General Trias, Cavite. Dating kilala ang bayang ito bilang bayan ng San Francisco de Malabon. Saan nanggaling ang pangalang ito? Sino si General Trias at bakit ipinangalan sa kanya ang naturang bayan?
Isa si Heneral Mariano Trias sa unang tatlong pulitiko-militar na gobernador ng Cavite noong panahon ng himagsikang Pilipino laban sa mga Kastila. Ilang linggo matapos ang proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa Kawit, Cavite, itinalaga ng dating pangulong Emilio Aguinaldo si Hen. Trias bilang kalihim ng pananalapi ng kanyang gabinete na ang tanggapan ay nasa bayan ng Bacoor.
Si Trias ang bise-presidente ng pamahalaan ng himagsikan na itinayo sa Kumbensiyon sa Tejeros noong Marso 22, 1897. Nanungkulan din siya bilang bise-presidente ng Republika ng Biak-na-Bato na itinatag noong Nobeyembre 1, 1897. Nanatili siyang Kalihim ng Pananalapi ng gabinete na itinatag ni Apolinario Mabini noong Enero 2, 1899. Nang malansag ang gabinete ni Mabini noong Mayo, si Trias ang itinalagang kalihim ng digmaan sa gabinete ni Pedro Paterno. Pagkatapos ay ipinasya niyang sumuko kay Heneral Baldwin ng Hukbong Amerikano.
Naglingkod si Trias sa rehimeng Amerikano mula 1901 hanggang 1905 bilang unang gobernador-sibil ng Cavite. Pormal siyang itinalaga bilang civil governor ni William Howard Taft noong Hunyo 11, 1901. Naitalaga rin siyang kagawad ng delegasyon ng Pilipinas sa St. Loius Exposition (Missouri) noong 1904.
Itinatag ni Trias ang sangay ng Lapiang Nasyonalista sa Cavite at nagtaguyod ng kandidatura ni Rafael Palma bilang assemblyman ng nag-iisang purok ng Cavite noong 1907. Sa halalan ng 1912, itinaguyod naman niya sina Antero S. Soriano at Florentino Joya na nanalo bilang gobernador at kinatawan ng Cavite.
Sa San Francisco de Malabon ipinanganak si Hen. Mariano Trias noong Oktubre 2, 1868. Anak siya ng may-ari ng lupain na si Balbino Trias (isang kabesa de barangay at naging hukom pamayapa noong panahon ng mga Kastila) at Gabriela Closas. Pagkatapos ng kanyang pag-aaral sa kanilang bayan, pumasok si Trias sa Kolehoyo ng San Juan de Letran kung saan nagtapos siya ng Bachelor of Arts. Lumipat siya sa Pamantasan ng Santo Tomas at kumukuha ng medisina nang sumiklab ang himagsikan. Tumigil siya sa pag-aaral at sumapi sa Katipunan kung saan siya naging piskal ng Sangguniang Magdiwang.
Sa kabila ng kanyang pakikipaglaban at sa kanyang busy political career, nakapag-asawa pa rin siya sa katauhan ni Maria Concepcion Ferrer at nagkaroon ng walong anak. Namatay siya noong Pebrero 22, 1914 sa gulang na 45.
Malaking bagay ang nagawa ni Hen. Trias upang magtagumpay ang himagsikang Pilipino laban sa mga Kastila. Dahil dito, ang bayan ng San Francisco de Malabon ay ipinangalan sa kanya bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan at paglilingkod sa bayan. Sa pamamagitan nito ay mananatiling buhay sa alaala ng sambayanang Pilipino ang kadakilaan ni Heneral Mariano Trias.
3 comments:
Uy Frank! Kamusta na? Ayos tong blog mo a..napaka academic naman! hehe. Naligaw lang ako dito, nakita ko lang sa google.
Thanks! Miss na kita!
This site its good and helpul thank you
Post a Comment