Ang Aking Unang Simbang Gabi

I was born a Catholic but I am not.

Ito ang kalimitan kong sinasabi sa mga taong nagtatanong kung ano ang aking relihiyon. Minsan, susundan ko pa ito ng pahayag na “I am spiritual, not religious.” Ipinanganak kasi ako sa isang relihiyosong pamilyang Katoliko pero sa tanang buhay ko bilang Katoliko ay hindi pa ako nakapagsimbang gabi dahil ang aming parokya sa probinsiya kung saan ako lumaki ay walang pari. Simula pa noong nasa elementarya ako ay malayo na ang loob ko sa mga gawaing pangrelihiyon. At nang makapasok ako sa UP Diliman ay lalong nag-iba ang pananaw ko sa relihiyon at pananampalataya. Naging kritikal ako sa mga gawain at kaugalian ng Simbahang Katoliko at nagkaroon ako ng sariling pilosopiya at paniniwala.

Kaya nga nahirapan akong gawin ang papel na ito ngunit bilang isang manunulat, kailangan kong maging bukas sa iba’t ibang paniniwala at kultura. Dahil hindi ako sanay magising nang maaga, hindi na lang ako natulog hanggang sumapit ang ikaapat ng umaga. Pagkatapos kong manood ng paborito kong telefantasya sa GMA na “Asian Treasures” ay naisipan kong ayusin ang aking kwarto at iba pang mga gamit.

Mabuti na lang at mahaba ang tulog ko kaninang hapon kaya hindi ako nakararamdam ng antok ngayon. Masigla pa nga ang pakiramdam ko habang nag-aayos ng mga gamit dahil nakabukas ang aking radyo sa kwarto at nakikinig ako ng mga paborito kong awitin (mahina nga lang ang para hindi ako makagambala sa iba). Mag-iikapat na nang matapos ako sa aking ginagawa kaya pagkatapos ng ilang minutong pahinga ay naligo na ako at naghanda na sa pagpunta sa simbahan. Nadaanan ko ang kwarto ng tatay ko at narinig kong naghihilik na siya sa pagtulog. Gising na rin ang tiyo ko dahil may pasok pa sila sa opisina kaya sa kanya na lang ako nagpaalam.

Upang makatipid ay naglakad na lang ako papunta sa simbahan. Ang paglalakad ay mabuti rin sa kalusugan, sabi ko sa sarili ko. Napansin kong nabibilang lang ang taong nakikita kong gising na kaya nalungkot ako sa itsura ng kapaligiran. Naitanong ko tuloy sa sarili ko kung kapareho ko ba ang karamihan sa mga kabarangay ko na tamad gumising nang maaga. Napakatahimik ng aming barangay at kahit ang mga aso ay tahimik, siguro nilalamig ang mga nilalang.

Malayo pa lang ako ay naririnig ko na ang tinig ng pari. Mukhang mahuhuli pa ako, ah, bulong ko sa sarili ko. Nadaanan ko ang mga taong nagtitinda ng iba’t ibang kakanin: suman, ibos, puto-bumbong, atbp. May mga pulubi rin sa paligid ng simbahan at talagang kinukulit nila ang mga taong mapadaan sa kanilang harapan upang bigyan sila ng pera. Matagal ko na silang napapansin sa lugar na iyon kapag dumadaan ako papuntang Cubao. Subalit ang tumawag sa akin ng pansin ay ang manininda ng puto-bumbong sa harap ng Jollibee Anonas! Napangiti ako nang maisip kong kaya siguro pinayagan ng Jollibee na magtinda sila sa harap ay upang makahatak din ng customer. Marketing Strategy. Tama lang ang ginawa nila dahil marami rin silang kakumpetensiyang food chain sa lugar na iyon. Andun ang McDonalds, Goldilocks, Chowking, at marami pang ibang maliliit na kainan.

Taliwas sa inaasahan kong kakaunti ang nagsimba ngayong umaga, punung-puno ang simbahan sa dami ng tao. Mayroon pa ngang sa labas na lang nakinig ng misa at nakatayo sa harapan ng simbahan. Nag-umpisa na talaga ang misa. Ang sabi kasi sa akin ng kasambahay namin ay ikalima na umaga nag-uumpisa ang simbang gabi. Nakatambay din sa tabi ng simbahan ang mga magtataho at nagtitinda ng sampaguita. May mga naglalako rin ng mga diyaryo, sigarilyo, at kung anu-ano pang mga paninda na inaalok sa mga taong nakikita nila.

