Panitikan at Lipunan

Iba’t iba ang pagpapakahulugan ng mga manunulat at dalubhasa sa panitikan. Ayon kay Joey Arrogante, ito ay talaan ng buhay sapagkat dito naisisiwalat ng tao sa malikhaing paraan ang kulay ng buhay, ang buhay ng kanyang daigdig, ang daigdig na kanyang kinabibilangan at pinapangarap.

Samantala, ayon naman kay Zeus Salazar, ang panitikan ay siyang lakas na nagpapakilos sa alinmang uri ng lipunan. Sinasabi ring ito ay bunga ng mga diwang mapanlikha, ng diwang naghehele sa misteryo ng mga ulap o ng diwang yumayapos sa palaisipan ng buwan. Ito ay isang kasangkapang lubos na makapangyarihan. Maari itong gumahis o kaya'y magpalaya ng mga nagpupumiglas na ideya sa kanyang sariling bartolina ng porma at istruktura. Sa isang banda, maituturing ang panitikan na isang kakaibang karanasan. Ito ay naglalantad ng mga katotohanang panlipunan, at mga guniguning likhang-isip lamang. Hinahaplos nito ang ating mga sensorya tulad ng paningin, pandinig, pang amoy, panlasa at pandama. Kinakalabit nito ang ating malikhaing pag-iisip at maging sasal na kabog ng ating dibdib. Pinupukaw din nito ang ating nahihimbing na kamalayan. Lahat ng ito ay nagagawa ng panitikan sa pamamagitan lamang ng mga payak na salitang buhay na dumadaloy sa ating katawan, diwa at damdamin. Ang panitikan ay buhay na pulsong pumipintig at mainit na dugong dumadaloy sa ugat ng bawat nilalang at ng buong lipunan. Isang karanasan itong natatangi sa sangkatauhan.

Ayon kay naman kay Terry Eagleton, maraming mga paraan para bigyang kahulugan ang panitikan. Unang-una, maaari itong ituring na isang likhang-isip gamit ang mga malikhaing salita o talinghaga. Ito ang tinatawag na “fiction”. Subalit nagbigay siya ng argumento na hindi lahat ng malikhaing akda ay matatawag na panitikan. Kabilang dito ang mga komiks, pelikula, telebisyon, at pocketbooks (romance novels) na bunga ng isang malikhaing pag-iisip subalit hindi itinuturing na panitikan.

Ikalawa, maaaring bigyang kahulugan ang panitikan dahil sa paggamit nito ng wika sa kakaibang paraan. Batay sa argumentong ito, ang panitikan ay isang uri ng pagsulat kung saan kumakatawan ng isang maayos na pagwasak sa karaniwang anyo ng pagsasasalita.[1] Binabagong-anyo at pinapasidhi ng panitikan ang karaniwang wika, sistematikong lumilihis sa pang-araw-araw na pananalita. Kapag may nagsabi sa akin ng “Ang tag-araw ay nasa iyong mga matang nangungusap” habang ako’y nakasakay sa dyip, alam kong nasa presensiya ako ng isang ‘literary’ o maalam sa panitikan. Alam kong gayon dahil sa ang kayarian, indayog at tunog ng kanyang mga salita ay labis sa kanilang kahulugang abstrakto. Umaakit ng atensiyon ang kanyang mga salita, ipinapayagpag ang kanilang kalikhaang materyal. Ang depinisyong ito ang sinaligan ng mga Formalist na umusbong sa bansang Rusya.

Totoo na marami sa mga pinag-aaralang akda bilang panitikan sa akademya ay “constructed” na basahin bilang panitikan subalit marami sa mga ito ay hindi panitikan – canonized lang kumbaga. Samakatwid, nasa pagbabasa kung ituturing na ‘literary’ o hindi ang isang akda. Literature cannot be objectively defined.[2] Walang kalikasan ang panitikan. Ang panitikan ay isang uri ng panulat na sa ibang dahilan ay mataas na pinapahalagahan ng isang tao (highly valued writing). Kung ganun, ang mahalagang palagay o kapasyahan ay nakakaapekto kung alin ang panitikan.

Hindi kinakailangang maging maganda para maging ‘literary’, dapat ay kauri ng itinuturing na maganda. Halimbawa, walang magsasabi na ang klaskard ay isang mahinang panitikan pero mayroong magsasabi na ang mga leaflets (manifesto) na ipinamumudmod ng mga aktibista ay hindi magandang uri ng panitikan.

Sa panukalang ang panitikan ay isang “highly valued writing”, kahit ano ay maaaring maging panitikan. Sa kabilang dako, ang mga itinuturing na panitikan ngayon ay maaaring hindi na panitikan sa hinaharap. Nagbabago ang pagpapahalaga at paniniwala ng tao kaya maaaring baguhin niya ang kanyang pananaw sa isang akdang itinuturing na panitikan. Samakatwid, maaaring magkaroon ng isang lipunang hindi naniniwala na ang mga akda ni Shakespeare ay panitikan.

Sa dahilang ang tao ang nagbibigay ng interpretasyon sa mga akdang pampanitikan batay sa kanilang sariling point of view, ang depenisyon ng panitikan ay hindi obhetibo kundi subjective.

Ang lipunan ay kalipunan o grupo ng mga taong may pare-parehong interes at naiibang kultura at institusyon. Maaring nagmula sa magkakaibang pangkat-etniko ang mga kabilang sa isang lipunan. Maari rin itong tumukoy sa partikular na grupo ng mga tao o sa mas malawak na grupong kultural. Tumutukoy rin ito sa sistematikong grupo ng mga tao na pinag-uugnay ng layuning makarelihiyon, kultural, pulitikal, siyentipiko, makabayan at iba pa. [3]
Sa agham pampulitika, ang lipunan ay karaniwang nangangahulugan ng kabuuan ng relasyong pantao, salungat sa estado na kasangkapan ng pamumuno o pamahalaan sa loob ng isang teritoryo. Ibig sabihin, ang lipunan ang totalidad ng mga konsepto ng mga relasyon at institusyon sa pagitan ng mga tao.

Sa agham panlipunan naman, partikular sa sosyolohiya, ginagamit ang lipunan upang ipakahulugan ang grupo ng mga taong bumubuo sa isang sistemang sosyal, kung saan halos lahat ng interaksiyon ay sa kapwa indibidwal na kabilang sa grupo.

Nilalarawan ng panitikan ang ating lipunan at panlahing pagkakakilanlan. Ang ating kaugalian ay mababakas sa ating mga kwentong bayan, alamat, epiko, kantahing-bayan, kasabihan, bugtong, palaisipan at sinaunang dula. Ayon sa mga mananakop na dayuhan, ang ating mga ninuno ay mayaman sa mga katitikan na nagbibigay ng kasiyahan at nagtatampok sa kalinangan at kultura ng ating lahi. Ang mga ito ay gumamit ng kawayan, talukap ng niyog, dahon, balat ng punungkahoy bilang mga sulatan habang ang ginamit nilang mga panulat ay matutulis na kahoy, bato o bakal.


[1] Ayon sa pahayag ni Roman Jakobson, isang linggwistiko.
[2] Eagleton, Terry. Literary Theory: An Introduction. Oxford: Basil Blackwell, p. 7.
[3] Sariling salin mula sa www.wikipedia.com

5 comments:

Anonymous said...

So ano nga ang pinagkaugnay nilang dalawa ?

Unknown said...

H

Unknown said...

Right, ano nga?

Anonymous said...

yah

Unknown said...

Lmao. Ang panitikan ang siyang tulay upang magkaroon ng pagkakakilanlan ang isang lipunan dahil taglay nito ang iba't ibang kasaysayan at tradisyon na naipapasa sa iba't ibang henerasyon sa pamamagitan ng panitikan

Blog Archive