man o hindi ang makata.

B. Maraming salik ang proseso ng pagkabuo ng sistema ng talinghaga ng isang makata o isang henerasyon ng mga makata. Halimbawa, tradisyon, dayuhang impluwensiya, tunggalian ng henerasyon, talento.




IV. Halimbawa ng mg Tayutay at Tula


SIMILE
Tila malaking praskong
Tigib sa alitaptap

Ang langit

(Rio Alma)

METAPHOR
Mouse
Arnel S. Vitor

Umangkas sa 'yong likod
Ang tipa ng isipan;
Worlwide na ang nalibot
Wari'y sansaglit lamang


APOSTROPHE/PERSONIFICATION

1. Lumang tulang Tagalog
Katitibay ka tulos
Sakaling datnang agos
Ako'y mumunting lumot
Sa iyo'y pupulupot.


2.
FLORANTE AT LAURA
Francisco "Balagtas" Baltazar
na ang wika'y "Laurang aliw niring budhi,
paalam ang abang kandong ng pighati."



3. KUWITIS
Allan Popa

Hindi ito isang hamon.
Alam kong wala akong laban
sa lawak ng iyong saklaw.
Huwag mo sanang akalaing
pana akong nakapuntirya. Pagkat
wala akong hinahasang tulis.

Iisa ang aking buhay.
At iisa ang pangarap:
ang matayog na pumailanlang
sa himpapawid. Kung iisa rin
ang pagkakataon mong magkatinig,
hindi ba't pipilitin mo ring
maisigaw ito sa ibabaw ng lahat?
Ang iisang katagang pahayag
ng naipong hinanakit.

Hindi ang matayog mong kaharian
ang hangad abutin ng aking pagsirit.
Ngunit nais ko ring magbasakali.
Alam kong kamatayan ang rurok
ng aking lipad. Ngunit hindi ba't ito
ang tanging paraan upang sumalangit?


SYNEDOCHE/METONYMY

Musa Insurekta

Hindi ako magtatanong kung kailan ka darating
Wala ka man sa paningin, ang buhok mo'y lumulugay
Na mithiin sa puso kong nangangarap ng bituing
Nagliliyab sa sentido ng lahat ng walang malay.
Hindi ako naghahangad na lagi ka sa tabi ko:
Di man kita nayayakap, ang tinig mo'y umiigkas
Na kamao sa dibdib kong may kidlat na lumulukso't
Nagnanais na tumarak sa bungo ng mararahas
Pagkat ako ang sugatang mandirigmang umiibig
Sa paglaya, ang puso ko'ymaghahanap ng paglingap
Sa awit mong nanghihiram ng indayog sa talahib.
At sa tuwing ang puso ko'y nangangarap ng balikat,
Ay alam kong nariyan kang may pulbura ang harana;
Awit akong magliliyab sa ngalan mo, Alma Rosa...



IRONY/PARADOX/OXYMORON

Kaunting bato
Kaunting semento

Monumento
- Pete Lacaba

narinig sa baya'y isang piping gulo
na umalingawngaw hanggang sa palasyo.
- Balagtas


Katiwala ako't ang iyong kariktan,
Kapilas ng langit anaki'y matibay;
Tapat ang puso mo't di nagunamgunam
Na ang paglililo'y nasa kagandahan
- Balagtas



RHETORICAL QUESTION

Anong gagawin ko sa ganitong bagay?
Ang sinta ko kaya'y bayaang mamatay?


APHORISM

Kung maikli ang kumot
Matutong mamaluktot.

Kung kakandu-kanduli rin
ay huwag nang paglayagin
pagkat dito man sa atin
may kanduli't may ayungin.

Ang tamang magsukli
Marami ang sukli.


MAPAGLANGKAP NA HARAYA

Alamat

May katutubong Itneg
Naging Kristiyanong tinig
Nagturo ng matuwid
At buhay na tahimik.

Ngunit araw at gabi
Danas ang nagsasabi
Kabayang naaapi
Ay lalong dumarami.

Damdamin ay nawakawak
Kaisipa'y lumawak
Biblya'y di na hawak
Ibong naging bayawak.

Ginalugad ang bundok
Mulang Besao at Bontoc
Hanggang Kianga't Tabuk
Sa paghanap ng Diyos.

