Ang Bagong Kasaysayan sa Wikang Filipino

Paunang Salita ng Ang Bagong Kasaysayan sa Wikang Filipino: Kalikasan, Kaparaanan, Pagsasakasaysayan ni Atoy M. Navarro (Propesor, Departamento ng Kasaysayan, Unibersidad ng Pilipinas Diliman)

Bunsod ng pag-unlad ng kasaysayan bilang disiplina at larangan ng kaalaman sa Pilipinas, tatangkaing linawin ng papel ang ilang mahahalagang batayang dalumat bilang pambungad sa pag-aaral ng Bagong Kasaysayan. Sa ating paglilinaw ng mga dalumat kaugnay ng kasaysayan, magiging kasangkapan natin ang wikang Filipino.

Marami-rami na rin ang nasulat hinggil sa wikang Filipino bilang kasangkapan ng bayan at sangkapilipinuhan o ang kabuuan ng mga Pilipino na nakaugat sa magkakaibang uri, lipi, relihiyon, kasarian at gulang ngunit magkakaugnay na kalinangan, karanasan, lipunan, tradisyon at wika, samakatuwid isang kabihasnan. May mga nasulat na rin tungkol sa kaugnayan ng wikang Filipino sa pag-aaral ng kasaysayan. Kaugnay ng mga akdang ito, ang wikang Filipino bilang kasangkapan sa paglilinaw ng mahahalagang dalumat sa kasaysayan ang ating pag-uukulan ng pansin.

Hindi kataka-takang maging mahalagang kasangkapan natin ang wikang Filipino sa kasaysayan. Ito ang pinakalaganap na wika na hinubog, pinanday at pinaunlad sa agos ng ating kasaysayan. Kaya nga sinasabing isang pangunahing batayan ng pagiging Pilipino ang wikang Filipino.

Kung tutuusin, hindi simpleng tagapagpahiwatig, tagapagpahayag at tagapag-ugnay ng kasaysayan ang wikang Filipino. Sapagkat daluyan ng kalinangan at karanasan, mabisa rin itong imbakan/impukan-kuhanan ng kasaysayan. Kasangkapan din ang wikang Filipino sa pagsusuri at pag-unawa ng mga pagpapakahulugan sa kasaysayan na nakaugat sa sariling kabihasnan. Mismong pagpapakahulugan, pagsasakabuluhan at pagsasakatuturan din ang wikang Filipino sa kasaysayan. Sa pamamagitan ng wikang pambansa, nagiging bukas at lantad ang kasaysayan sa pagpapalitaw at pagbibigay ng kahulugan, kabuluhan at katuturan.

Ngunit higit sa lahat maaaring tingnan ang wikang Filipino bilang pagsasakapangyarihan at pagpapalaya ng bayan at sangkapilipinuhan sa kasaysayan. Marami nang pagtalakay sa usapin ng wika at kapangyarihan at kasaysayan at kapangyarihan. Ang kasaysayan at wika ay kapangyarihan. Kung naniniwala tayong ang bayan at sangkapilipinuhan ang nararapat na may kapangyarihan, ang kasaysayan at wika ng bayan at sangkapilipinuhan ang dapat nating itaguyod at itanghal. Nagbibigay ang kasaysayan at wika ng kapangyarihan sa bayan at sangkapilipinuhan. Sa kaso natin, ang kasaysayan at wikang ito ay tumutukoy sa bagong kasaysayan sa wikang Filipino na tungo sa makabayang pagpapalaya ng bayan at sangkapilipinuhan.

Sa lahat ng ito, kinikilala ang malinaw na papel ng wikang Filipino sa paghuhubog at pagpapalitaw ng kalakaran sa bagong kasaysayan bilang disiplina at larangan ng kaalaman sa Pilipinas. Bagamat kinikilala natin ang kahalagahan, kabuluhan at katuturan ng pagsusulong ng iba't ibang wika sa Pilipinas -- kabbilang na ang mga wikang rehiyunal at wikang Ingles -- para sa kapakanang Pilipino, kailangang kilalanin na ang wikang Filipino ang pinakaangkop na wika ng bagong kasaysayan ng bayan at sangkapilipinuhan.

Sa puntong ito, maaari na nating gawin ang pag-unawa sa mahahalagang batayang dalumat kaugnay ng bagong kasaysayan sa bisa ng wikang Filipino. Ito ay sa pamamagitan ng paglilinaw sa kalikasan ng kasaysayan, kaparaanan sa kasaysayan at pagsasakasaysayan.

No comments:

Blog Archive