Ang Kabilang Mukha ng Dula

Faculty Follies 2005
KALagtasan: Nagmamahal sa Gitna ng Kamahalan
Teatro Wilfredo Ma. Guerrero
2nd Floor, Palma Hall, UP Diliman Campus, Quezon City
Disyembre 14, 2005, 3:00 PM


Madalas akong manood ng mga nakakatuwang palabas , dula o skit sa loob ng UP at ilan lamang sa mga nagtatanghal nito ay ang UP Repertory Company at UP SIKAT (Sirkulo ng mga Kabataang Artista). Subalit ang Faculty Follies ay hindi ordinaryong palabas lamang bukod sa ito ay kinatatampukan ng mga paborito kong guro sa Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL). Nakakaaliw man ang nasabing dula, mayroon itong mensaheng ipinaabot sa mga nanood nito.

Sa pangkalahatan, ang dula ay isang musikal at puno ng buhay. Talagang pinasaya nito ang mga manonood sa mga nakakabaliw nitong mga eksena at napapahagalpak kami sa tawa sa mga adlib ng mga nagsipagganap. Ang dula ay tungkol sa iba’t ibang uri ng pagliligawan at pag-iibigan sa Pilipinas simula noong panahon pa ng ating mga ninuno hanggang sa kasalukuyan. Medyo hindi akma sa panahon ang nasabing paksa dahil matagal pa naman ang Araw ng mga Puso pero ang panahon ng Kapaskuhan ay panahon ng pagmamahalan kaya swak na rin.

Nakakaaliw panoorin ang mga guro ng KAL lalo na ang tagapagsalaysay na si Rio Alma o Virgilio Almario, ang Dekano ng KAL. Mahusay ding magpatawa ang dalawang magkatunggali sa balagtasan na sina Sir Vim Nadera at Ma’am Charry Lucero na parehong guro sa Departamento ng Filipino. Magaling ang bawat departamento ng KAL sa kanilang mga bahagi sa dula. Ang hindi ko lang masyadong na-appreciate ay ang presentasyon ng Art Studies Department na puppet show at shadow dance dahil hindi ako mahilig sa mga ganitong palabas. Nakadagdag din sa aking pagkabagot sa palabas nila ay ang kanilang paksang pag-iibigan noong unang panahon. Kaya siguro hindi ko nagustuhan ang nasabing pagtatanghal ay dahil sa makaluma ang kanilang tema na taliwas sa aking nakamulatang makabagong sistema ngayon. Ang pinakagusto ko naman ay ang pagtatanghal ng Department of Speech at Theater Arts tungkol sa pag-iibigan sa panahon ng Hapon. Bongga ang dance number nila at talagang hindi ko napigilan ang sarili kong hindi mapaindak sa aking kinauupuan. Tawa ako nang tawa doon sa isang gurong lalaki kasi kailangan niyang magsuot ng bestida bilang isang babaeng japayuki. Riot talaga ang bahaging iyon at ang lahat ng mga manonood ay napapabunghalit ng tawa kapag siya ay nagsasayaw dahil kengkoy ang dating niya sa entablado. Bigay na bigay din siya sa kanyang pagsasayaw at sabi nga ng isang katabi ko ay baka umaalog-alog din ang kanyang “junior” habang sumasayaw siya. Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!

Katulad nga ng sinabi ko kanina, ang nasabing dula ay hindi lamang nais makapagbigay ng aliw kundi may mensaheng nais ipahatid sa mga manonood. Sa pamagat pa lang na “Nagmamahalan sa gitna ng kamahalan” ay may nais na itong ipahayag. Ang KAL na tahanan ng mga militanteng grupo ay ipinaglalaban ang karapatan ng mga manggagawa lalo na ng mga taga-UP. Nais nilang manawagan sa mga manonood na makiisa sa kanilang pakikipaglaban upang maibigay ang matagal nang hindi nababayarang cost of living allowance o COLA ng mga manggagawa sa UP. Kakarampot na nga lang ang kanilang sahod, hindi pa ibinibigay sa kanila ang mga benepisyong nararapat lamang sa kanila. Ang dula ay isang mahusay na paraan upang ipabatid ang mga mensaheng nais ihatid sa mga manonood. Tunay ngang ang mga ganitong pagtitipon ay angkop upang magpahayag ng mga ideolohiya at upang magpabatid ng mga isyung nangyayari sa ating paligid.

Kudus sa mga kaguruan ng KAL! Hindi lang pala sa pagtuturo sila magaling kundi maging sa pag-arte at pagtatanghal ng mga palabas. Ngayon ay mas lalo kong hinangaan ang mga guro ko sa KAL at para sa akin ang KAL ang pinakamasayang kolehiyo sa UP Diliman!!!

No comments:

Blog Archive