Ito'y alamat-Itneg
Ng dating nananalig
Ngayon ay inuusig
Sa salang paghahasik

Koda:

Gustong buhay ay simple
Di ka-gitna o triple
Mula sa batang tiple
Pigil ngayon ay riple.





Ang Filipino Sa Kasalukuyang Gamit

Maraming wikang ginagamit sa ating bansa. Mayroong wika ang iba't ibang rehiyon. Walo ang itinuturing na pangunahing wika sa Pilipinas: Tagalog, Cebuano, Ilokano, Hiligaynon, Bikol, Waray, Kapampangan, at Pangasininense (Panggalatok). Ang pananakop sa ating bansa ay nagbunga rin ng mga Pilipinong matatas magsalita ng Espanyol at Ingles. Ang maraming Intsik sa ating bansa at ang mga Pilipinong malapit ang kaugnayan sa kanila ay gumagamit ng wikang Intsik.

Mahaba at mainit ang kasaysayan ng ating pagnanais na magkaroon ng isang wikang pambansa. Ayon kay Bro. Andrew Gonzales, malinaw sa Konstitusyon ng Biak-na-Bato na “Tagalog ang magiging wikang pambansa ng Republika ng Pilipinas.” Bagamat may ilang tulad nina Bonifacio, Jacinto, Rizal, atbp. na gumamit ng Tagalog, higit na marami sa mga namuno sa bansa ang gumamit ng wikang Espanyol. Maging ang mga propaganda laban sa Kastila ay gumamit din ng wikang Espanyol. Sa pagtatatag ng rebolusyonaryong pamahalaan ng 1898, nilinaw sa Konstitusyon ng Unang Republika na:

“The use of the languages spoken in the Philippines is optional. It can only be regulated by law, and solely as regards acts of public authorities and judicial affairs. For these acts, the Spanish language sha be used for the present.”

Sa pamamagitan ng artikulong ito sa Konstitusyon, napalitan ng Espanyol ang Tagalog bilang opisyal na wika, at ang Tagalog ay napantay sa iba pang wika sa bansa na maaari ring pagpilian.

Noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, ang mga naging opisyal na wika ay Espanyol at Ingles. Habang nagiging higit na popular ang Ingles, nagkaroon ng mga pag-aaral at pagtatalo kung ano ang dapat maging opisyal na wika ng mga Pilipino. Nagkaisa ang mga nakararami na hindi nararapat ang paggamit ng Ingles o ng Espanyol, mga wikang dayuhan, bilang opisyal na wika. Maraming nagmungkahing Tagalog ang nararapat gamitin.

Ngunit sa Konstitusyon ng 1935, iba ang probisiyon ukol sa wika:

“The National Assembly shall take steps toward the development and adoption of a common national languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.”

Noong 1937, nilagdaan ni Pangulong Quezon ang Executive Order Blg. 134 na nagsaad na Tagalog ang magiging batayan ng wikang pambansa. Pinagtibay ang pasiyang ito ng Konstitusyon ng Ikalawang Republika ng Pilipinas noong 1943. Kaya't sa pamumuno ng Surian ng Wikang Pambansa, sinimulang idebelop ang wikang Tagalog upang maging wikang pambansa. Noong 1959, ang wikang pambansang batay sa Tagalog ay tinaguriang Pilipino. Marami ang tumutol sa paggamit ng Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa, at naipahayag ang mga pagtutol sa Constitutional Convention ng 1973. Matapos ang mahabang pagtatalo, napagkaisahan ding Ingles at Pilipino ang gagamiting mga wikang pambansa, ngunit idedebelop rin ang wikang Filipino.

At nakapaloob sa Konstitusyon noong 1986, na pinagtibay ng mga mamamayang Pilipino noong 1987, na ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino.

Kung makukuha marahil sa pagtatalaga ng batas ang pagkakaron ng wikang pambansa, nabubuklod na tayo ngayon ng isang wika. Ngunit hindi marahil makatotohanan ang ganitong paraan; marahil ay kailangang bigyan ng panahon na yumabong ang wika bilang natural na pagtugon sa pangangailangan ng mga taong gumagamit nito.

Ano ba ang Filipino? Ito ba ang wikang ginagamit sa kasalukuyan?

