Showing posts with label philippine government. Show all posts
Showing posts with label philippine government. Show all posts

Tula: Ang Lider ng mga Buwaya

Ang mga buwayang ganid
Ay talagang malulupit
At wala nang iniisip
Kundi mangain, manlupig
Ng mga isdang maliliit.

Isang araw naisipan
Silain ang mga tamban
Ibig nilang patunayan
Lakas at kapangyarihan
Upang sila'y katakutan.

'Di sila nagdalang-awa
Sa kanilang paninila
Punung-puno mga bunganga
Walang patid sa pagnguya
Masaya sa ginagawa.

Sila'y lubhang mga suwail
Wala ni anong panimdim
Ang tangi nilang hangarin
Mga tiyan ay busugin
At sa lahat magmagaling.

Naghahari silang hayop
Sa 'sang malawak na ilog
At ang lider nilang buktot
Ay ang may maiksing buntot
(Mukha niya'y may kulangot).

Tula: Paghawan

Tigib sa iba't ibang adornong namumulaklak
Ang hardin sa dibdib ng malaki
At kulay puting bahay.

Sumasayaw sa hangin
Ang samyo ng mga sampaguita't rosas
Sa saliw ng musika
Ng water fountain.

Sa paligid ng bahay ay naghuhumindig
Ang mga damo, kaylago at taas noong
Sinasalubong ang silahis
Na pinagkukunan ng lakas; tila handang
Makipagtagisan sa manunupil.

Mabigat ang mga paang lumapit ang hardinero -
Ang mukha'y namumula at pawisan,
Nagngingitngit ang kalooban,
Sa pumpon ng makapal na sagabal.

Umaangil ang lawn mower -
Ang bilugang ulo'y puno ng mga
Matatalim na ngipin; matuling umiikot,
Sabik na makatabas
Ng luntiang buhok.
Walang habas na pinutol ang mga itinuturing
Na sagabal sa kagandahan
Ng malaki at puting bahay.

Makaraan ang ilang araw, namalas
ng may-ari ng bahay
Na ang mga ginupitang buhok ay muli na namang
Tumubo; napasimangot ito -
Pasigaw na tinawag ang hardinero upang
Maghawan muli sa paligid
Ng kanyang hardin sa dibdib ng malaki
At kulay puting bahay.

Tula: NOKIA 4500

Kailanman ay hindi kita nakakalimutang
Isuksok sa aking bulsa,
Upang kahit saan pumunta ay kapiling kita.
Isa kang tapat at malambing na kaibigan,
Karamay sa aking lungkot at pag-iisa,
Kasalo sa anumang kasiyahan.
Sapagkat maraming nalilikhang mensahe
Mula sa sakahan, pagawaan at liblib na lugar
At ang mga ito'y nararapat ipadala
Sa pamamagitan ng text messaging.

Madalas kapag ika'y kaniig
'Di ko maiwasang isipin:
Ano kaya kung bawat keypad mo ay gatilyo,
At bawat mensaheng nalilikha'y isang bala?
Nai-imagine ko,
Sa bawat message sent ay bubulagta
Ang maraming mababangis na militar.

Kaya nga gusto kong lagi kang
Nakasuksok sa aking bulsa,
Isang kuwarenta y singko,
Armas at panangga sa panahong
Mapagkait at malupit.
Sa oras ng kagipitan
Ay agad kitang dudukutin.
Subalit batid mo:
Ako'y isang mag-aaral pa lamang
Na wala pang sapat na kaalaman
At karanasan.

Kaya sa kanilang naglalakad sa gubat
Upang tahakin ang inaasam na bukas,
Sa mga dating kasamahan
Sa bukid, pabrika at paaralan,
Pagdamutan nawa nila ang munti kong nakayanan -

Ilang text message ng pag-ibig sa bayan at kalayaan.

Tula: Sa Kuko ng Lawin

May dugo pa kaya ng kadakilaang
Dadaloy sa ugat ng sawi kong bayan?
Sinanay lumulon ng kapighatian
At naging alipin ng buhong na dayuhan.

Sa bahay-lipunan kung saan naluklok
Papet na nahalal, robot, tagasunod;
Masusian lamang ng banyagang diyos
Mistulang halimaw sa asal at kilos.

Naging tanghalan ng madaya't ulupong
Palasyo ng reyna doo'y nangagtipon
Ang tanging palabas ay komedyang Pinoy
At baro't saya ang sadyang panganlong.

Di katakatakang tampulan ng kutya
Ang mahal kong bayan ng mga banyaga;
Sukat na subukan ay huwad na sumpa
Siyang naging sanhi at baya'y nadaya.

Sa bulok na karsel nais kong pawalan
Ang mga biktima ng maling hukuman;
Mga tanod doon ay asong gahaman
Pinapanginoo'y may pusong kriminal.

