Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga senyales o palatandaan ng nalalapit na pagiging ina. Maaaring maranasan ang lahat ng mga sintomas na nabanggit, iilan lamang, o kaya kahit isa sa mga ito ay wala.
1. Ang unang senyales na ang babae ay maaaring nagdadalang-tao ay ang pagkagiliw sa isang uri ng pagkain o food cravings. Kadalasang ito ang unang mapapansin sa mga taong buntis o sa madaling sabi, naglilihi. Subalit hindi lahat ng pagkagusto sa pagkain o pagkatakaw dito ay sintomas ng pagdadalang-tao. Magiging sigurado lamang ang sintomas na ito kung may kasabay pang ilang palatandaan sa mga sumusunod. Kung magkagayon, simulan nang bilangin ang huling araw ng pagregla.
2. Pangingitim ng mga utong. Kapag napansing nangingitim ang balat na pumapalibot sa utong (nipple), matagumpay ang iyong conception at buntis ka nga, subalit maaari rin itong senyales ng hormonal imbalance na walang kaugnayan sa pagbubuntis o epekto ng naunang pagdadalang-tao.
3. Kaugnay ng nasa taas ay ang pananakit at pamamaga ng mga suso. Kapag buntis ang isang babae ang kanyang mga suso ay medyo sensitibo o nananakit gaya ng pakiramdam bago datnan ng buwanang dalaw o regla. Kapag nasanay na ang katawan sa hormone changes, ang sakit ay kusang mawawala.
4. Madalas na pag-ihi dulot ng hormone na human chorionic gonadotropin (hCG) na inilalabas ng nabuong embryo. Dahil dito, tumataas ang blood volume ng babaeng buntis at lumalaki ang kaniyang kidney.
5. Implantation bleeding. Ayon sa mga pag-aral humigit-kumulang sa 20 porsiyento ng mga nagdadalang-tao ay nakararanas ng pagdurugo. Medyo mapusyaw ang kulay ng dugo, pink o brown ang kulay, at kaunti lang ang dami o kadalasang spots lamang. Mararanasan ito sa ikaanim hanggang ikasampung araw matapos ang ovulation.
6. Fatigue o palaging pagod na pakiramdam. Maaari rin na siya'y nanghihina at walang lakas. Bunga ito ng mataas na level ng hormone na progesterone at nagbibigay ng pakiramdam na para siyang nakipag-karerahan. Minsan ay bigla na lang siyang nakararamdam ng pagkaantok. Madalas itong sintomas ng pagbubuntis subalit dapat pa ring makita ang iba pang mga palatandaan para makasigurado.
7. Pagkahilo at pagsusuka. Ang babaeng nagdadalang-tao ay kadalasang nasusuka at masama ang pangangatawan sa unang tatlong buwan. Ito ay tinatawag ring morning sickness. Hindi lahat ng babaeng buntis ay nakararanas nito at ang ilan ay nararanasan lamang ito sa pagsapit ng ikalawa hanggang ikaapat na linggo na matapos hindi datnan ng regla. Nawawala rin ang pakiramdam na ito sa pagsapit ng ikaapat na buwan ng pagdadalang-tao at pataas.
8. Naiiba o pagbabago ng panlasa. Mapapansin ng isang buntis na nag-iba ang kanyang panlasa sa mga pagkain. Ang ilang nagdadalang-tao ay sinasabing may mapakla silang panlasa samantalang ang iba ay hindi nila gusto ang lasa ng kape, tsokolate o pagkaing karaniwang paborito nila.
9. Pagkawala ng buwanang dalaw o regla. Kapag regular ang regla ng isang babae, mayroon siyang eksaktong petsa kung kailan dadatnan. Sa isang babaeng may iregular na buwanang dalawa, dapat ay mapansin ang iba pang mga sintomas.
At panghuli...
10. Positive pregnancy test. Makakabili ka ng home pregnancy test (simpleng pangsuri sa pagkabuntis) sa isang botika o maaari kang magdala ng sample ng iyong ihi sa doktor. Gamit ang pregnancy test kit pagkatapos ang isang araw ng hindi pagregla at makita mong lumabas ang kulay asul na linya sa test window, ikaw nga ay siguradong buntis! Congratulations!