Kung mayroon mang isang bagay ang maihahalintulad ko sa aking sarili iyon ay ang buwan. Marami kaming magkakatulad na katangian kaya sa tuwing panahon ng kanyang kabilugan ay ako ang unang natutuwa dahil alam kong susuwertihin ako. Nang maglaon, dahil sa buwan, nakagawian ko nang tumingin sa langit upang pagmasdan hindi lamang ang nasabing satellite kundi ang lahat ng bagay na makikita sa kalawakan ng aking dalawang mata. Sa katunayan, naging pampalipas-oras ko na ang pagtanaw sa malawak na kalangitan. Naging bahagi na ng aking buhay ang pakikipag-ulayaw sa langit, lalo na kung gabi at maging sa panahon ng aking mga kalungkutan at kaligayahan.
Ang pagtitig sa
kalawakan ay nagbibigay sa akin ng kapayapaang hindi ko natatagpuan sa aking kapaligiran. Sa pamamagitan ng pagtanaw sa buwan at mga nagkikislapang bituin ay nararamdaman ko ang presensiya ng dakilang Maylikha at ating Bathala. Subalit kasabay ng pagtanaw ko sa langit ay pagdaloy ng mga nakalipas na alaala sa aking puso at isipan.
Katulad ngayong ikawalo ng gabi, araw ng Biyernes. Katatapos ko lang maghapunan at sa halip na manood ng mga teleseryeng kinalolokohan ng mga tao ngayon, mas pinili ko pang magpatunaw ng aking kinain sa ibabaw ng aming bubong. Hindi muna ako nahiga dahil medyo busog pa ako kaya nilinga ko muna ang aking panigin sa king paligid. Ang aming malaking bahay ay napapaligiran din ng malalaking bahay na may dalawang palapag. Ang pagkakaiba nga lang ay gawa pa sa mga kahoy ang aming luma at medyo bulok nang bahay samantalang yari sa mga bato at marmol ang mga bahay ng kapitbahay namin. Lalo pang nagmukhang sinauna ang aming tirahan nang ipina-renovate ang bahay sa harapan namin. Makulay ang nasabing bahay samantalang ang sa amin ay walang kabuhay-buhay ang anyo at kulay. Sabi nga ng mga kaibigan kong naisama ko na rito ay parang haunted house ang aming bahay.
Nang hindi ko na maramdaman ang kabusugan ay dahan-dahan akong humiga sa bubungan namin. Una kong napagmasdan ang kadiliman ng langit dahil sa hindi pagsulpot ng buwan. Sabagay normal lang naman na hindi ito nagpakita ngayong gabi dahil katatapos lang ng
last quarter. Napansin ko ring kakaunti ang mga bituing nagniningning kaya hindi ko maiwasang mapatitig sa isang bagay na bukod-tangi ang liwanag sa kalawakan. Iyon ay ang planetang
Venus na matatagpuan sa banding kaliwa ng nilulubugan ng araw. Ganunpaman, masaya ko pa ring tinanaw ang madilim na kalangitan habang bumabalik sa aking alaala ang aking kabataan. Nangyaring ang aking pagkabata ang naaalala ko sa tuwing kaulayaw ko ang langit dahil may kaugnayan ito sa planetang Venus na aking natatanaw ngayon.