Hanggang ngayon ay pinagtatalunan pa kung ano ang “Filipino”. Ayon kay Dr. Ponciano Pineda, direktor ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas, ang Filipino ay ang dating Pilipino. At ang Pilipino, kung matatandaan natin, ay batay sa Tagalog. Ayon naman sa paglalarawan ni Dr. Ernesto Constantino, propesor ng linggwistika sa UP, ang wika raw na mabubuo sa pamamagitan ng paraang unibersal, o ang wikang Filipino na siyang wikang nilalayong idebelop, ay “isang natural na wika na aktuwal na sinasalita ngayon ng maraming Pilipino, lalo na kung ang basehang wika ay ang tinatawag naming Pilipino ng UP. Ito ang Pilipinong ginagamit hindi lang sa Katagalugan at Kamaynilaan kundi pati sa mga rehiyon na ang katutubo o dominanteng wika ay hindi Tagalog.” Ayon kay Prop. Jesus Fer. Ramos ng UP, “sa variety ng Filipino sa Kabikulan, malaki ang impluwensiya ng iba't ibang wika at mga dayalek dito lalo na ng Bikol Naga at Bikol Legaspi... Ang variety ng Filipino sa Kabisayaan, i.e. sa Cebu, Iloilo at Dumaguete City ay naiimpluwensiyahan ng Hiligaynon/Ilonggo at Cebuano. Ang impluwensiya ng Cebuano ay malakas din sa variety ng Filipino na sinasalita sa Davao City, Zamboanga, Surigao, at Butuan City. Bagamat ang sa Surigao at Butuan Filipino ay may impluwensiya ng Butuanon at iba pang mga wika rito. Ang mga uring ito ng Filipino ay may iba-ibang degri ng baryasyon. Ang baryasyong ito ay nasa intonasyon, nasa bigkas, nasa mga salita o leksikon, hindi man ay nasa ponolohiya, morpolohiya, sintaktika at semantika.” Kapansin-pansing maraming elemento at sangkap ang variety ng mga ito na galing sa mga wikang nakaimpluwensiya kung ikukumpara sa Filipinong ginagamit sa Kamaynilaan na mas malaki ang impluwensiya ng Ingles (at Kastila). Sa kawalan ng detalyadong paglalarawan ng mga variety na tinitukoy ni Prop. Ramos, mahirap isipin ng isang taga-Maynila kung ano ang mga ito at kung ano ang mga ponema, morpema, atbp. na kumon sa mga variety na maaaring gawing batayan ng pagkakaunawaan ng mga Pilipinong buhat sa iba't ibang rehiyon ng bansa. Maaari nating pansamantalang pagtuunan ng pansin ang Filipino dito sa Kamaynilaan. Pinakinggan ni Santos-Cuyugan ang talumpating impromptu ng dalawampu't siyam niyang mga estudyante. Pinabayaan niya ang mga itong pumili ng wikang gagamitin. Ilan sa mga halimbawa ng pariralang ginamit ng mga estudyante ay:

“marami akong cherished possessions”
“halos every night kailangang pakinggan ko”
“basta siguro nakakahelp litle by litle”
“iyong mga out of town, every summer naman”
“bale at the same time maaalagaan ko ang baby”
“so iyan ang ginagawa ko this summer”


Kailangan pa ang higit na masaklawang obserbasyon ng wikang ginagamit sa kasalukuyan ngunit batay sa mga halimbawang nakuha ni Santos-Cuyugan sa kanyang pag-aaral, mukhang tama yata ang obserbasyon ni G. Vito C. Santos na labis na ang impluwensiya ng Ingles sa wikang pambansa.

Batay sa iba't ibang pananaliksik, maobserbahan ang lumalawak na paggamit ng Filipino. Ayon kina Pascasio at Hidalgo, sa kanilang eksperimentong naglayong tukuyin ang iba't ibang salik sa paggamit ng wika ng mga estudyante sa Ateneo de Manila University, St. Theresa's College, at University of Santo Tomas, napag-alamang higit ang paggamit ng Filipino kaysa Ingles sa bahay, higit ang paggamit ng Ingles kaysa Filipino sa paaralan, at timbang ang paggamit ng Filipino at Ingles sa mga pagtitipon. Ganito rin ang napuna ni Banaag sa kanyang pag-aaral na ginawa ukol sa paggamit ng wika ng kanyang mga estudyante sa UP. Isang mahalagang konklusyon ay ang higit na masaklaw at malimit na paggamit ng Filipinong may kahalong Ingles ng mga nakababata.* Sa dahilang ang direksiyong tinutungo ng wikang Filipino ay magkahalong Pilipino at Ingles, nararapat na itakda na ang mga pamantayan. Tutol ako sa paggamit ng “pidgin English” na baka siyang kahinatnan ng Filipino.

