Damong Ligaw

Isang Reaksiyon sa Pelikulang Ora Pro Nobis (Fight For Us)
Direksiyon ni Lino Brocka
Mga Nagsiganap: Philip Salvador, Dina Bonnevie, Gina Alajar

h

Nang una kong mapanood ang pelikulang Ora Pro Nobis (Fight For Us) limang taon na ang nakararaan ay nasa unang taon pa lang ako ng kursong Business Administration. Hindi pa ako ganoon kamulat sa mga nangyayari sa aking lipunan at maging ang aking mga ka-blockmate ay wala ring masyadongn ideya tungkol sa aktibismo, armadong kilusan, at Sosyalista – Komunista. Napilitan lang kaming panoorin ang nasabing pelikula dahil sa klase naming Kas 1 (Philippine History). Hindi kami required noon na gumawa ng reaksiyong papel subalit dahil sa aking pagiging mausisa ay tinanong ko ang aking mga klasmeyt kung ano ang palagay nila sa pelikula. Dahil mayayaman at graduate pa sa mga pribadong paaralan (Claret, Manila Science, Ateneo, etc.), walang ibang namutawi sa kanilang bibig kundi ang katagang “Okey lang.” Ngunit iba ang naging epekto ng pelikula sa akin bilang isang kabataan na nakasaksi sa mga gawain ng mga Sosyalista-Komunista o NPA o Kaliwa. Inaamin kong salat pa ang aking kaalaman noon tungkol sa kanila kaya nang mapanood ko ang pelikulang ito ni Lino Brocka ay ang aking emosyon lang ang naapektuhan. Habang pinapanood ko ang pelikula ay naranasan ko ang iba’t ibang uri ng damdamin: galit, pagkamuhi, awa, lungkot, pag-iyak, at maging paghihiganti. Nang lumabas ako ng Film Center ay ambigat-bigat ng aking pakiramdam. Nagngingitngit ang aking kalooban sa galit sa mga taong walang pusong nang-aapi ng kapwa at yumurak sa pagkatao ng maraming mamamayan.

Subalit nang muli ko itong mapanood sa UP Film Center nitong Pebrero 1 ay mas malalim ang naging pagtingin ko sa pelikula. Kung titingnan natin ito bilang isang teksto, maraming problema ang nakapaloob sa Ora Pro Nobis. Sa unang tingin ay masasabi nating ito ay maka-rebolusyon, maka-Kaliwa at pabor sa armadong pakikibaka ngunit kung susuriin nang malaliman ang pelikula ito ay hindi talaga ganoon. Nakapailalim sa pelikula ang antagonismo nito at pagbaluktot sa imahen ng Kaliwa (Sosyalista-Komunista).

Ginawa ang pelikula noong 1989 sa ilalim ng pamahalaang Aquino kung saan higit na marami ang naganap na paglabag sa mga karapatang pantao kaysa sa pinalitang rehimeng diktadura ni Marcos. Ang pagkakaiba nga lamang sa krimeng ito ng dalawang pamahalaan ay ang paraan ng kanilang pagsasagawa nito. Kung hayagan ang paglabag sa mga karapatang pantao ng rehimeng Marcos, patago namang ginawa ng pamahalaang Aquino ang pagsasamantala at pang-aapi sa maskara ng pagtatanggol sa mga karaniwang mamamayan laban sa Kaliwa na itinuturing ng pamahalaan bilang mga kriminal at walang kinikilalang Diyos.

Dapat nating malaman na ang pelikula ay ginawa rin upang ipalabas sa mga komersyal na sinehan. At kahit hindi nakapasa ang pelikula sa pamantayan ng MTRCB, hindi nangangahulugang ito ay subersibo. Ipinakita sa pelikula na suportado ng pamahalaan ang grupong Ora pro Nobis sa ibang pamantayan – na ang samahan ang magtatanggol sa kanayunan laban sa mga Kaliwa at hindi gagawa ng mga aksiyon laban sa mga mamamayan. Ngunit taliwas dito ang gawain ng grupo kung saan sila ay parang mga halimaw na uhaw sa karahasan: nagpapahirap, nananakit at pumapatay sa mga taong dapat ay kanilang ipinagtatanggol. Hindi rin ipinakita sa pelikula kung ano ang kaugnayan ng samahan sa pamahalaang Aquino ngunit ang karakter ni Kumander Kontra (Bembol Roco) ay ipinakitang umiidolo kay Marcos dahil sa larawan ng dating pangulo na nakasabit sa dingding ng bahay ng kumander. Marahil ay ipinapahiwatig nito na ang mga maka-Kaliwa ay nasa impluwensiya pa rin ni Marcos at iniiwasang idawit ang pamahalaang Aquino sa mga paglabag ng karapatang pantao sa pamamagitan nga ng pagpapakita na ang mga nagsasagawa nito ay umiidolo sa diktador na pangulo.

