(DULA) St. Louis Loves Dem Filipinos…the musical
Panulat ni Floy Quintos
Musika ni Antonio Paterno Africa
Direksiyon ni Alexander Cortez
Mga Nagsiganap: Miguel Castro, Arnold Reyes, Isay Alvarez, Lio Rialp, Richard Cunanan, Mae Ann Valentin, Jake Macapagal, Agnes Barredo
Teatro Wilfredo Ma. Guerrero
2nd Floor, Palma Hall, UP Diliman Campus, Quezon City
Hulyo 2005, 3:00 ng hapon
PANIMULA
Sa pagdaan ng panahon, kailangan ng Amerika na kumbinsihin ang mga kritiko nito na ang kanilang pananakop ay nakabuti at hindi nakasama. Isa sa mga paraang ito ang pagdaos ng mga bonggang exhibit fairs na nag-exploit ng mga katutubo mula sa mga bansa ng Pilipinas, Alaska, Guam, Hawaii, New Mexico, at Cuba. Sa mga eksposisyon na ito ipinapakita ng mga Amerikano na ang mga tribo ay mga barbaro, hindi sibilisado at walang kakayahang pamahalaan ang kanilang sariling lipunan. Isang halimbawa rito ang nangyaring eksposisyon sa Pilipinas noong 1904. Ang mga tribong ito ay pumunta sa St. Louis, Missouri sa pag-asang makakagawa sila ng makabuluhang bagay para sa kanilang lupang tinubuan.
Ang dulang “St. Louis Loves Dem Filipino” ni Floy Quintos ay isang halimbawa ng dulang kapupulutan ng maraming bagay na tumatalakay sa konsepto ng “benevolent assimilation,” civilization, reconstruction, class bias, at migrasyon o pagtatrabaho sa ibang bansa.
Sa pagsusuring ito ay ating tatalakayin ang iba’t ibang isyung makikita natin sa loob ng ating lipunan noon o ngayon man. Masasabi nating ito ay wala pang mga solusyon sa ngayon at nananatili lamang isang suliraning binabalikat ng masang Pilipino at ng baying Pilipinas.
BUOD
Ang dula ay tungkol sa World Exposition ng St. Louis, Missouri noong 1904. Sa utos ni Dean C. Worchester, Kalihim ng Interior, pumunta sa Pilipinas ang mga Amerikanong antropologo para pumili ng mga taong tribo o pangkat-etnikong dadalhin sa Amerika bilang representante sa nasabing eksposisyon. Ilan sa mga napili ay ang mga tribong Bagobo, Bontocs o Igorot, Maranao, at Tingguian.
Ang makasaysayang pangyayari ay inilhad bilang pagbabalik-tanaw ng tagapagsalaysay na si Fred Tinawid, isang Amerikanong may dugong Pilipino. Ang kuwento ay tungkol kay Datu Bulan, pinuno ng mga mandirigmang Bagobo o Magani, at sa kanyang mga karanasan simula ng pag-alis niya sa Pilipinas hanggang sa pakikipagsapalaran niya sa Amerika. Kasama niya sa paglalakbay ang kanyang asawang si Momayon, na namatay habang sila ay nasa biyahe, at Antonio, pinuno ng mga Igorots (Bontocs).
Pagkatapos ng eksposisyon, mas pinili ni Bulan ang manatili sa Amerika kaysa bumalik sa Pilipinas sa pag-asang magkakaroon siya ng mas magandang buhay. Nakilala niya si Maude, isang matabang babaeng taga-perya na tumulong sa kanya. Dala ng pagkamatay ni Momayon at nalulungkot, nahulog ang loob ni Bulan kay Maude. Subalit ang tingin ni Maude sa lalake ay isang pagkakakitaan kaya ginamit niya ito sa kanyang palabas. At nang mapagtanto niyang wala nang pakinabang si Bulan ay kanya na itong pinabayaan.
Kaya ang dating prinsipe ng mga Bagobo, ang dakila at magiting na si Datu Bulan, ay nagpalabuy-laboy sa mga kalye ng Amerika kung saan hindi lamanag ang kanyang katutubong kasuotan ang nawala kung hindi pati ang kanyang identidad at pagkatao.
May mga nakilala siyang mga kababayan at mga maggagawang Pilipino, isa na rito ang lolo ni Fred Tinawid.