* Para sa mga estudyanteng kabilang sa pag-aaral ni Banaag, ang wikang Filipino ay ang wikang Pilipino. Sa isang higit na masaklaw na pananaliksik na isinagawa ni Casambre ukol sa paggamit ng wika ng mga titser sa buong Pilipinas, napuna niyang pareho para sa mga titser na taal na Tagalog ang wikang Tagalog at ang wikang Pilipino.


Mga Sanggunian:

Agravante, Josefina A. Komunikasyong Pasalita (Unang Edisyon). UP Press, 1990.
Casambre, Alejandro J., “The Filipino Teacher as Multilingual Communicator,” kopyang mimyograp, Unibersidad ng Pilipinas, 1988.
Constantino, Ernesto, “Ang Universal Approach at ang Wikang Pambansa ng Pilipinas,” Filipino o Pilipino? Mga Bagong Babasahin sa Pambansang Wika at Literatura. Constantino, Ernesto, Rogelio Sikat at Pamela Cruz (mga patnugot). Manila, Philippines: Rex Book Store, 1974, pp.17-31.
Gonzales, Andrew B. FSC. Language and Nationalism. Quezon City, Philippines: Ateneo de Manila University Press, 1980.
Ramos, Jesus Fer., “Ang Wikang Pilipino Bilang Wikang Pambansa,” kopyang mimyograp, Unibersidad ng Pilipinas, 1988.
Salvador, Ma.Rita F. at Carlos D. Santos-Cuyugan, “A Comparison of the Old Tagalog and New Pilipino Language Lexicons,” isang pag-aaral para sa speech 204, Unibersidad ng Pilipinas, ikalawang semestre, 1988-89.
Santiago Alfonso O. Panimulang Linggwistika. Manila, Philippines: Rex Book Store, 1979.
Santos, Vito C., “Labis na Impluwensiya ng Ingles sa Wikang Pambansa,” makinilyadong kopya, 1989.
Santos-Cuyugan, Carlos D., “A Study on the Frequency of Code Switching Among UP Students,” isang
pag-aaral para sa speech 204, Unibersidad ng Pilipinas, ikalawang semestre, 1988-89.
--------------------------------- “A Study on the Relationship between Articulation and Two Related Variables,” hindi nalathalang pananaliksik, Unibersidad ng Pilipinas, 1987.


Ang Komunikasyong Di-Berbal

Ayon kay Mehrabian, ang kabuuang epekto ng komunikasyon ay maaaring ipahayag sa pamamagitan ng pormulang ito:

Kabuuang Epekto = .07 Berbal + .38 Tinig + .55 Mukha

Marahil ay sasabihin nating labis naman ang pagpapahalagang ibinibigay ng pormulang ito sa mga senyas na di-berbal tulad ng tinig at mukha. Marahil nga, ngunit kung iisipin natin kung gaano kalimit nating ginagamit ang ating mga mata kaysa ating mga tainga, mauunawaan natin kung bakit ganito na lamang ang pagpapahalaga ni Mehrabian sa mga senyas na di-berbal.

Sa katotohanan, malaki ang pagkakaugnay ng mga senyas na di-berbal at ng sagisag na berbal. Ang pagkakaugnay na ito ay nakikita sa paraan ng paggamit natin ng mga senyas na di-berbal.


Mga Paraan ng Paggamit ng mga Senyas na Di-Berbal

1. Ang mga senyas na di-berbal ay kapupunan ng komunikasyong berbal. Kalimitan, inuulit ng mga kumpas o ng mga aksiyon ang mga ideyang ipinahahayag sa pamamagitan ng wika. Halimbawa maaari nating sabayan ng kumpas na naglalarawan ang pangungusap na, “Ganito nang kataas ang aking bunsong kapatid.” O kaya naman ay maaaring sabayan ng ngiti ang pangungusap na, “Nasisiyahan ako sa nakuha kong marka sa pagsusulit.” Kung kumplementaryo ang gamit ng mga senyas na di-berbal at ng wika, nagsisilbing patibay ang una sa isinasaad ng wika.

