Tula: NOKIA 4500

Kailanman ay hindi kita nakakalimutang
Isuksok sa aking bulsa,
Upang kahit saan pumunta ay kapiling kita.
Isa kang tapat at malambing na kaibigan,
Karamay sa aking lungkot at pag-iisa,
Kasalo sa anumang kasiyahan.
Sapagkat maraming nalilikhang mensahe
Mula sa sakahan, pagawaan at liblib na lugar
At ang mga ito'y nararapat ipadala
Sa pamamagitan ng text messaging.

Madalas kapag ika'y kaniig
'Di ko maiwasang isipin:
Ano kaya kung bawat keypad mo ay gatilyo,
At bawat mensaheng nalilikha'y isang bala?
Nai-imagine ko,
Sa bawat message sent ay bubulagta
Ang maraming mababangis na militar.

Kaya nga gusto kong lagi kang
Nakasuksok sa aking bulsa,
Isang kuwarenta y singko,
Armas at panangga sa panahong
Mapagkait at malupit.
Sa oras ng kagipitan
Ay agad kitang dudukutin.
Subalit batid mo:
Ako'y isang mag-aaral pa lamang
Na wala pang sapat na kaalaman
At karanasan.

Kaya sa kanilang naglalakad sa gubat
Upang tahakin ang inaasam na bukas,
Sa mga dating kasamahan
Sa bukid, pabrika at paaralan,
Pagdamutan nawa nila ang munti kong nakayanan -

Ilang text message ng pag-ibig sa bayan at kalayaan.

No comments:

Blog Archive