Happy Mother's Day sa lahat ng mga Ina!
Pauwi na si Boyet sa kanilang bahay galing sa maghapong klase nang mapansin niya ang bagong display sa tindahan ni Aling Violy. Bumilis ang tibok ng kanyang puso pagkakita sa nasabing bagay at tumakbo siya papasok sa loob ng tindahan upang alamin ang halaga niyon. Tatlong daang piso! Ang laking halaga! Saan siya kukuha ng ganoong kalaking pera?
Hindi siya maaaring humingi sa itay niya. Ang kanyang ama, si Mang Ambo, ay isa lamang magsasaka. Si Aling Nena, ang kanyang butihing ina, ay nakahahawak lamang ng pera tuwing anihan ng palay. At malayo pa ang anihan.
Pero gustung-gusto niyang bilhin ang bagay na iyon. Kinausap niya ang may-ari.
“Gusto ko po sanang bilhin ang bagay na iyon pero wala pa po akong pera sa ngayon. Puwede po bang pakilaan po ninyo iyon sa akin? Babalikan ko na lang po kapag nagkapera na ako.”
“Susubukan ko,” saad ni Aling Violy. “Sa palagay ko matatagalan pa bago iyan mabili ng iba kasi wala naman talagang mga pera ang mga tao dito. Nakita mo naman ang iba kong paninda at inaalikabok na sa kinalalagyan,”
Magalang siyang nagpaaalam sa may-ari bago lumabas ng tindahan. Habang pauwi ay nag-iisip siya ng paraan kung paano niya mabibili ang bagay na iyon sa tindahan. Kailangan niyang mangalap ng tatlong daang piso nang hindi humihingi sa kanyang mga magulang. Kailangan ding walang makaalam ng kanyang binabalak.
Malapit na siya sa bahay nila nang marinig niya ang kalansing ng mga lata sa basurahan ng kanilang kapitbahay. May pumasok na ideya sa kanyang isipan. Maliwanag pa ang paligid kaya puwede na niyang umpisahan ang kanyang plano. Hangos na pumanhik siya ng bahay at nagbihis ng pambahay na damit. Nasa pinto na siya nang makita siya ng kanyang ina.
“Boyet, saan ka pupunta? Kararating mo lang, ah!”
“Maglalaro po, Inay.”
Hindi na nagsalita si Aling Nena, tumalikod na ito at tumungo sa kusina habang umiiling-iling. “Ang mga bata nga naman,” bulong nito sa sarili.
Dumiretso si Boyet sa tapunan ng basura. Hindi naman nakakadiri ang tapunan ng basura sa kanilang baryo dahil puro tuyong basura lang naman ang makikita sa tapunan. Ang mga tirang pagkain kasi ay kinokolekta ng mga nag-aalaga ng baboy upang ipakain sa kanilang mga alaga. Nakita niya ang isang sako na may lamang mga tuyong dahon at ibinuhos ang laman. Isinilid niya sa sako ang mga nakita niyang mga lata ng sardinas at iba pang pagkaing de lata. Pinulot niya rin ang mga bote ng suka at gin. Maipagbibili niya ang mga ito kay Mang Omeng na ipinagbibili rin nito sa bayan. Sa bawat bote ay makatatanggap siya ng singkuwenta sentimos samantalang limang piso naman ang isang kilo ng lata ng mga de lata.
Takipsilim na nang makarating siya sa tindahan ni Mang Omeng. Nakapulot siya ng labingtatlong bote ng suka at gin samantalang umabot ng kalahating kilo ang mga lata. Tuwang-tuwa siyang umuwi ng bahay habang mahigpit na hawak-hawak ng kanyang kanang kamay ang siyam na pisong ibinayad ni Mang Omeng.
Tumungo siya as likod bahay kung saan naroon ang maliit na kamalig ng kaniyang ama. Kinuha niya ang alkansiyang kawayan sa ilalim ng mga nakatambak na sako at hinulog ang mga baryang mamiso sa loob nito. Ang alkansiyang iyon ay ginawa ng itay niya para sa kaniya upang matuto raw siyang mag-impok. Matagal na rin niyang hindi nagagamit ang alkansiyang iyon.
Dumaan muna siya ng banyo upang maglinis ng sarili bago pumanhik sa loob ng bahay. Dumiretso siya sa kusina at nakita niya ang masipag na ama na naghahasa ng kaniyang itak. Ang itak na iyon ay bahagi na ng kanilang pamilya at ginagamit nila sa pagsibak ng kahoy, pagtabas ng nga damo sa bukid, at pag-aani ng mga pananim. Ang kanyang inay ay nasa harap ng pugon at naghahanda ng kanilang hapunan. Umupo si Boyet sa kaniyang puwesto sa hapag habang ang kanyang mga kapatid ay nakaupo at naglalaro ng mga tansan.
Tumingin si Boyet sa ina at ngumiti. Sa munting liwanag na nagmumula sa gasera ay nasilayan niya ang itsura nito. Pawisan pero bakas sa mukha ang kasiyahan. Payat dahil sa kasalatan ng pagkain pero maganda ang kanayang inay. Masipag ito at ginagawa ang lahat ng mga gawaing-bahay. Nagluluto ng kanilang pagkain, naglalaba ng maruruming damit, naglilinis ng buong bahay, nagsusulsi ng mga damit na sira, nagtatanim at nag-aalaga ng mga tanim sa harap at likod ng bahay. Pero hindi siya nagrereklamo. Ang kapakanan at kasiyahan ng pamilya ang iniisip nito.