Kaugnay nito ang isa pang problema sa pelikula sa pagbibigay ng maling impresyon sa mga gawain at imahen ng kilusang Sosyalista-Komunista. Bagamat ipinakita ng pelikula ang pagbubulag-bulagan ng pamahalaang Aquino sa mga kaapihang dinaranas ng taumbayan sa ilalim ng terorismo ng kaniyang pamamahala, ipinakita rin ang imahen ng Kaliwa bilang kriminal – pumapatay ng tao at naninira ng buhay nang walang dahilan. Ang impresyon tuloy nito sa akin bilang manonood ay kawalang simpatiya sa gawain at pilosopiya ng kilusan na taliwas sa aking personal na kaalaman at karanasan tungkol sa kanila. (Maraming NPA dati sa aming bayan ng Minalabac sa Camarines Sur, Bicol at kung minsan ay bumababa sila sa aming baryo subalit wala naman silang ginagawang masama sa amin maliban sa paghingi ng mga gamit at pagkain. Madalas sila noong bumaba ng bundok at ako noon ay nasa elementarya pa lang, sa pagkakatanda ko ay mga taong 1990s nang mangyari iyon). Ipinakita sa pelikula na ang pagsama sa ganitong uri ng samahan ay nagdudulot ng pagkasira ng buhay at pamilya katulad ng nangyari sa pangunahing tauhan na si Jimmy (Philip Salvador).

Dagdag pa rito, ipinakita rin na ang pagsama sa armadong kilusan ay subjective at hindi dahil sa paniniwala o ideolohiyang ipinaglalaban. Ang pagsama (pagbalik din dahil dati na siyang maka-Kaliwa) ni Jimmy sa kilusan ay bunsod ng kagustuhang maipaghiganti ang kanyang namatay na anak at asawang si Esper (Gina Alajar). Malinaw na gusting sabihin ng tagpong ito na walang basehan ang kilusan maliban sa personal na kadahilanan. Ipinapahiwatig din nito na hindi lahat ay maaaring maging rebolusyonaryo hindi dahil sa kawalan ng sapat na kamalayan o kamulatan bagkus dahil sa kawalan ng karanasan sa mga pang-aapi ng pamahalaan.

Sa kabuuan, masasabing ang pelikulang Ora Pro Nobis ay nakabalot bilang isang maka-rebolusyonaryo pero ito ay subersibo lamang sa loob ng kagustuhan ng pamahalaang Aquino, sa loob ng pinapayagang pagtuligsa sa pamahalaan. (Nakakalungkot lang dahil ang sumulat ng kuwento ay ang hinahangaan ko at kilalang maka-Kaliwa at Marxist na si Jose F. Lacaba).

1 comment:

Anonymous said...

Nais kong malaman mo na di ang ideolohiya ng tao ang dahilan ng nararanasan nyang kaapihan o kabutihan mula sa iba. Iyon ay bunga ng kagustuhan ng tao na gumawa non at ang estado ay likas na nakagagawa ng kasalanang murder, pagnanakaw, at pang-aalipin. Pagnanakaw ang kilos na pagkuha ng ariarian gaya ng salapi na di boluntaryong ibinigay, halimbawa yung mga pinatay na aktibista na naghahangad ng pagbabago pati yung mga tapat na mamamaahayag ng bansa at pag ikaw ay may negosyo at di ka nagbayad ng buwis. Ang mangyayari ay isasara ang negosyo mo at kailangan ka munang magbayad ng buwis kung gusto mo pang magnegosyo. Ang isa pa pag ikaw ay namamasada ay ang sapilitan kang huhulihin ng alagad ng batas kahit na nasatabi ka lang naman at inakalang may sasakay sayo pero di pala at kakasuhan ka ng kung ano ano gaya ng obstraction kahit di ka naman nakakaabala ng galaw ng trapiko at di naman nakasulat sa pinaghintuan mo ang katagang no unloading and loading ni walang no parking kahit nasa gilid kana ng kalsada kase pera pera lang yan. Kapag ikaw naman ay nagmana ng lupa at ikaw ay kabilang sa minorya ay maaaring maranasan mo na ipagbili ng estado at gubyerno ang lupang minana mo pa mula sa kanununuan mo na minana pa ng mga magulang mo sa lolo at lola mo. Isasakripisyo ng estado at gubyerno ang karapatan mo alang alang sa mga dayuhang namumuhunan upang mawalan ng tirahan ang mga katutubong minorya at di na iisipin kung mamalimos ang ang inalisan nila ng lupa o paano na makakakain ang mga ninakawan nila ng karapatan at ariarian. Ang estado ang pinaka imoral at di makataong naisip ng tao bilang katugunan sa lahat ng problema na kinakaharap ng mga tao dahil inaalis nito ang dignidad ng tao at ng kumunidad.

Blog Archive