Tula: Bulaklak

Happy Mother's Day sa lahat ng mga Ina!!!

(Para kay Inay, alay ko sa inyo ang tulang ito.)


Nakatanggap ako ng mga bulaklak
Hindi ko naman bertdey
Wala ring espesyal na okasyon
Kagabi, nagkasagutan kami
Kung anu-anong masasakit na salita
ang sinabi niya sa akin
Malultong na 'tanga', 'bobo' at 'put!@#&'
ang lumabas sa bibig niya
Alam kong hindi niya sinasadya ang nagawa
at nagsisisi na siya
Dahil pinadalhan niya ako ng mga bulaklak ngayon.


Nakatanggap ako ng mga bulaklak
Hindi naman namin anniversary
Wala ring espesyal na okasyon
Kagabi, mainit na naman ang ulo niya
Nang lumapit ako'y sinampal, sinipa at sinakal
Isinalya ako at iniuntog sa dingding
Hindi ako makapaniwalang totoo
Akala ko'y isang bangungot
Nagising akong masakit ang mga kalamnan
Puno ng pasa at galos ang buong katawan
Alam kong hindi niya sinasadya ang nagawa
at nagsisisi na siya
Dahil pinadalhan niya ako ng mga bulaklak ngayon.


Nakatanggap ako ng mga bulaklak
Hindi naman Mother's Day
Wala rin namang espesyal na okasyon
Kagabi, lasing siya nang umuwi
Itinulak niya ako sa higaan namin
Pinunit niya ang aking damit pantulog
Sapilitan niya akong pinasok
Para siyang asong ulol na hayok sa laman
Hindi ako nakatulog sa lamig
Alam kong hindi niya sinasadya ang nagawa
at nagsisisi siya
Dahil pinadalhan niya ako ng mga bulaklak ngayon.


Nakatanggap ako ng mga bulaklak
Hindi naman Valentine's Day
Wala rin namang espesyal na okasyon
Kagabi, pinagbuhatan niya ulit ako ng kamay
Mas lalo siyang naging malupit
Mas mabangis kaysa sa mga nagdaang araw
Pinagbantaan niya akong papatayin
kapag iniwan ko siya
Takot naman talaga akong iwan siya
Paano na ang mga bata?
Hindi ko sila kayang buhayin nang nag-iisa
Alam kong hindi niya sinasadya ang nagawa
at nagsisisi siya
Dahil pinadalhan niya ako ng mga bulaklak ngayon.


Nakatanggap ako ng mga bulaklak
Dahil espesyal ang araw ngayon
Ito ang araw ng aking libing.

No comments: