Gusting-gusto kong nakikita kang nakangiti dahil lumalabas ang iyong mga biloy sa magkabilang pisngi. Kahawig mo ang nasirang matinee idol na si Rico Yan kapag ikaw ay naka- side view. Moreno ang iyong kulay dahil sa palagi kang nakabilad sa araw. Ikaw kasi ang katulong ni Mang Efren sa mga gawaing-bukid. Ako naman ay maputla dahil laging nasa loob ng bahay at nag-aaral. Wala kang hilig sa pag-aaral dahil naniniwala kang nasa diskarte ng tao ang kanyang pag-unlad. Hindi mo nga tinapos ang hayskul at pinili mo ang magtranaho sa ibang bayan samantalang ako ay lumuwas ng Maynila upang mag-kolehiyo. Magkasalungat nga raw talaga tayo sabi ng ating mga kababaryo.
Kinabahan ako nang gumalaw ka sa iyong higaan. Ayokong makita mo akong gising at nakatitig lamang sa iyong maamong mukha. Napabuntunghininga ako. Isa kang anghel sa paningin, Jhun… Halos lahat ng dalaga sa ating baryo ay may gusto kang maangkin. Kahit ang mga may-asawa nang babae ay humahanga sa iyo. Malalagong kilay, may katangusang ilong, at mapupulang mga hugis-pusong labi. Tunay ngang kaakit-akit ka subalit hindi lang ito ang dahilan kung bakit mahal kita. Malalim ang ating pinagsamahan at batid ko ang kabutihan ng iyong loob. Noong nasa elementarya pa lang tayo ay lagi mo akong ipinagtatanggol sa mga nanunuksong kaklase natin. Hindi lingid sa baryo natin ang pagiging bading ko. Bata pa lang ako ay alam ko nang kakaiba ako sa ibang mga batang lalaki. Ngunit hindi naging madali ang pagladlad ko sa aking kapa. Napakakonserbatibo at relihiyoso ang ating mga kababaryo lalo na ang aking mga agwela. Mas mabuti pa nga ang mga magulang mo dahil hindi malaking isyu sa kanila ang aking pagkatao. Hayskul na ako nang matanggap na ng aking pamilya ang pagiging bading ko dahil nakita naman nilang behave ako. Naniniwala kasi akong ang sekswalidad ay dapat manatiling pribado at kung ibabahagi ay doon lamang sa mga taong malalapit sa iyo.
Humaplos sa aking katawan ang lamig ng aircon. Sa Hotel Sogo tayo tumuloy pagkatapos mapagod sa pamamasyal. Himbing na himbing ka sa iyong pagtulog samantalang ako’y hindi dalawin ng antok. Sariwang-sariwa ang sugat ng aking puso. Ipinagtapat mo kanina na nakabuntis ka at nakatakda na ang inyong kasal sa loob ng anim na linggo. Namanhid ang aking pakiramdam nang marinig ko ang iyong balita. Gusto kong umiyak ngunit walang tumulong luha mula sa aking mga mata. Inimbitahan mo akong dumalo sa inyong kasal dahil ako ang iyong bestman. Kinuha mo rin akong ninong ng iyong magiging anak. Hindi pa rin ako umiimik kaya mariin mo akong tinitigan. Inakbayan mo ako at doon na ako napaluha. Ayoko kasing mawala ka sa akin. Mahal na mahal kita higit pa sa pagiging isang kaibigan. Wala pa ring namumutawi kahit isang kataga sa aking mga labi kaya tuluyan mo na akong niyakap. Napahagulhol ako dahil sa iba’t ibang emosyong bumalot sa akin ng mga panahong iyon. Hindi ito ang ung pagkakataon ng nasaktan mo ako. Iniwan mo ako noon, ni hindi ka man lang nagpasabi kung saang lupalop ka pumunta. Tapos ngayon ay bigla kang babalik at ipapangalandakan mong magkakaroon ka na ng sarili mong pamilya?
“Alam kong mahal mo ako, Lei. Mahal din naman kita, eh. Ikaw ang bespren ko. Malalim na ang ating pinagsamahan. Wala namang magbabago sa pagkakaibigan natin. Nauunawaan mo naman ako, ‘di ba. Maging masaya ka sana para sa akin.”
Ilang sandaling katahimikan ang dumaan sa pagitan natin. Piping saksi sa atin ang apat na sulok ng hotel. Mataman lang akong nakikinig sa mga sinasabi mo habang tumataas-baba ang aking balikat. Wala nang luhang umaagos sa aking mukha pero nahirapan akong huminga. Hangos mong kinuha ang isang basong tubig sa maliit na mesa sa gild ng kama at ipinainom sa akin. Para akong robot na ibinuka ang bibig habang pinapainom mo ako. Kumalma naman kahit kaunti ang pakiramdam ko. pagkatapos ay inihiga mo ako sa malambot na kama at kinumutan. Tumabi ka sa aking pagkakahiga at niyakap mo ako hanggang sa tuluyan akong kumalma. Maya-maya ay sinulyapan kita at nakita kong nakapikit na ang mga mapupungay mong mata. Nakonsensiya ako kasi halatang napagod ka sa biyahe at sa ginawa nating pamamasyal. Pinakiramdaman kita at nang masiguro kong tulog ka na ay umupo ako sa tabi mo.
Tama ka, Jhun… Malalim na ang ating pinagsamahan. Mahal na mahal rin kita simula pa noong mga bata pa tayo. Nauunawaan kita. Ang totoo, pinaghandaan ko na ang mangyayaring ito na magkakaroon ka rin ng sariling pamilya. Hindi ko nga lang inaasahan na mangyayari kaagad ito dahil wala ka namang nababanggit sa akin tungkol dito. Tatlong taon tayong hindi nagkita. Hindi ka man lang nagparamdam maging sa iyong pamilya. Ang huli nating pagkikita ay noong pumunta kayo ng nanay mo sa bahay namin sa Maynila. Marami akong tanong na naghahanap ng kasagutan. Subalit ayokong guluhin pa ang isip mo. Alam kong naguguluhan ka rin sa mga nangyari sa buhay mo. Gaya ngayon. Pinikot ka lang ng babae pero bakit pumayag ka kaagad na maging mag-asawa kayo? Dahil ba sa magiging anak ninyo? Masakit ngunit kailangan kong tanggapin. Ganyan kita kamahal. Ang pag-ibig ay hindi makasarili bagkus ay mapagbigay at maunawain.
Marahil ay narinig mo ang bulong ng aking puso dahil marahang dumilat ang iyong mga mata. Kumunot ang iyong noo at hinila mo ang aking kamay upang lumapit sa iyo. Naramdaman ko ang tigas ng iyong palad bunga ng araw-araw na pagtatrabaho mo sa bukid. Kusa akong sumunod at nahiga sa tabi mo. Iniunat mo ang iyong kanang braso upang maging unan ko. Bigla mo akong niyakap na ikinagulat ko naman. Mahigpit ang iyong pagyapos at kinabig mo ang aking katawan para ipatong sa iyo. Parang matutunaw ang puso ko nang mga sandaling iyon kaya gumanti na rin ako ng yakap. Ito na marahil ang huling yakap na matatanggap ko sa iyo. Hinaplos mo ang aking buhok ng iyong kanang kamay habang ang kaliwa naman ay nasa likod ko. Hindi ko na naman napigilan ang lumuha sa ligayang bumabalot sa aking puso. Isinubsob ko ang aking mukha sa matipuno mong balikat. Kung ito man ang huling pagkakataon para makasama kita nang matagal, gusto kong ipadama sa iyo kung gaano kita kamahal. Gumapang ang aking mga kamay – sa buhok, mukha, leeg… hita… Ilang sandali pa at pareho na tayong nilamon ng antok…
No comments:
Post a Comment