Alamat: Kung Bakit May Bentilador na Nakatutok sa mga Libro ng Aklatan

Noong araw ay isang masukal na gubat ang kinatatayuan ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon. Ginawa itong kampo ng mga Amerikano noong panahon ng kanilang pamamayani sa Pilipinas. Nang umalis ang mga Puti ay inilipat sa nasabing lugar ang Unibersidad ng Pilipinas mula sa lungsod ng Maynila. Isa sa mga naunang gusaling itinayo sa pamantasan ay ang Main Library. Dahil sa kalumaan nito kaya itinuturing na maalamat ang natusrang gusali. Marami raw kasing hindi maipaliwanag na mga pangyayari sa naturang aklatan. May mga kababalaghang nangyayari na siyang dahilan kung bakit ang iba ay hindi nakatatagal magtrabaho sa nasabing establisyemento. Ayon sa mga matatandang nagtatrabaho sa UP na nakakuwentuhan ko, ang mga kababalaghang ito ay kagagawan ng mga ligaw na kaluluwa na namatay noong panahon ng giyera. Subalit nay mga nagsabi ring ito ay gawa ng mga nilalang na dating nakatira rito noong ito ay isa pang masukal na gubat.

Isa sa mga nakausap ko ay ang pinakamatandang libararian na si Ginang Candida Sarmiento o Ma’am Ida. Marami na raw siyang naranasang kakaiba hindi lamang sa main libarary kundi maging sa iba pang mga gusali sa loob ng UP Diliman campus. Subalit ang isa sa hindi niya makalimutang karanasan tungkol sa mga kababalaghang ito ay ang nangyari noon sa isang library staff. Mag-iisang buwan pa lang siyang nalilipat sa main laibarary mula sa College of Law noon. Anim silang magkakasama sa kuwarto, dalawang student assistants (SA), tatlong libraray staffs at si Ma’am Ida. Nasa ikatlong palapag sila nakatoka nang araw na iyon, sa Special Collections at Archives Section. Mag-iikalawa noon nang hapon, buwan ng Marso, kaya matindi ang alinsangan ng panahon. Abala ang dalawang SA sa pag-aayos at pagbabalik ng mga ginamit na aklat kasama ang isang libaray staff. Si Ma’am Ida naman ay nakaupo sa kanyang mesa sa gilid ng silid at gumagawa ng inventory. Nasa kabilang silid naman ang dalawa pang staff subalit salamin lamang ang nakaharang na dingding kaya nakikita pa rin nila ang kabila.

Maya’t maya ay pinagpawisan ang libaray staff na kasama ng dalawang SA. Nakita niya ang isang nakabukas na bentilador (stand fan) na nakatutok sa shelf ng Special Collections. Dahil naiinitan, kinuha niya ang bentilador at inilipat malapit sa kanyang puwesto ng inaayusang mga aklat. Makalipas ang ilang sandali ay biglang kinilabutan ang naturang staff. Tumayo ang kanyang mga balahibo nang mapadako ang tingin niya sa bentilador. Maging si Ma’am Ida ay napamulagat sa nakita. Napalingon din ang dalawang SA maging ang mga staff na nasa kabilang silid. Walag namutawing kahit anong salita o tunog mula sa kanilang bibig. Tahimik lamang silang nakatingin habang dahan-dahang umuurong ang bentilador pabalik sa dati nitong puwesto. Kahalintulad nito ang isang saranggola na hinihila ng isang bata upang paliparin.

Pagkaraan ng ilang minutong walang imikan ay lumapit ang isang SA sa bentilador upang tinganan ang kawad nito. Lumabas din sa kabilang silid ang dalawang staff upang makiusyoso. Wala naman silang nakitang kakaiba sa kawad kaya nagkibit-balikat na lamang ang mga ito sa mga kasamahang naghihintay nang dahilan ng pangyayari. Dahil sa siya ang pinakamatagal nang nagtatrabaho doon, napilitang magsalita si Ma’am Ida.

“Huwag kayong matakot. Ganyan talaga rito. Hindi lang iyan ang mararanasan ninyo.”


“Ano po bang ibig ninyong sabihin, Ma’am Ida?”
tanong ng isang SA.

“May iba pa tayong kasama sa gusaling ito. Hindi lang dito kundi maging sa iba pang gusali rito sa loob ng campus. Noong ako ay nasa College of Law ay may kakaiba rin akong naranasan doon,”
tugon ni Ma’am Ida.

“Nakakatakot pala rito. Baka wala na ritong pumask na estudyante kapag nalaman nila ang pangyayaring ito,” saad ng staff na gumamit ng bentilador.

“Ayan, hindi naman kasi para sa inyo ang bentilador. Para sa kanila iyan. Naiinitan din kasi sila,” sabi ni Ma’am Ida sa kanyang mga kasama. “Huwag niyo na lamang ipagsasabi sa iba ang nakita natin para hindi sila matakot na pumunta rito.”

“Ibig sabihin pala ay ginagawa nilang tirahan ang mga libro dito sa aklatan,” saad naman ng isang staff na galing sa kabilang silid.

Mula noon ay palagi nang may mga nakatutok na bentilador sa mga libro ng aklatan upang hindi mainitan ang mga nilalang na nakatira roon.

1 comment:

samjuan said...

Isang pagpupugay sa ika-isandaangtaon ng Unibersidad ng Pilipinas!!

Blog Archive