Araw-araw pagkatapos ng mga gawaing bahay at takdang-aralin ay diretso na si Boyet sa kaniyang “trabaho”. Sinusuyod niya ang mga basurahan ng kanilang mga kapitbahay upang maghanap ng mga lata at boteng ipagbibili niya kay Mang Omeng.
Nang dumating ang bakasyon ay walang higit na natuwa kundi si Boyet. Ngayong walang klase ay may sapat siyang panahon para sa kanyang misyon.
Sa loob ng isang buwan ng tag-araw, sa kabila ng mga gawain sa bahay – pag-aalis ng damo sa taniman ng gulay, paghahanap ng panggatong sa bukid, at pag-iigib ng tubig sa malapit na batis – patuloy pa rin si Boyet sa kanyang ginagawang pangongolekta ng nga bote at lata.
Kadalasan ay pagod, gutom at nakabilad sa init ng araw, pero ang mga ito ay balewala sa kanya kapag naiisip niya ang bagay na iyon sa tindahan ni Aling Violy.
Minsan tinatanong siya ng ina kung saan lagi siya nagpupunta pero ang sagot niya ay “Nakikipaglaro lang po.”
Sa wakes, dumating na ang panahong pinakahihintay ni Boyet at excited na siya. Tumungo siya sa kamalig at inilabas ang itinatagong alkansiya. Biniyak niya ito at binilang ang lamang barya.
Binilang niya ulit ang pera. Kailangan pa niya ng anim na piso. Ibinalot niya sa plastic ng sitsiriya ang mga barya at inilagay sa loob ng maliit na sako. Kailangan pa niyang maghanap ng mga bote at lata at maipagbibli ito bago magsara si Mang Omeng.
Sinuyod niya ulit ang mga basurahan ng kanilang baryo.
Lubog na ang araw nang makarating si Boyet sa tindahan ni Mang Omeng. Naabutan niyang nagsasara si Mang Omeng. Mukhang paalis ito.
“Mang Omeng, huwag na po muna kayong magsara!”
Lumingon ang matandang lalaki at nakita si Boyet, nanlilimahid at naliligo sa pawis.
“Bumalik ka na lang sa makalawa,” tugon ng lalaki. “Pupunta kasi ako sa kabilang baryo ngayon.”
“Pakiusap po. Kailangan ko pong maipagbili ngayon itong mga dala kong lata at bote. Sige na po.”
Nakita ng lalaki na may namumuong luha sa mga mata ng bata.
“Bakit kailangan mo ng pera ngayon?”
“Hindi ko po puwedeng sabihin, eh. Basta mahalaga po ang paglalaanan ko ng pera.”
Inabot ng lalaki ang sako ng mga lata at bote.
“Magkano ba kailangan mo?”
“Anim na piso po.”
Dumukot sa bulsa ang lalaki. Kinuha ang maruming kamay ng bata at inilagay ang sampung pisong papel.
“Mang Omeng, sobra po ito. Hindi ninyo po ba kukuwentahin ang mga nakuha kong lata at bote?”
“Hindi na. Saka pareho tayong nagmamadali, 'di ba. Sige, bilhin mo na ang gusto mong bilhin.”
“Maramimg salamat po!”
Patakbong tinungo ni Boyet ang tindahan ni Aling Violy. Hawak niya sa kanang kamay ang supot ng barya at sa kaliwa naman ang sampung pisong papel na bigay ni Mang Omeng. Nakita niyang may ilang namimili sa loob ng tindahan at wala na sa dating kinalalagyan ang bagay na gusto niyang bilhin kaya kinabahan ang bata. Hangos siyang lumapit sa may-ari na abala sa pagbibilang ng pera sa kaha.
“Mayroon na po akong pera,” mabilis na saad ni Boyet sabay abot ng pera sa may-ari. “Andiyan pa po ba ‘yung ipinareserba kong paninda ninyo?”
“Ay, ikaw pala. Itinago ko para sa iyo,” tugon ng may-ari.
Kinuha ng may-ari ang nakabalot na maliit na kahon sa ilalim ng drawer at ibinigay kay Boyet.
Binilang ng may-ari ang bayad at ibinalik sa bata ang sobrang apat na piso.
Patakbong umuwi si Boyet sa kanilang bahay. Naglinis muna siya ng katawan at nagbihis bago tumungo sa kusina kung saan naroon si Aling Nena. Naghahanda na ng hapunan ang kanyang ina. Nagtaka ito nang malingunan siyang nakangiti at papalapit dito.
“Inay, para po sa inyo.” Inilagay ni Boyet ang maliit na kahon sa magaspang na kamay ng ina.
Maingat na inalis ng babae ang ballot ng maliit na kahon. Pula ang kulay ng kahon. Tinanggal niya ang takip nito at tumambad sa kanyang paningin ang laman nito. Napaiyak siya sa tuwa at niyakap niya ng mahigpit ang anak.
Gawa sa tanso pero gold plated, nakaukit ang salitang “INAY” sa isang hugis-pusong medalyon.