Tula: Sa Aking Katulong

Hindi ko na matandaan

kung kailan ko kinabagutan

ang gawaing bahay.

Marahil dahil araw-araw,

paulit-ulit lang ito.

Magwalis man ako ng sahig ngayon,

bukas ay may bagong dumi

na maghihintay sa akin.

Hindi ko na inaabangan ang mga bagong labas

na pampakintab.


Walang katapusan ang labada.

Lagi’y kailangang magpalit ng damit

ang asawang pawisin

at mga anak na gumugulong sa putikan.

Kailangang paghiwalayin

ang may kulay sa wala,

at ibuklod ang may mantsa.

Ayokong makipagtalo

kung mas mahusay ang bareta

sa sabong panlaba.


Pinagsawaan ko

ang mga ekperimento sa kusina.

Humahaba ang mga oras

ng espesyal na paghahanda

dahil kaybilis mawala

ang pagkain sa bunganga

at matunaw sa sikmura.

Hindi na baleng

walang bagong putaheng madiskubre,

huwag lang umiyak

nang dahil sa sibuyas.


Kaya,

mahal kong katulong,

inihahabilin ko sa iyo

bawat sulok ng aking tahanan.

Bahala ka na sa

sala, kusina at kubeta.

Hanap ako ng ibang gawain,

iyon daw tutuong trabaho

pagkat may buwanang suweldo.


Pasa-pasahan lang naman ang pagkaalipin.

Kaya’t bibilhin ko na

ang aking kalayaan.

Sa huling pagsusuri,

ang suliraning pambabae

ay usapin pa rin

ng mga uri.

1 comment:

jmtaguiwalo said...

This is a poem written by Prof Joi Barrios Leblanc. Please acknowledge her.

Blog Archive