Ang amoy ng insenso ang sumalubong sa akin pagtapak ko pa lang sa loob ng simbahan. Matagal na rin akong hindi nakakaamoy ng insenso, ang pinakahuli ay noong nasa elementarya pa lang ako sa aming probinsiya. Ginagamit ang insenso sa panggagamot ng mga albularyo sa mga probinsiya. Sensitibo ang ilong ko sa mg amoy pero nababanguhan ako sa amoy ng insenso.
Tuluy-tuloy ako sa loob ng simbahan at pinili ko ang tumayo sa gitna upang mapagmasdan ko ang kabuuan ng loob ng simbahan. Subalit bilang paggalang, nakinig muna ako sa misa at nakiisa sa mga Katoliko sa kanilang pagsamba. Tinapos ko muna ang misa bago ko itinuloy ang pagmamasid sa mga tao. Noong kinakanta namin ang Ama Namin ay hindi ko maiwasang hindi mainis sa katabi kong babae na sa tingin ko ay nasa gulang na 30 pataas dahil ayaw niyang itaas ang kanyang mga kamay upang makipaghawak-kamay sa iba pang nagsisimba na siyang nakagawian nang gawin sa mga simbahang Katoliko. Napaismid ako nang tumango siya sa akin at sabihin ang “Peace be with you.” Plastik, bulong ko sa sarili.

Nang matapos ang misa ay dumako ako sa pinakahuling likmuan upang doon magmasid. Sa posisyon kong ito, mas makikita ko nang maayos ang mga tao at ang buong simbahan. Ang simbahang ito, na siya ring ang parokya kung saan ako pinabininyagan bilang Romano Katoliko ng aking mga magulang, ay ang Parokya ni San Jose. Nakatayo ang parokya sa kahabaan ng Aurora Boulevard, kanto ng Anonas Street sa Project 3, Lungsod Quezon. Dahil dito kaya marami talagang nagsisimba sa nasabing parokya, idagdag pa ang kaalamang matagal nang nakatayo ito. Malaki rin ang parokya at ayon sa mapagkakatiwalaang tao na napagtanungan ko, umaabot sa mahigit na isanlibong tao ang pwedeng magsimba sa isang sesyon ng misa. Ngayong panahon ng Kapaskuhan, inaasahan ang pagdagsa ng mga mananampalataya kaya ang simbang gabi ay ginawang dalawang sesyon, isa sa madaling-araw at isa naman sa ikasiyam at kalahati ng gabi. Simple lang ang mga dekorasyong pampasko at ang nag-iisang Christmas tree sa harap ng altar ay kakaunti lang ang ilaw. Nararapat lamang na mangyari ang ganoon dahil sa hirap ng buhay ngayon ay kailangan talaga ang pagtitipid. Naalala ko tuloy ang munisipyo ng Lungsod ng Maynila na ang dami-daming mga abubot. Talagang pinaglaanan ng malaking pondo ang pagdedekorasyon kahit na marami ang naghihirap na mga tao sa nasabing lungsod.

Ayokong maging kritikal at mapanuri pero kailangan kong mamuna sa mga taong labas-pasok sa loob ng parokya. Hindi sa nag-aakusa ako pero nahalata kong wala sa puso ang kanilang pagsimba. Paano ba naman kahit sa loob ng simbahan ay naghahagikgikan ang mga kabataang babae, at ang mga bata ay patakbo-takbo sa gitna at mayroon pa ngang umiyak, ha! Mga walang galang! Katulad nga ng nasabi ko kanina tungkol sa isang babaeng nakatabi ko, ‘plastikado’ ang karamihan sa mga taong nagsisimba. Alam kong malaya ang tao kung ano ang kanyang naising gawin subalit dapat din nilang isipan ang lugar na pag-aangkupan ng kanilang mga kilos at reaksiyon. Ang ibang mga lalaki naman ay nagsisimba upang maghanap ng makaka-date. Malilikot ang kanilang mga mata sa paghanap ng mga babaeng magaganda at seksi. At kapag may nakitang ganoon ay akala mo ay huhubaran na ang babae kung makatingin. Karamihan din sa mga nagsimba nang umagang iyon ay nakasuot ng bago at magagandang damit. Sabagay tuwing sasapit ang Kapaskuhan ay marami ang nagkakaroon ng kakayahang bumili ng mga bagong gamit. Ang Pasko ay para sa buong pamilya at natutuwa ako sa mga mag-anak na magkakasamang nagsimba subalit marami rin sa mga taong nagsimba ay magkasintahan. Saludo ako doon sa mga magkasintahang magkasamang nagsisimba ngunit kung gagawa sila ng PDA (public display of affection) sa loob ng simbahan, mahiya naman sila, ano!

Samu’t saring emosyon ang naranasan ko sa pagdalo sa kauna-unahang simbang gabi ng buhay ko. Nalungkot, nainis, natuwa, at kung anu-ano pa ngunit sa pangkalahatan, hindi ako nagsisisi na naranasan ko ang kakaibang karanasang ito. Masaya palang magsimba sa umaga at ngunit ang nakaapekto talaga sa akin ay ang matuklasang masarap pala ang gumising nang maaga.

No comments: