(PLAY) St. Louis Loves Dem Filipinos…the musical
Written by Floy Quintos
Music by Antonio Paterno Africa
Direction: Alexander Cortez
Cast: Miguel Castro, Isay Alvarez, Lio Rialp, Richard Cunanan
Teatrong Aguinaldo (AFP Theater)
Camp Emilio Aguinaldo, EDSA, Quezon City
November 26, 2005, 3:00 PM
Ang panonood ko ng dulang St. Louis Loves Dem Filipinos ay isang mahalagang karanasan para sa akin dahil nanuot ito sa kailaliman ng aking kamalayan at pagkatao. Ang adaptasyon nito bilang dulang musikal ay hindi lamang nagpagaan sa bigat ng paksang nais nitong ipahayag bagkus ay nagpalalim din sa emotional impact sa mga manonood. Bilang isang taong mahilig sa musika, ang nasabing dulang musikal ay tunay na kumurot sa aking damdamin. Ang mga siyentimento ni Bulan ay makabagbag-damdamin sa loob ng mga awitin. Itinaas ng musika ang materyal mula sa pagiging pulitikal tungo sa pagiging personal at emosyonal. Sa paggamit ng musika, tinulungan tayong makita si Bulan, ang pangunahing tauhan, at iba pang karakter na sila ay may pansariling pakikipagsapalaran upang sa ganoon tayo ay makasimpatiya, makaunawa, at makaisa sa kanilang damdamin. Gustung-gusto ko ang mga kantang ginamit sa dula lalo na ang Waiting Still na themesong nina Bulan at Momayon, ang awit ng tagapagsalaysay kay Bulan, If You Must Change, at ang finale na awit, Paglalakbay. At dahil musikal siya, pareho rin ang ending sa mga musicals sa ibang bansa, may redemption sa dulo.
Sa totoo lang, hindi ko maiwasang hindi maiyak hindi lamang para kay Bulan at sa kanyang naging kapalaran sa Amerika kundi para rin sa ating mga Pilipino at sa ating mga bigong pangarap. Pagkatapos kong mapanood ang nakakaiyak na dulang ito, hindi ko maiwasang pagnilayin ang dalawang mahalagang aspeto ng aking buhay. Una ay ang aking pangarap simula pa pagkabata na maging bahagi ng isang teatro – maging aktor man, manunulat o direktor. Kulang pa ako sa mga kaalaman at karanasang panteatro pero ang tanging dahilan kaya nananatiling buhay ang pangarap kong ito ay ang aking passion para rito. Sa dulang musikal ay nagsama-sama ang mga bagay na gustong-gusto kong gawin sa buhay ko – pag-awit, pag-arte, pagsayaw, pagsulat at iba pa. Subalit hindi ko maiwasang malungkot dahil tutol ang mga magulang ko sa mga creative endeavor ko kasi ang gusto nila ay maging accountant ako. Ang una ko ngang kurso sa UP Diliman ay Business Administration and Accountancy pero nag-shift ako sa Malikhaing Pagsulat ngayong taon. Nang malaman ito ng mga magulang ko ay nadismaya sila subalit wala naman silang magawa dahil malaki na raw ako. Siguro nagtataka kayo kung bakit hindi Theater Arts ang pinili kong kurso. Personal po ang dahilan at kulang po ang espasyong narito upang maipaliwanag ito kaya hindi ko na lang po tatalakayin.
Balik tayo sa sinasabi kong paglilimi. Ang ikalawang bahagi ng aking pagkatao na aking ipinagnilay-nilay ay ang aking nakaraang kasaysayan at mga ninuno. Naniniwala ako na ang katangian ng tagapagsalaysday na si Fred Tinawid ang ating dapat taglayin – ang pagnanasang alamin ang kanyang sariling kasaysayan, ang ating sariling kasaysayan. Kailangan nating balikan ang ating pinagmulan upang malaman ang mga naging karanasan ng ating mga ninuno. Kapag ating ginawa ito, makikita natin na sila rin ay may mga pangarap at iyon ay ang makagawa ng isang dakilang gawain kung saan sila ay aalalahanin ng kanilang mga kababayan sa kanilang epiko at mga awiting-bayan. Para kina Bulan at sa asawang si Momayon, ang pagkakataong makapagbiyahe, makatawid sa kalawakan ng dagat at makatuntong sa Amerika, ay pagkakataon nila upang ipakita sa ibang bahagi ng mundo ang karangalan at kagandahan ng kulturang Bagobo habang sila ay namumulot ng makabagong impresyon, kaalaman, at edukasyon na kanilang maihahatid pabalik sa kanilang lugar na pinagmulan, Subalit taliwas dito ang nangyari kung saan sila ay ipinaradang parang mga hayop sa harap ng mga dayuhan, pinagtawanan, at nilibak. Para silang nasa circus o isang zoo.
Sa ngayon, katulad ako ni Fred na nagsasaliksik sa aking pinagmulan, inaalam ang aking kasaysayan at mga ninuno. Dahil dito, natuklasan kong isa pala akong taal na Bicolano. Noong una, ang alam ko ay ang nanay ko lang ang taga-Bicol. Hindi ko akalaing may dugong Bicolano rin pala ang tatay ko dahil ang kanyang mga magulang ay galing sa isla ng Catanduanes kahit na siya ay dito na isinilang at lumaki. Ang nakakatawa, hindi marunong makaintindi ng wikang Bicol ang tatay ko. Isa lang itong halimbawa ng paglimot sa nakaraan at pinagmulan. Ayokong matulad sa kanya kaya tuwing bakasyon, kung maaari, ay umuuwi ako sa probinsiya ng nanay ko sa Camarines Sur at sana sa darating na mga buwan ay sa Catanduanes naman ako makarating upang mas lalo ko pang makilala ang aking lahing pinagmulan.
Salamat sa dulang St. Louis Loves Dem Filipinos! Isa ito sa mga dulang dapat nating ipagmalaki dahil tuturuan ka nitong ma-appreciate ang sariling atin, ang sarili nating kulturang Pilipino.
I am a Filipino and proud to be one!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Blog Archive
-
▼
2008
(82)
-
▼
June
(14)
- Thinking Money Online
- Yosi, Kadiri!
- Araling Pilipino o Philippine Studies?
- AdSense Tip: Can You Buy Traffic to AdSense Sites?
- What Am I Transcended in Time?
- Ways to Make Money on the Internet
- SM Ladies
- Ang Dapat Mabatid ng mga Kabataang Pilipino
- Existentialism is a Humanism
- Alamat: Kung Bakit May Bentilador na Nakatutok sa ...
- Ang Kabilang Mukha ng Dula
- Damong Ligaw
- Paglingon
- Panitikan at Lipunan
-
▼
June
(14)
No comments:
Post a Comment