Showing posts with label bleeding. Show all posts
Showing posts with label bleeding. Show all posts

Sampung Sintomas ng Pagbubuntis

Malalaman ang simula ng pagbubuntis sa iba't ibang paraan ng nagdadalangtao mismo may medical testing man ito o wala. Kapag ang isang babae ay kilala ang kanyang katawan, malalaman niya agad kung siya ay nagdadalangatao pagkatapos ng conception. Subalit karamihan sa mga babae ay hindi agad nakararanas ng mga paunang sintomas ng pagbubuntis hanggang ang fertilized na itlog ay kumapit sa uterine wall ng matris. Ang ilan ay walang mapapansing palatandaan na sila ay buntis sa pagdaan ng ilang linggo at magtatanong lamang sila kung sila ba ay buntis kapag hindi dinatnan ng buwanang dalaw o regla.

Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga senyales o palatandaan ng nalalapit na pagiging ina. Maaaring maranasan ang lahat ng mga sintomas na nabanggit, iilan lamang, o kaya kahit isa sa mga ito ay wala.

1. Ang unang senyales na ang babae ay maaaring nagdadalang-tao ay ang pagkagiliw sa isang uri ng pagkain o food cravings. Kadalasang ito ang unang mapapansin sa mga taong buntis o sa madaling sabi, naglilihi. Subalit hindi lahat ng pagkagusto sa pagkain o pagkatakaw dito ay sintomas ng pagdadalang-tao. Magiging sigurado lamang ang sintomas na ito kung may kasabay pang ilang palatandaan sa mga sumusunod. Kung magkagayon, simulan nang bilangin ang huling araw ng pagregla.

2. Pangingitim ng mga utong. Kapag napansing nangingitim ang balat na pumapalibot sa utong (nipple), matagumpay ang iyong conception at buntis ka nga, subalit maaari rin itong senyales ng hormonal imbalance na walang kaugnayan sa pagbubuntis o epekto ng naunang pagdadalang-tao.

3. Kaugnay ng nasa taas ay ang pananakit at pamamaga ng mga suso. Kapag buntis ang isang babae ang kanyang mga suso ay medyo sensitibo o nananakit gaya ng pakiramdam bago datnan ng buwanang dalaw o regla. Kapag nasanay na ang katawan sa hormone changes, ang sakit ay kusang mawawala.

4. Madalas na pag-ihi dulot ng hormone na human chorionic gonadotropin (hCG) na inilalabas ng nabuong embryo. Dahil dito, tumataas ang blood volume ng babaeng buntis at lumalaki ang kaniyang kidney.

5. Implantation bleeding. Ayon sa mga pag-aral humigit-kumulang sa 20 porsiyento ng mga nagdadalang-tao ay nakararanas ng pagdurugo. Medyo mapusyaw ang kulay ng dugo, pink o brown ang kulay, at kaunti lang ang dami o kadalasang spots lamang. Mararanasan ito sa ikaanim hanggang ikasampung araw matapos ang ovulation.

6. Fatigue o palaging pagod na pakiramdam. Maaari rin na siya'y nanghihina at walang lakas. Bunga ito ng mataas na level ng hormone na progesterone at nagbibigay ng pakiramdam na para siyang nakipag-karerahan. Minsan ay bigla na lang siyang nakararamdam ng pagkaantok. Madalas itong sintomas ng pagbubuntis subalit dapat pa ring makita ang iba pang mga palatandaan para makasigurado.

7. Pagkahilo at pagsusuka. Ang babaeng nagdadalang-tao ay kadalasang nasusuka at masama ang pangangatawan sa unang tatlong buwan. Ito ay tinatawag ring morning sickness. Hindi lahat ng babaeng buntis ay nakararanas nito at ang ilan ay nararanasan lamang ito sa pagsapit ng ikalawa hanggang ikaapat na linggo na matapos hindi datnan ng regla. Nawawala rin ang pakiramdam na ito sa pagsapit ng ikaapat na buwan ng pagdadalang-tao at pataas.

8. Naiiba o pagbabago ng panlasa. Mapapansin ng isang buntis na nag-iba ang kanyang panlasa sa mga pagkain. Ang ilang nagdadalang-tao ay sinasabing may mapakla silang panlasa samantalang ang iba ay hindi nila gusto ang lasa ng kape, tsokolate o pagkaing karaniwang paborito nila.

9. Pagkawala ng buwanang dalaw o regla. Kapag regular ang regla ng isang babae, mayroon siyang eksaktong petsa kung kailan dadatnan. Sa isang babaeng may iregular na buwanang dalawa, dapat ay mapansin ang iba pang mga sintomas.


At panghuli...

10. Positive pregnancy test. Makakabili ka ng home pregnancy test (simpleng pangsuri sa pagkabuntis) sa isang botika o maaari kang magdala ng sample ng iyong ihi sa doktor. Gamit ang pregnancy test kit pagkatapos ang isang araw ng hindi pagregla at makita mong lumabas ang kulay asul na linya sa test window, ikaw nga ay siguradong buntis! Congratulations!

Mga Sintomas ng Sakit na Myoma

Tinatawag na myoma o uterine fibroid ang tumutubo na parang bukol sa loob o labas ng sinapupunan o matris). Hindi ito cancer. Sa ngayon, hindi malinaw ang dahilan nito subalit may impluwensiya ang estrogen at progesterone hormones sa paglaki nito.


Kalahati ng mayroong myoma ay hindi kakikitaan ng anumang sintomas. Kung may sintomas man, ito ay kadalasang hindi malala at hindi kailangang gamutin. Marami rin sa mga myoma ay lumiliit o nawawala nang mag-isa sa pagsapit ng menopause.


Maaaring maging sintomas ng myoma ang mga sumusunod:
  • Abnormal, malakas at matagal na regla. Bleeding at spotting sa pagitan ng mga menstrual period.
  • Anemia o kakulangan ng dugo dahil sa sobrang regla.
  • Masakit na tiyan, baywang o likod habang nagtatalik.
  • Madalas at hindi mapigilan na pag-ihi. Madalas na urinary tract infection o UTI.
  • Constipation
  • Hindi mabuntis
  • Problema sa panganganak katulad ng premature labor, miscarriage o abortion.


Maiging komunsulta sa doktor kung:
  • Masyadong malakas ang inyong regla
  • Kung biglang masakit ang inyong pagreregla
  • Kung madalas at masakit ang pag-ihi, may dugo sa ihi o walang kontrol ang pag-ihi
  • Kung humahaba at iregular ang inyong menstrual cycle
  • Kung sumasakit na ang inyong puson

Matapos ang pelvic exam, maaaring magpagawa ang inyong doktor ng pelvic ultrasound o kaya MRI kung kakailanganin.


Kapag malaki na ang myoma at malala na ang mga sintomas katulad ng hindi mabuntis, miscarriage, sobrang bleeding, pelvic pain, anemia, at iba pa, kailangan na itong alisin.


Kung maaari, ang bukol o myoma lamang ang aalisin. Ang tawag dito ay myomectomy. Ngunit kung minsan, dapat alisin din pati ang uterus kaya hysterectomy na ang gagawin. Huwag kayong matakot na ipatanggal ito kasama ang uterus lalo na kung tapos na ang panahon ng panganganak. Malaking ginhawa ang maidudulot ng pag-alis nito sa inyong pangkalahatang kalusugan at pagkilos.