2. Ang mga senyas na di-berbal ay maaaring gamitin sa halip na wika. Sa ating kultura, ang pagtango ng ulo ay ginagamit na panghalili sa salitang “oo”, ang pag-iling ng ulo ay ginagamit na panghalili sa salitang “hindi”. Matapos ang isang laro ng basketball, halimbawa, hindi na kailangang gumamit ng wika ang mga manlalaro upang ipahayag kung nanalo sila o natalo. Naipapahiwatig ang kanilang kasiyahan sa pagkapanalo o kaya nama'y kalungkutan sa pagkatalo sa pamamagitan ng galaw ng kanilang katawan.

3. Maaaring pabulaanan ng mga senyas na di-berbal ang isinasad ng wika. Alam na nating higit na ginagamit ng tao ang kanyang paningin kaysa pandinig. Sa mga senyas na di-berbal at ng wika, higit na pinaniniwalaan ng tagapakinig ang ipinahihiwatig ng una. Halimbawa, kung ang kasabay ng pangungusap na “Masaya naman ako” ay malamlam na mga mata at pilit na ngiti, dalwang mensaheng magkasalungat ang ikinukumunika. Nagiging suliranin ng tagapakinig kung alin sa dalawang mensahe ang dapat bigyan ng reaksiyon.

4. Upang ayusin ang daloy ng komunikasyon. Halimbawa nito ay ang paghipo sa braso upang itulak ang isang kalahok sa talakayan na magsalita. Ayon sa pananaliksik ni Patricio, nakatutulong ang ganitong senyas sa daloy ng talakayan.


Maraming kahulugan ang maaaring ibigay sa mga senyas na di-berbal. Upang maging higit na mabisang kaugnay ang mga senyas na ito ng mensaheng berbal, kailangang palagi nating isa-isip ang ilang katangian nito.

  1. Ang kahulugang ibinibigay natin sa mga senyas na di-berbal ay kailangang nababatay sa kabuuan ng kontekstong pinangyayarihan nito.
  2. Ang mga senyas na di-berbal ay maaaring sinasadyang gamitin o hindi sinasadya.
  3. Ang mga kahulugang iniuugnay sa mga senyas na di-berbal ay kalimitang ayon sa pinagkaisahan ngmga taong kabilang sa isang lipunan o kaya'y kultura.

Mga Uri ng Komunikasyong Di-Berbal

1. Komunikasyon sa pamamagitan ng paghipo – Ito ay may tanging kahalagahan sa atin sapagkat ito ang unag paraan ng komunikasyong naranasan natin bilang sanggol. Ang pagkalong, pagyapos, o pagtapik sa atin ay nakatutulong sa pagpapatibay ng tiwala sa sarili. Habang tayo ay lumalaki, natututuhan nating gamitin ang paghipo upang ipahayag ang ating mga damdamin.

2. Komunikasyon sa pamamagitan ng espasyo – Ayon kay Edward Hall, ang uri ng ugnayang namamagitan sa mga tao ay maaaring ipahiwatig sa pamamagitan ng apat na uri ng distansiya: a) sa distansyang pampubliko, ang mga kalahok ay magkakalayo ng mga labindalawang talampakan o higit pa. Ang ugnayan ay pormal tulad ng namamagitan sa isang komunikasyong pampubliko; b) sa distansyang sosyal, ang mga kalahok ay magkakalyo ng mga apat hanggang pitong talampakan. Ito ay angkop sa mga talakayan ng mga mangangalakal at kombersasyon sa mga pagtitipon. Ang layong ito hanggang labindalawang talampakan naman ay angkop para sa mga pulong. Ang mga taongnasa loob ng silid na pinagdarausan ng pulong ngunit wala sa loob ng distansiyang ito ay hindi dapat maghinanakit kung hindi sila kabilang sa interaksiyon; c) sa distansyang personal, ang mga kalahok ay magkakalayo ng isa't kalahati hanggang apat na talampakan. Ang distansiyang ito ay para sa magkakaibigan o higit pang malapi na pakikipag-ugnayan; d) sa distansyang pangtapatan ng loob ang mga kalahok ay magkakalayo ng hindi hihigit sa labindalawang dali. Ang paksang tinatalakay ng mga kalahok ay kalimitang lihim. Ang tinig ay mahina at higit ang gamit ng mga senyas na di-berbal.