Nasa probinsiya pa ako noon. Ikalima noon ng hapon. Kagagaling lang namin ng mga pinsan ko noon sa bukid para mamitas ng maigugulay at maghanap ng kahoy na panggatong nang maisipan kong magpahinga sa tabing-dagat. Pinauna ko nang umuwi ang mga kasama ko kaya naiwan akong mag-isang nakaupo sa malalaking bato kaharap ang malawak at tahimik na dagat. Pinagmasdan ko ang paglubog ng araw at natuwa ako sa iba’t ibang kulay na nakita ko sa paligid nito habang unti-unti siyang nagtago sa likod ng mahabang kabundukan ng Quezon. May kulay dilaw, orange at pula sa lilis ng araw at naalala ko tuloy ang color wheel na ginawa naming sa asignaturang MAPE (Music, Arts and Physical Education). Nang wala na akong makita kahit kaunting liwanag mula sa araw ay napadako ang tingin ko sa isang bagay na kumikinang sa banding kaliwa ng kanluran. Kakaiba ang kanyang ningning at mas malaki siya kaysa sa mga nagkikislapang bituin na nag-umpisa na ring magpakita. Sumagi ulit sa isipan ko ang napag-aralan namin sa
Astronomy tungkol sa isang bagay na parehong tinatawag na “Morning Star” at “Evening Star”. Ito ay ang planetang Venus na sa gabi ay maituturing na pinakamaningning na celestial body sa buong kalawakan. Gandang-ganda ako noon sa planetang ito at parang binibigyan ako nito ng panibagong pag-asa sa bawat pagkislap nito. Nang mga oras kasing iyon ay nalulungkot ako dahil sa kahirapang tinatamasa namin. Nakatira ako sa lolo at lola ko na nagpalaki sa akin nang iwan ako sa kanila ng nanay ko noong apat na taon pa lang ako. Naghiwalay noon ang mga magulang ko dahil sumama sa ibang lalaki ang nanay ko. Hindi naman sila kasal kaya hindi na rin ako hinanap ng tatay ko. Pinilit akong itinaguyod ng mga agwela ko kasama rin ng iba ko pang mga pinsan na iniwan din ng mga magulang nila. Naaawa ako sa mga matatanda kasi pagkatapos nilang maghirap sa kanilang mga anak ay mga apo naman ang pumalit. Dapat ay nagpapahinga na lang sila at hindi iyong namomroblema pa sa pagpapalaki sa amin. Kaya nga mahal na mahal ko ang aking lolo at lola. Kumulo ang tiyan ko kaya alam kong oras na ng hapunan. Pero bago ako umuwi ay tinitigan ko ulit ang planetang Venus sabay bigkas ng isang pangako, “
Balang araw makakarating din ako ng Maynila kung saan magtatapos ako ng kolehiyo upang magkaroon ng magandang kinabukasan para makatulong sa lolo at lola ko.”
Sa ngayon ay unti-unti nang natutupad ang pangakong iyon. Nang makapasa ako sa UPCAT ay hinanap ko ang bahay ng tatay ko rito sa lungsod ng Quezon, sa tulong na rin ng lola ko. Kahit kasi hindi ko na nakita ang tatay ko ay palagi ko pa rin siyang itinatanong sa lola ko at nalaman kong tumira siya noon sa bahay ng tatay ko noong nagsasama pa ang mga magulang ko. Itinuro niya sa akin kung paano kami magkikita ng tatay ko at natagpuan ko nga siya bago magsimula ang unang semestre ng aking unang taon sa UP. Nang malaman ng tatay ko na nandoon ako sa bahay niya ay nagmamadali siyang umuwi galing sa trabaho at lalo pa siyang natuwa nang mapagtanto niyang sa UP ako mag-aaral.
Doon na rin niya ako pinatira sa bahay niya na namana niya sa kanyang ama nang ito ay mamatay. Ang kanyang ina ay buhay pa at kasama namin pati ang isa niyang kapatid na bakla. Wala pang asawa ang tatay ko pero mayroon siyang kasintahan. Hindi naman ako tutol kung mag-asawa ulit siya.
Napatitig ako sa isang bagay na kumukutitap. Tiningnan ko talagang maigi kasi maganda ang kulay, mamula-mula. “
Ang ganda naman ng bituin na iyon!” bulong ko sa aking sarili. Ang iba kasing nakikita kong mga tala ay hindi ko masyadong maaninag ang kulay, kung hindi puti ay manilaw-nilaw naman. Maya-maya ay napansin kong parang gumagalaw ang tinitignan kong bituin. Ngek! Eroplano pala! Akala ko ay isang magandang tala ang aking tinatanaw pero hindi pala! Hindi ko maiwasang hindi mapahagikhik at matawa sa aking sarili. Napeke ako doon, ah!
Sinulyapan ko ang aking relo sa kaliwang bisig. Mag-iikasampu na ng gabi! Dali-dali akong bumalikwas ng bangon at dahan-dahang lumakad sa ibabaw ng kulay berdeng bubong. Sa likod bahay ako dumaan pababa gamit ang mataas na hagdang bakal. Madilim sa likod bahay kaya maingat akong bumaba. Paglapat ng aking mga paa sa semento ay patakbo akong pumasok sa loob ng bahay upang manood ng aking paboritong reality show, ang “
Pinoy Dream Academy”.