Francis Magalona: Tunay na Makabayang Pilipino

Nagbabasa ako ng aking email nang may matanggap akong mensahe na patay na raw ang kilalang rapper na si Francis Magalona. Hindi ako naniwala noong una dahil sanay na akong makatanggap ng mga spam messages sa aking inbox. Dali-dali kong pinuntahan ang blog ni Kiko (palayaw niya) upang kumpirmahin ang nasabing balita.

Hindi ko ipagkakailang labis akong nalungkot sa balitang namatay na si Kiko. Una sa lahat, idolo ko siya dahil sa kanyang mga makabayang awitin. Dito sa larangan ng pag-awit ko siya unang nakilala. At sa lahat ng kanyang mga awitin ay pinakapaborito ko ang kantang "Mga Kababayan Ko".

Noong nasa hayskul ako ay hindi ko pa alam ang kahulugan ng awiting ito ni Kiko. Nagustuhan ko lang siya noon dahil sa melodiya at paraan ng pagkanta, ang rap. Subalit noong nasa Peyups na ako ay nagkaroon kami ng takdang aralin na sumuri ng isang popular na awitin na may temang nasyonalismo o pagkamakabayan. Pinagtalunan pa ng mga kagrupo ko kung alin sa Mga Kababayan ko o Noypi (Bamboo) ang aming susuriin. Subalit ipinilit kong ang una ang suriin namin dahil hindi sa paborito ko ang kanta kundi upang matulungan ako ng aking mga kagrupo na munawaan ang diwa at mensahe ng awiting ito ni Francis M. Sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga kuru-kuro, natuklasan naming tinataglay ng Mga Kababayan Ko ang pagpapahalaga sa mga sumusunod:

sa Lahing Kayumanggi (Pilipino);
sa kasipagan ng Pinoy;
sa kagandahan at kagalingan ng produktong Pinoy;
sa paggalang sa mga magulang;
sa pag-ako ng responsibilidad;
sa pagiging magkapatid ng lahat bilang mga anak ng Dakilang Lumikha; at
sa pagkakaisa para makamit ang kapayapaan.



Kaya bilang pasasalamat sa pagsisikap ni Francis M. na ibahagi ang diwa ng Lahing Pilipino sa pamamagitan ng pag-awit, heto ang lyrics ng kanyang awit:

Koro:
Mga kababayan ko
Dapat lang malaman nyo
Bilib ako sa kulay ko
Ako ay pilipino

Kung may itim o may puti
Mayroon namagn kayumangi
Isipin mo na kaya mong
Abutin ang yung minimithi

Dapat magsumikap para tayo'y 'di maghirap
Ang trabaho mo, pagbutihin mo
Dahil 'pag gusto mo ay kaya mo
Kung kaya mo ay kaya niya
At kaya nating dalawa

Magaling ang atin
'Yan ang laging iisipin
Pag-asenso'y mararating
Kung handa kang tiisin
Ang hirap at pagod sa problema
'Wag kang malunod
Umaahon ka 'wag lumubog
Pagka't ginhawa naman ang susunod
Iwasan mo ang ingit
Ang sa iba'y ibig mong makamit
Dapat nga ika'y matuwa sa napala ng iyong kapatid
Ibig kung ipabatid
Na lahat tayo'y kapit-bisig

(Ulitin ang Koro)

Respetuhin natin ang ating ina
Ilaw siya ng tahanan
Bigyang galang ang ama
At ang payo ang susundan
At sa magkakapatid
Kailanga'y magmahalan
Dapat lang ay pag-usapan ang hindi nauunawaan

'Wag takasan ang pagkukulang
Kasalanan ay panagutan
Magmalinis ay iwasan
Nakakainis, marumi naman
Ang magkaaway ipagbati
Gumitna ka at 'wag kumampi

Lahat tayo'y magkakapatid
Anumang mali ay ituwid
Magdasal sa Diyos Maykapal
Maging banal at 'wag hangal
Itong tula ay alay ko
Sa inyo at sa buong mundo

(Ulitin ang Koro)



Sa panahon ngayon ng krisis pampinansiyal kung saan marami ang nagkakanya-kanya, mahalagang paalalahanan tayong mga Pilipino na dapat mahalin ang kababayan at ang Inang Bayan.

No comments:

Blog Archive