Isa pang aspeto ng komunikasyong ito ay ang paraan ng pag-aayos ng isang silid. Halimbawa, ang posisyon at kapangyarihan ng isang tao sa organisasyon ay maaring ikomunika sa pamamagitan ng ayos ng silid. Ang pinakabago sa mga empleyado ay maaaring idestino sa pinakamalapit sa pinto.

3. Komunikasyon sa pamamagitan ng oras – Karaniwan nang may iniuugnay tayong mensahe sa paraan ng paggamit ng oras. Pamilyar tayo sa tinatawag na “Filipino Time.” Ang mga Pilipino ay karaniwang sadyang nagpapahuli sa mga pagtitipon upang hindi masabing sabik sa pagdalo. Kaya't kapag nagkataong dumating sa takdang oras, hindi agad tumutuloy sa pagdarausang ng pagtitipon. Nagpapabalik-balik muna sa kalye upang magpalipas ng ilang sandali. Ang mga Kanluranin naman, tulad ng mga Amerikano, ay sadyang maagap at nasa oras. Marami pang halimbawa ang maibibigay natin: Ano ang mensaheng iniuugnay natin sa pagtunog ng telepono sa hatinggabi? Ano ang mensaheng iniuugnay natin sa matagal na pagsagot sa ating liham ng isang kaibigan? Ano ang mensaheng iniuugnay natin sa paanyayang ipinadala sa atin sa araw mismo ng pagtititpon?

4. Komunikasyon sa pamamagitan ng katahimikan – Ang katahimikan ay may ikinukumunika rin. Sa pamamagitan ng hindi pagkibo ay maaaring ipahiwatig ang ating pagdaramdam, pagkagalit, o ang kawalan ng hangaring makipag-uganayan.


Ang mga nabanggit ay halimbawa ng komunikasyong di-berbal. Ngunit higit na malinaw at tiyak ang kaugnayan sa komunikasyon ng mga halimbawang ibinigay nina Reusch at Kees na:

1. Komunikasyon sa pamamagitan ng senyas – Kabilang sa kategoryang ito ang lahat ng kumpas na ginagamit sa halip ng salita, bilang at pagbabantas. Mga halimbawa ay ang simpleng iisahing pantig na kumpas na ginagamit sa telebisyon upang sabihing oras na para sa patalastas o kaya'y ang higit na kumplikadong sistema ng kumpas na ginagamit ng mga bingi at pipi.

2. Komunikasyon sa pamamagitan ng aksiyon – Kabilang dito ang lahat ng uri ng paggalaw tulad ng paglakad o kaya'y pagkain. Ang paraan ng paggalaw ay maaaring bigyan ng kahulugan ng mga nakakakita. Halimbawa, mayroon tayong tinatawag na mahinhing lakad o nagmamadaling lakad o tamad na lakd. Ganoon din, ang pagmamadali sa pagkain ay maaaring iugnay sa laki ng gutom o sa paraan ng paggalaw sa hapag-kainan na itinuro sa atin.

3. Komunikasyon sa pamamagitan ng mga obheto – Kabilang dito ang lahat ng sadya at hindi sadyang pagpapakita ng mga obheto tulad ng mga alahas, damit, aklat, disenyo ng bahay, atbp. Halimbawa, ang singsing sa palasingsingan ng kaliwang kamay ay nagpapahiwatig na ang may suot ay may nobyo na; ang salamin sa mata ay nagbibigay daw ng impresyong matalino ang gumagamit nito bagama't ang angkop na kahulugan ay ang ikinukumunikang kalabuan ng mata ng nagsuuot ng salamin.

Ang tatlong ito, ang senyas, aksiyon at obheto, ay may higit pang angkop na gamit sa komunikasyong pasalita na nagsisilbing mensahe tulad ng ekspresyon ng mukha, pisikal na kaanyuan, paraan ng pagdadala sa sarili, paraan ng pagtingin sa tagapakinig, kumpas at paggalaw.


