Hubad sa Ilalim ng Buwan

1.
Sinasakmal ng init
ang sandaling nakaw
Tulad ng sayaw ng hangin
sa bawat haplit ng habagat...

Hihigupin ang tamis ng katas
habang sinasalisol ng apoy
Ang paulit-ulit na pulandit
ng unos sa kubling dilim...

Hanggang sa manlupaypay
at masaid ang daloy ng ulan
Doon sa bibig ng buwan
magpapakita ng libog ang araw.

Kung may tigas pa ang hangin
patuloy na sisipsip ang buwan
Meron pa, masasaid pa...
ang daloy ng kahindigan.

Paano ba huhupa ang silakbo
sa ganitong uri ng kamunduhan?


2.
Kapwa tayo hubad
habang naghahalo ang lasa
ng mga pawis at init
sa tampisaw ng ating mga balat.

Nakadapo sa ating mga dibdib
ang dikta ng kapwa puso
kahit tutol ang panahon
sa ating paglalayag...

Nag-uulayaw sa ating puson
ang apoy na tila ayaw tumupok
sa lamig ng pagtanggap at pang-unawa
kahit tag-ulan, kahit tag-araw...

Kahit kapwa natin alam
na binabayaran natin
ang takot ng paghihiwalay
ang bawat ligaya
sa bawat pagniniig
ng ating katawan...

No comments: