Swine Flu, Nasa Pilipinas Na!

Kinumpirma kagabi ng Department of Health (DOH) ang kauna-unahang kaso ng influenza A (H1N1) virus sa Pilipinas kung saan isang 10-anyos na batang babae na nagpunta sa Estados Unidos at Canada ang nagtataglay umano ng nasabing sakit na kilala rin sa tawag na swine flu.
Kasama umano ng batang babae ang kanyang pamilya na nagtungo sa Estados Unidos at Canada.
Subalit hindi pinangalanan ni Health Secretary Francisco Duque ang bata at hindi rin nagbigay ng impormasyon kung saang ospital ito naka-confine ngayon maliban sa paghahayag kagabi hinggil sa kauna-unahang kaso ng H1N1 virus sa bansa.

Ayon kay Duque, nagkaroon ng ubo, lagnat at sore throat ang bata isang araw matapos bumalik sa bansa noong Lunes (Mayo 18) at lumabas sa naging pagsusuri na positibo ito sa H1N1 virus kahapon (Huwebes).

Gayunman, ginamot na umano ang paslit ng antiviral drug na Tamiflu at bumuti na ang kalagayan nito ngunit naka-confine pa rin sa isang ospital.

Ayon pa kay Duque, na mino-monitor din ng mga awtoridad ng DOH ang pamilya ng paslit ngunit hindi nito sinabi kung inilagay sa quarantine ang pamilya o mino-monitor sa kanilang tahanan.

May 49 katao ang isinailalim sa obserbasyon sa mga government at private hospitals simula pa noong Mayo 1 matapos makitaan ng mga sintomas ng H1N1 virus ngunit pinalabas na rin sila ng ospital, ayon sa mga health officials.

No comments:

Blog Archive