Mga Sanggunian:

Agravante, Josefina A. Komunikasyong Pasalita (Unang Edisyon). UP Press, 1990, pp. 76-79.
Hall, Edward. The Silent Language. New York: Fawcett, 1959.
Mehrabian, Albert, “Communication Without Words,” Psychology Today (September, 1968).
Patricio, Grace, “Reaction to Touch as Influenced by sex, Status and Body Contact Experience,” hindi nalathalang MA tesis, CSSP, UP, Abril, 1987.
Reusch, J. at J. Kees. Nonverbal Communication. Berkaley: University of California Press, 1956.

Araling Pilipino o Philippine Studies?

Ano ba ang Araling Pilipino? Magkapareho ba ang kahulugan nito at ang Philippine Studies?

Ang Araling Pilipino ay pag-aaral sa kultura, wika, panitikan at lipunan ng mga Pilipino gamit ang mga kaparaanang interdisiplinarya sa kasaysayan, antropolohiya, arkitektura, araling sining, lingguwistika, araling islam, ekonomiya, pilosopiya, musika, panitikan, sosyolohiya at iba pa.

Isa sa mga pangunahing programa ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) ang Araling Pilipino. Nagmula ito sa dating Philippines Studies program. Ayon sa website ng nasabing departamento:


B.A. Araling Pilipino (Philippine Studies)

Natatangi ang B.A. Araling Pilipino sa pagsasanay ng estudyante sa interdisiplinari na pag-aaral ng kultura at ipunang Pilipino. Pang-apat na taong programa ito na mangangailangan ng 138 na yunit sa mga kursong pang-major at pangkalahatang edukasyon.

Nakaangkla ang programa sa mga susing kursong interdisiplinari at mga sandigang kurso sa wika, panitikan at kasaysayan sapagkat itinuturing ang mga ito na tagapagdala ng kultura sa kabuuan. Sa tulong ng isang tagapayo, makakapagdisenyo ang estudyante ng sariling programang naaayon sa kanyang interes. Bukod sa mga susing kurso, pipili ang estudyante ng alinmang dalawang disiplina mula sa Arte at Literatura, Agham Panlipunan, Community Development, Economics, Fine Arts, Islamic Studies, Mass Communication, Musis at iba pa para bumuo ng 39 yunit ng mga kursong pangmajor.

Panghuling kailanganin ang pagsulat ng isang tesis na gumagamit ng interdisiplinaring lapit sa isang natatanging problema, aspeto, at isyu sa lipunan at kulturang Pilipino.

Subalit pinagtatalunan pa rin ng administarasyon kung alin ba ang dapat na gamiting pangalan ng nasabing kurso. May mga nagsasabing dapat daw ibalik ang programa bilang Philippine Studies dahil mas maganda raw pakinggan at pamilyar na sa mga tao. Marami kasi ang naniniwalang mas makakaakit ng iba pang estudyante ang naturang programa kung ipapangalan ito sa English. Ayon kasi sa huling resulta ng UPCAT passers, wala nang naeengganyong kumuha ng kursong Araling Pilipino. Batay dito, mahihinuhang may epekto nga ang pangalan ng kurso sa bilang ng nais mag-enrol dito.

Subalit hindi ito makatarungang panghusga. Marahil ang isang dahilan kung bakit kakaunti na lang ang nag-eenrol sa Araling Pilipino ay ang kalikasan mismo ng naturang programa. Ibig kong sabihin, mas pipiliin ng mga kabataan na mag-enrol sa mga practical course gaya ng engineering, business administration, at mga kauri nito.

Hindi rin kaila ang malaking demand sa mga medical courses lalo na ang nursing, isama pa natin ang caregiving. Mahalaga rin ang English dahil sa malaking industriya ng call center na kinahuhumalingan ngayon hindi lamang ng mga kabataan kundi pati na rin ng kanilang mga magulang.

Sa aking palagay, wala sa wikang ginamit sa pagpapangalan ng kurso ang problema kundi nasa paraan ng pagtuturo mismo. Bilang isang Pilipino, nararapat lamang na maging prayoridad sa pag-aaral ang kulturang Pilipino - lalo na ang paggamit ng pambansang wika, ang Filipino. Subalit huwag din namang isantabi ang kahalagahan ng English bilang international language. Huwag naman sanang maging purista ang mga tagapagsulong ng wikang Filipino at ito lang ang gamiting wika sa pagtuturo sa ilalim ng programang Araling Pilipino.