Matatalinghagang Bahagi ng Katawan

Halaw sa pagninilay-nilay ni Goriong Putik

"Ang kapal ng mukha mo! Iniputan ka na sa ulo, ikaw pa ang mabigat ang kamay! Buti na lang hindi ikaw ang aking nakaisang-dibdib! Hindi mo kayang pangatawanan ang iyong salita. Wala kang paninindigan!"

Mukha. Ulo. Kamay. Dibdib. Mga bahagi ng katawan ng tao.

Pangatawanan, mula sa salitang "katawan". Paninindigan, mula sa salitang "tindig". Pawang postura ng tao.

Mahilig tayong mga Pinoy na gamitin sa pang-araw-araw ang mga matatalinghagang salita. Ibig sabihin, hindi literal ang kahulugan, iba ang pagkakagamit kaysa karaniwan.

Mismong mga karaniwang tao ay parang makata kung magsalita, kahit na yaong mga kolehiyala, mga nag-oopisina, at mga propesyunal. Hindi na nila kailangan pang pag-aralan ito sa eskwelahan dahil ito'y ginagamit naman ng mga karaniwang tao sa pang-araw-araw na pamumuhay kaya madali agad nilang maunawaan. Sabihin mo lang na "mababaw ang luha" ng isang dalaga, alam kaagad ng marami na iyakin ang ibig mong sabihin. Habang pag sinabi mo namang "maitim ang budhi" ng isang tao, alam kaagad na dapat pangilagaan ang taong ito.

Mahilig pa nating gamitin ang mismong bahagi ng ating katawan sa matatalinghagang pananalita. May kasabihan ngang "May pakpak ang balita, may tainga ang lupa." "Tulak ng bibig, kabig ng dibdib." Kaya't sa pagsusunog ko ng kilay upang maraming maisulat ay naipon ko ang mga talinghagang may kinalaman sa mga bahagi ng ating katawan. Ating tunghayan ang mga ito, at simulan natin mula ulo pababa.

ULO. Pag sinabi nating "matalas ang ulo", ang tinutukoy natin ay matalinong tao. Pag "mahangin ang ulo", mayabang. Pag "malamig ang ulo", mahinahon. Pag "mainit ang ulo", galit. Pag "lumaki ang ulo" hindi ito taong may hydrocepalus, kundi mayabang. Pag "matigas ang ulo", ayaw makinig sa pangaral o utos. "Sira-ulo" naman pag baliw o may kalokohang ginawa. Pag mahilig "makipagbasag-ulo" tiyak na palaaway. At pag sinabihan kang "may ipot sa ulo", aba'y pinagtaksilan ka ng iyong asawa. Kung kailangang memoryahin ang pinag-aaralan, dapat na ito ay “isaulo”.

UTAK. Pag ang tao'y "matalas ang utak", siya'y magaling magsuri ng mga bagay-bagay. Ang taong "mautak" naman ay tiyak na tuso at kayang mang-isa, ngunit ang "utak-biya" o "utak-galunggong" ay mahina ang ulo. Pag "makitid ang utak" ay mahirap makaunawa.

MUKHA. Hindi marunong mahiya ang mga "makakapal ang mukha", habang mahiyain o kimi naman yaong may "manipis na mukha". Pag "maaliwalas ang mukha" mo, tiyak na masaya ka ngayon, ngunit pag nakasimangot ka't problemado, aba'y "madilim ang mukha" mo. Ngunit ingat kayo sa taong "dalawa ang mukha" o "doble-kara" dahil ang taong ito'y parang balimbing, at traydor. Kung nais mong ipabatid sa isang tao ang kanyang pagkakamali ay kailangan mo itong “ipamukha” sa kanya.

NOO. "Marumi ang noo" ng mga taong may kapintasan, habang "may tala sa noo" yaong mga babaeng ligawin o malimit suyuin ng mga lalaki.

MATA. Yaong "matalas ang mata" ay mga taong mabilis nilang makita ang dapat makita agad, o hinahanap nila. Yaon namang "tatlo ang mata" ay mga taong mapaghanap ng kamalian ng iba. Pag sinabi naman nating "namuti na ang mga mata", tiyak na nainip na sa kahihintay ang taong sinasabihan natin nito.

KILAY. Ang "nagsusunog ng kilay" ay talagang nag-aaral nang mabuti. Noong araw kasi ay wala pang kuryente kaya ang mga nagbabasa gamit ang kandila o gasera ay literal na nasususunugan ng kilay kapag lumabo na ang liwanag at napalapit ang kanilang kilay sa apoy ng kandila. Ganun pa man, patuloy pa ring ginagamit ang idyomang ito hanggang sa kasalukuyang panahon.

TAINGA. Pag "nagtataingang-kawali" ka, ikaw ay nagbibingi-bingihan kahit na naririnig mo na. Hindi patulis ang tainga ng may "matalas na tainga", kundi agad niyang napapakinggan ang dapat niyang marinig. Yaon namang may "maputing tainga" ay tinatawag na kuripot.

ILONG. Sinasabing "humahaba ang ilong" ng mga nagsisinungaling, na marahil ay mula sa alamat ni Pinocchio.

