Tula: Sa Kuko ng Lawin

May dugo pa kaya ng kadakilaang
Dadaloy sa ugat ng sawi kong bayan?
Sinanay lumulon ng kapighatian
At naging alipin ng buhong na dayuhan.

Sa bahay-lipunan kung saan naluklok
Papet na nahalal, robot, tagasunod;
Masusian lamang ng banyagang diyos
Mistulang halimaw sa asal at kilos.

Naging tanghalan ng madaya't ulupong
Palasyo ng reyna doo'y nangagtipon
Ang tanging palabas ay komedyang Pinoy
At baro't saya ang sadyang panganlong.

Di katakatakang tampulan ng kutya
Ang mahal kong bayan ng mga banyaga;
Sukat na subukan ay huwad na sumpa
Siyang naging sanhi at baya'y nadaya.

Sa bulok na karsel nais kong pawalan
Ang mga biktima ng maling hukuman;
Mga tanod doon ay asong gahaman
Pinapanginoo'y may pusong kriminal.

Nais ding baliin ang aming panulat
Pigilan ang diwa ng pamamahayag;
Ang katotohanang nais lumipad
Ay ibon sa hawla ang nakatutulad.

Napapanahon nang tayo'y magkaisa
Sa pagkakabuklod sa tamang adhika;
Sa kuko ng lawin huwag nang padadaya
At nang masilayan ang hanap na laya.

No comments:

Blog Archive