Balik sa kasalukuyang panahon, patuloy sa paghahanap si Fred kay Bulan dahil nakikita niya ang kanyang sarili sa datu. Katulad din siya ng mandirigmang Bagobo, isang kaluluwang walang tribo, isang taong walang tiyak na pinagmulan.
PAGSUSURI
Napakaganda ng bagong adaptasyon ng dula bilang musical. Ang dula ay orihinal na isinulat bilang isang staright play noong 1991. Ang unang pagsasadula nito sa Dulaang UP ay noong 1992 at mula sa direksiyon ni Tony Mabesa.
Hindi ko napanood ang unang bersyon ng dula subalit ang musical adaptation nito ay napakaganda. Ayon sa playbill o program notes nina Quintos at Cortez, ang orihinal na dula ay pulitikal, issue-oriented, at didactic. Kung napanood mo ito, masasabi raw na ito ay mabigat sa dibdib, puno ng post-colonial angst at historical regrets. Kung ikukumpara natin ang dalawang bersyon ng dula, ang musical adaptation ng dula ay nagpagaan sa materyal pero nagpalalim sa emotional impact. Ang mga siyentimento ni Bulan ay makabagbag-damdamin sa loob ng mga awitin. Itinaas ng musika ang materyal mula sa pagiging pulitikal tungo sa pagiging personal at emosyonal. Sa paggamit ng musika, tinulungan tayong makita si Bulan at iba pang tauhan na sila ay may pansariling pakikipagsapalaran upang sa ganoon tayo ay makisimpatiya, maka-relate, at makaisa sa kanilang damdamin.
Gustung-gusto ko ang mga kantang ginamit sa dula lalo na ang Waiting Still na themesong nina Bulan at Momayon, ang awit ng tagapagsalaysay kay Bulan, If You Must Change, at ang finale na awit, Paglalakbay. At dahil musical siya, pareho rin ang ending sa mga musicals sa ibang bansa, may redemption sa dulo.
Isa ito sa mga dulang gusto mong ipagmalaki, na tuturuan kang ma-appreciate ang sariling atin, ang sarili nating kulturang Pilipino.
Sa totoo lang, hindi ko maiwasang hindi maiyak hindi lamang para kay Bulan at sa kanyang nagging kapalaran sa Amerika kung hindi para rin sa ating mga Pilipino at sa ating mga bigong pangarap.
Matagumpay na nailarawan sa dula ang ating nakalipas na kasaysayan na nagpapakita ng mga kaugnayan sa mga pangyayari sa kasalukuyan. Habang tayo ay nahaharap sa patuloy na kawalang kasiguraduhan ng migrasyon at pagtatrabaho sa ibang bansa, pinapaalalahanan tayo na ang ganitong konsepto ay sinimulan ng mga tribong Pilipino sa panahon ng eksposisyon noong 1904. Sinundan ito ng mga Pilipinong pensionados, iskolars at mga migranteng manggagawa, na naglilinang sa mga pinyahan at tubuhan ng Hawaii, sa taniman ng mga prutas at gulay sa bukid ng California, at sa mga pabrika ng pagsasalata ng tuna sa Seattle at Alaska.
Marami rin sa mga Pilipino-Amerikano na ngayon ay mga propesyonal, ang unti-unting nakalilimot sa kanilang tunay na pinagmulan bilang tribong Pilipino. Ang ganitong pananaw sa class at social status ay mapapanood din sa dula kung saan ang mga ilustrados na sina Dr. Leon Ma. Guerrero at Antonio Paterno na nakaupo sa komite ng eksposisyon, ay nagpakita ng kanilang mababang pagtingin sa mga tribong Pilipino sa pagsasabing ang mga ito ay hindi tunay na representasyon ng Pilipino dahil sa sila ay mga barbaro. Oo nga at umayon sila kay Worchester sa usaping tribal delegation pero malinaw na ipinakita sa kanilang reaksiyon ang pagmamaliit sa mga indigenous at di-Kristiyanong kultura, at tipikal na class bias laban sa mga mahihirap at may kakaibang itsura. Isang kabalintunaan ang pagsasabi nilang sila’y mga nasyonalista at makabayan pero ikinahihiya nila ang kahit anong bagay na naglalarawan sa Pilipinas bilang kakaiba at sa kanilang palagay ay mababa o inferior sa mga Puti at Kanluranin. Ang kanilang paniniwala sa kabutihang dulot ng “reconstruction” at “civilization” ay isang konseptong kolonyal (mula sa mga Puti) na kanila ring binabatikos at kinokondena.