BIBIG. "Tulak ng bibig" pag hanggang salita lamang, at hindi ginagawa ang mga sinabi. Matatabil at bungangera naman kung "dalawa ang bibig". Ang mga salitang palgi mong sinasabi o binabanggit ay tinatawag namang “bukambibig”. Sinasabi namang "ipinanganak ng may gintong kutsara sa bibig" yaong mga anak-mayaman. Ang mga taong palabati sa kapwa ay "magaan ang bibig".

LAWAY. Magsalita ka naman pag sinabihan kang "napapanis ang laway" mo, dahil sobra kang tahimik. Sinasabing "nakadikit ng laway" ang anumang madaling matanggal.

DILA. Pag "kaututang-dila" mo yaong may "makakating-dila" lagi mong kausap yaong mga tsismoso't tsismosa. Nagkatotoo ang iyong sinabi pag "nagdilang-anghel" ka o "nagkrus ay dila" mo. Mapagmapuri ka kapag "mabulaklak ang dila" mo, habang bastos naman yaong may "maanghang na dila". Mahusay makipag-usap at mambola yaong may "matamis na dila", habang sinungaling naman yaong may "sanga-sangang dila". Palasumbong naman yaong may "mahabang dila". Sinasabi naman nating "nasa dulo ng dila" yaong hindi agad masabi-sabi dahil hindi matandaan bagamat alam na alam.

BALIKAT. "Pasan sa balikat" ay tumutukoy na may malaking problema, o may maselang gawaing nakaatang sa kanya. "Pagsasabalikat" o "may iniatang sa balikat" ay pagpasan sa responsibilidad. Kapag “nagkibitbalikat”, ang ibig sabihin ay binalewala.

DIBDIB. Pagpapakasal ang "pag-iisang dibdib", at ang asawa ang siyang "kabiyak ng dibdib". Kabado naman yaong may mga "daga sa dibdib". Pag sinabing "dibdiban" matindi ang konsentrasyon sa gawain.

BITUKA. "Halang ang bituka" ng mga kriminal. Sinasabing pare-pareho ang "likaw ng bituka" ng mga taong magkakauri o mula sa iisang lugar o lahi. Yaon namang mga dukha ay karaniwang "mahapdi ang bituka".

SIKMURA
. Sinasabing "butas ang sikmura" ng mga taong matatakaw. Ikaw naman ay gutom kapag sinabing "kumakalam ang sikmura".

DUGO. Pag naramdaman natin ang "lukso ng dugo" sa isang batang una pa lang nating nakita, baka ito'y ating anak, o kapamilya. Pag "mainit ang dugo" mo sa isang tao, galit ka sa taong iyon. Pag naman "kumukulo ang dugo" mo, nasusuklam ka o naiinis. Madali ka namang makapalagayang-loob pag "magaan ang dugo" mo. "Mabigat ang dugo" naman ang nasasabi sa taong kinaiinisan.

BUTO. "Maitim ang buto" ng mga masasamang tao. Masisipag naman yaong "nagbabanat ng buto". "Malambot ang buto" ng mga lampa, at "matigas ang buto" ng mga may katawang matitipuno.

BALAT. Sinasabihan tayong "balat-sibuyas" pag tayo'y sensitibo at madaling magdamdam. Tinatawag namang "balat-kalabaw" yaong mga mahina ang pakiramdam, di agad tinatablan ng hiya; "balat-kalabaw" din yaong hindi agad nakakaramdam ng lamig dahil makapal ang balat.

KAMAY. Sinasabing "malikot ang kamay" ng mga taong kumukuha ng gamit ng iba, habang "mabilis ang kamay" ng mga mandurukot. "Mabigat ang kamay" ng mga tamad, habang "magaan ang kamay" ng mga mabilis manakit at manuntok ng kapwa. Magkakapera naman ang “nangangati ang kamay” maliban na lamang kung may sugat o galis.

PALAD. "Makapal ang palad" ng mga taong masisipag. Minalas naman yaong mga taong "sinamang-palad". Ang mga matulungin naman sa kapwa ay sinasabing “bukas-palad”. Ang buhay ay pabagu-bago gaya ng “gulong ng palad” at masuwerte naman ang taong “mapalad”. Ang kaibigan naman ay tinatawag na "kadaupang-palad".

TUHOD. "Matibay ang tuhod" ng mga taong malalakas pa. "Mahina ang tuhod" ng mga taong lalampa-lampa.

PAA. Pag sinabi nating "makati ang paa", ang ibig sabihin nito'y yaong taong mahilig gumala kung saan-saan. "Mahaba ang paa" naman ang turing sa mga taong itinataon na pag oras ng pagkain ang pagdating o pagdalaw. Pag sinabi naman nating "pantay na ang mga paa" ng isang tao, nangangahulugan na ang tinutukoy natin ay patay na.

TALAMPAKAN. Sinasabing "namuti ang talampakan" ng mga taong kumaripas ng takbo dahil natakot o naduwag.


Marami pa tayong matatalinghagang pahayag na ginagamit sa pang-araw-araw nating buhay na salamin ng ating kultura at kasaysayan. Ang mga idyomang ito ay patunay kung gaano kayaman ang ating wika na dapat nating pahalagahan at ingatan.

Kung may maidadagdag pa kayo, sabihan nyo lang ako. Maraming salamat.

No comments:

Blog Archive