Itong Pilipinas, na unang bansang Asyano na lumaya sa pagiging kolonya ng dayuhang bansa, ay siya ring unang nagpamalas ng makabagong nasyonalismo. Mataas ang tingin sa kanya ng kanyang mga kalapit-bansa dahil sa katapangang ipinakita ng mga sinaunang Pilipino sa pakikibaka upang makamit ang inaaasam na kalayaan. Muli siyang hinangaan sa kanyang damdaming makabayan nang mag-alsa ang mga Pilipino upang patalsikin ang dating diktador na rehimeng Marcos noong 1986.
Ngayong nahaharap ang Pilipinas sa mga pagbabago at isyu ng globalisasyon ay tila nagbago na rin ang kamalayang pambansa ng mga Pilipino. Sa gitna ng mga kaguluhang sosyo-pulitikal at krisis pang-ekonomiya ng bansa ay nasaan ang damdaming makabayan ng mga Pilipino? Ano ang ginagawa ng mga kabataan ng kasalukayang henerasyon sa sinasabi ni Gat Jose Rizal na sila ay ‘pag-asa ng bayan’? Wala kundi pawang kataksilan at pag-aalipusta sa Inang Bayan!
Mangyaring nasabi ko ito sapagkat isang malinaw na halimbawa ng pag-aalipusta sa bayan ay ang hindi pagtangkilik sa sariling wika. Maraming kabataang Pilipino ang hindi gumagamit ng wikang Filipino sa kanilang pakikipag-usap. Mababa ang tingin ng mga kabataang ito sa Filipino, ang ating opisyal na wikang pambansa, samantalang mataas naman ang tingin sa mga wikang dayuhan. Naniniwala silang mahinang wika ang Filipino kaysa ibang wika lalo na ang Ingles. Ayon sa pag-aaral na ginawa ni Banaag tungkol sa wikang gamit ng mga kabataang nag-aaral sa Ateneo de Manila University, University of the East at maging sa UP, napag-alamang higit na ginagamit ang Ingles sa paaralan subalit timbang naman ang paggamit ng Filipino at Ingles sa kanilang tahanan.[1] Ang mga kabataang ito ay nagsasabing ang Ingles ang susi ng kanilang tagumpay kaya’t sila ay nagpapakadalubhasa rito. Nakatatak na sa kanilang kamalayan na ang Ingles ay isang prestihiyosong wika. Ang mga intelektwal na ito ay hayagan ang pag-aalipusta sa Inang Bayan dahil sa pagwawalang-bahala sa sariling wika kapalit ng Ingles. Nasaan ang pagiging makabayan kung ganito ang pagtingin ng isang mamamayan sa kanyang wika?
"Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa malansang isda.” Ang pamosong linyang ito ni Rizal ay malinaw na naglalarawan ng pagtataksil sa bayan ng isang taong walang pagmamahal sa sariling wika. Ikinumpara pa nga siya ni Rizal sa isang malansang isda, nakakadiri at di dapat pamarisan. Ang nakalulungkot nito, talamak na sa Pilipinas ang pagtatangi sa wikang Ingles. Michael love Jenny, sulat sa pinto ng isang banyo sa UP Main Library. Strictly No Parking, pagbabawal sa isang ahensya ng gobyerno sa Bicutan, Taguig. Wanted Attractive Waitress and GRO, sa kahabaan ng Timog Avenue. Sa mga usap-usapan ng mga estudyante naman maririnig mo ang mga pariralang: halos every night ko siyang kausap sa phone, marami kaming treasured moments, out of town kami every summer vacation, bale at the same time kumikita ako as a part-time employee.
"Kung ano ang wika mo, iyon ang pagkatao mo. Sa larangang pambansa, ang wika ng bayan ay ang bayan." [2] Ayon kay Almario, ang wika ng bayan ay kung ano ang kaalaman at kasanayan ng gumagamit na bayan. Samakatwid, kapag sinabi mong mahina ang wika mo, sinasabi mo ring mababa ang karanasan at kaalaman ng iyong bayan. Paano magiging mataas ang uri ng Filipino kung hindi gagamitin ng mga intelektwal o edukado? At paanong aangat ang karunungan ng taumbayan kung ang mga dapat nilang matutunan ay sinasalita at isinusulat sa wikang hindi nila alam?
Tandaan nating may tungkulin tayong dapat gampanan bilang isang mamamayan at ito ay ang paglilingkod sa Inang Bayan. Ang paggamit ng wikang Filipino ay isa lang sa maraming paraan ng pagsisilbi at pagpapakita ng pagmamahal sa bayan, isang paraan ng pagkakaroon ng kamalayan at damdaming makabayan. Oo nga’t nakatatak na sa ating pagkatao ang impluwensiya ng mga Amerikano at mahirap na itong alisin sa ating kamalayan nang ganoon na lamang subalit kailangan nating simulan ang pagbabago kahit paunti-unti. Ang pagbabago naman kasi ay hindi nangyayari sa isang iglap lang. Kung hindi natin agad uumpisahan ang pagbabago kailan tayo kikilos? Gamitin natin at tangkilikin ang wikang Filipino. Panahon na ngayong dapat nating ipakita ang ating sariling pagkakakilalan sa pamamagitan ng ating sariling wika. Ngayon ang panahon upang iwaksi ang kamalayang kolonyal, lumaya sa impluwensiya ng mga dayuhan, panahon na ngayong dapat makilala ang Filipino bilang wika ng isang bansang may mataas na kaalaman at karanasan.
[1]Banaag, Regina F. “The Effects of the Interlocutors and the Situation on the Language Choice of an Individual,” isang pag-aaral para sa Speech 204, UP Diliman, Ikalawang semester, 1988-1989.
[2]Almario, Virgilio S. “Filipino ang Filipino.” Daluyan (Opisyal na Publikasyon ng Sentro ng Wikang Filipino). Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon. Enero-Marso, 1994.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Blog Archive
-
▼
2008
(82)
-
▼
June
(14)
- Thinking Money Online
- Yosi, Kadiri!
- Araling Pilipino o Philippine Studies?
- AdSense Tip: Can You Buy Traffic to AdSense Sites?
- What Am I Transcended in Time?
- Ways to Make Money on the Internet
- SM Ladies
- Ang Dapat Mabatid ng mga Kabataang Pilipino
- Existentialism is a Humanism
- Alamat: Kung Bakit May Bentilador na Nakatutok sa ...
- Ang Kabilang Mukha ng Dula
- Damong Ligaw
- Paglingon
- Panitikan at Lipunan
-
▼
June
(14)
No comments:
Post a Comment