Sa suliraning pulitikal na ito nasadlak si Bulan, na nabighani sa mga matatamis na salita ng mga dayuhan hindi para sa dolyar na bayad kung hindi para sa pagkakataong makagawa ng isang dakilang gawain kung saan siya ay aalalahanin ng kanyang mga tao sa kanilang epiko at mga awiting-bayan. Para kina Bulan at Momayon, ang pagkakataong makapagbiyahe, makatawid sa kalawakan ng dagat at makatuntong sa Amerika, ay pagkakataon nila upang ipakita sa ibang bahagi ng mundo ang karangalangan at kagandahan ng kulturang Bagobo habang sila ay namumulot ng makabagong impresyon, kaalaman, at edukasyon na kanilang maihahatid pabalik sa kanilang lugar na pinagmulan, Subalit taliwas ditto ang nangyari kung saan sila ay ipinaradang parang mga hayop sa harap ng mga dayuhan, pinagtawanan, at nilibak. Para silang nasa circus o isang zoo.
Naipakita rin sa dula ang suliraning panlipunan ng pagsasamantala sa kamangmangan ng iba. Una itong ipinakita sa katauhan ng mga Amerikanong humikayat sa mga Pilipinong sumama sa eksposisyon. Gamit ang mga mabulaklak na mga pananalita, nahikayat nilang sumama sa kanila sina Bulan, Momayon, Antonio, at iba pa na walang gaanong alam sa kalakarang Kanluranin. Napagsamantalahan ng mga Amerikanong ito ang iba nating kababayan. Na-“salestalk” kumbaga dahil wala silang kaalam-alam sa kahahantungan ng pagpunta sa Amerika. Sa pagsasamantalang ito ay nawala ang kanilang identidad at pati si Momayon ay nawalay sa piling ni Bulan.
Kabilang din sa mapagsamantalang tao ang matabang babaeng si Maude. Ang tunaynang silbi sa kanya ang lalakeng Bagobo ay kanya nang pinabayaan. niyang layunin kay Bulan ay pagkakitaan lamang at nang ma-realize niyang wala
Napakagaling ng artistang gumanap sa papel ni Datu Bulan na si Miguel Castro (ang isa pang gumanap na Bulan ay si Arnold Reyes). Taglay ni Castro ang dignidad at kainosentehan ng isang Bagobo. Ang malakas na presensiya at kumpiyansa sa sarili ay utang niya sa pagiging miyembro ng Gantimpala Theater Foundation, isang teatrong nagsasadula ng mga Filipino plays sa Metro Manila. Sa tagal niya sa teatro ay ang papel na Bulan ang itinuturing na breakout role para sa kanya dahil first time niyang gumanap sa isang musical role. Mayroon siyang magandang boses pang-awit at galling sa pag-arte (sabi ng mga nakapanood kay Reyes, kasinggaling din daw siya ni Castro). Kapnsin-pansin din si Mae Ann Valentin bilang Momayon, ang asawa ni Bulan. Bagay na bagay ang maganda at malamyos niyang tinig sa kahinhinan at kagandahang-loob ng isang babaeng Bagobo. Nakakaaliw naman ang papel ni Antonio, pinuno ng mga Igorot, na ginampananan ni Raffy Tejada. Napapahagalpak kami ng tawa sa kanyang mga adlib. Magagaling din ang ibang mga tauhan lalo na ang tagapagsalaysay na si Fred Tinawid, ginampanan ni Jake Macapagal ng Miss Saigon. Ang duet nila ni Bulan ay nakapagpatayo ng aking mga balahibo.
PAGLALAGOM
Sa panahong ito makikitang nasa dula ang mga isyung panlipunang kinakaharap natin sa ngayon at hindi maiiwasan kaya nararapat na harapin. Ipinakita sa dula ang ating nakalipas na kasaysayan na nagpapakita ng mga kaugnayan sa mga pangyayari sa kasalukuyan. Samakatwid, sinasagot ng dula ang mga katanungan sa patuloy na pagdanas ng paghihirap ng mga Pilipino katulad ng class bias at colonial mentality.
SANGGUNIAN
Arrogante, Jose A. Malikhaing Pagsulat. Quezon City, Metro Manila: Great Books Trading, 2000.
Barnes, Arthur Stanley. American intervention in Cuba and annexation of the Philippines: an analysis of the public discussion. Cornell University, 1948.
http://www.dulaangup.com
No comments:
Post a Comment