Nais ding baliin ang aming panulat
Pigilan ang diwa ng pamamahayag;
Ang katotohanang nais lumipad
Ay ibon sa hawla ang nakatutulad.

Napapanahon nang tayo'y magkaisa
Sa pagkakabuklod sa tamang adhika;
Sa kuko ng lawin huwag nang padadaya
At nang masilayan ang hanap na laya.

Philippine Education Crisis

The current millennium is at our doorstep and everyone can observe the rapid technological revolution that is affecting our lives. We are the living witnesses to the convergence of the various modes of communication which enables us to communicate with other people in the fastest way no matter the distance is. With the advent of the information age, nations all over the world are looking into the positive effects of the multimedia especially in education.

The impact of information technology in education is compelling especially the computer-aided instruction. It has drastically altered the traditional teaching-learning techniques. It has allowed the use of various instructional materials and approaches which enables teachers to act as facilitators. The multimedia technology has also allowed for distance learning. Students can also learn through televised educational programs. These programs seem to be more effective than the conventional classroom situations because of the use of audio-visual aids even at a distance.

Modern countries are miles ahead of us in terms of technology. Is this phenomenon parallel with education? Can we afford to be left behind? This must be a great challenge to the modern teacher about the students’ future achievements not only in the classroom but also in real life situation. Will they be able to cope with new life at par with other third world countries? These are some of the challenges that the education department must look into in order that we are ready for the next millennium.

Ang Kabilang Mukha ng Dula

Faculty Follies 2005
KALagtasan: Nagmamahal sa Gitna ng Kamahalan
Teatro Wilfredo Ma. Guerrero
2nd Floor, Palma Hall, UP Diliman Campus, Quezon City
Disyembre 14, 2005, 3:00 PM


Madalas akong manood ng mga nakakatuwang palabas , dula o skit sa loob ng UP at ilan lamang sa mga nagtatanghal nito ay ang UP Repertory Company at UP SIKAT (Sirkulo ng mga Kabataang Artista). Subalit ang Faculty Follies ay hindi ordinaryong palabas lamang bukod sa ito ay kinatatampukan ng mga paborito kong guro sa Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL). Nakakaaliw man ang nasabing dula, mayroon itong mensaheng ipinaabot sa mga nanood nito.

Sa pangkalahatan, ang dula ay isang musikal at puno ng buhay. Talagang pinasaya nito ang mga manonood sa mga nakakabaliw nitong mga eksena at napapahagalpak kami sa tawa sa mga adlib ng mga nagsipagganap. Ang dula ay tungkol sa iba’t ibang uri ng pagliligawan at pag-iibigan sa Pilipinas simula noong panahon pa ng ating mga ninuno hanggang sa kasalukuyan. Medyo hindi akma sa panahon ang nasabing paksa dahil matagal pa naman ang Araw ng mga Puso pero ang panahon ng Kapaskuhan ay panahon ng pagmamahalan kaya swak na rin.

Nakakaaliw panoorin ang mga guro ng KAL lalo na ang tagapagsalaysay na si Rio Alma o Virgilio Almario, ang Dekano ng KAL. Mahusay ding magpatawa ang dalawang magkatunggali sa balagtasan na sina Sir Vim Nadera at Ma’am Charry Lucero na parehong guro sa Departamento ng Filipino. Magaling ang bawat departamento ng KAL sa kanilang mga bahagi sa dula. Ang hindi ko lang masyadong na-appreciate ay ang presentasyon ng Art Studies Department na puppet show at shadow dance dahil hindi ako mahilig sa mga ganitong palabas. Nakadagdag din sa aking pagkabagot sa palabas nila ay ang kanilang paksang pag-iibigan noong unang panahon. Kaya siguro hindi ko nagustuhan ang nasabing pagtatanghal ay dahil sa makaluma ang kanilang tema na taliwas sa aking nakamulatang makabagong sistema ngayon. Ang pinakagusto ko naman ay ang pagtatanghal ng Department of Speech at Theater Arts tungkol sa pag-iibigan sa panahon ng Hapon. Bongga ang dance number nila at talagang hindi ko napigilan ang sarili kong hindi mapaindak sa aking kinauupuan. Tawa ako nang tawa doon sa isang gurong lalaki kasi kailangan niyang magsuot ng bestida bilang isang babaeng japayuki. Riot talaga ang bahaging iyon at ang lahat ng mga manonood ay napapabunghalit ng tawa kapag siya ay nagsasayaw dahil kengkoy ang dating niya sa entablado. Bigay na bigay din siya sa kanyang pagsasayaw at sabi nga ng isang katabi ko ay baka umaalog-alog din ang kanyang “junior” habang sumasayaw siya. Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!

Katulad nga ng sinabi ko kanina, ang nasabing dula ay hindi lamang nais makapagbigay ng aliw kundi may mensaheng nais ipahatid sa mga manonood. Sa pamagat pa lang na “Nagmamahalan sa gitna ng kamahalan” ay may nais na itong ipahayag. Ang KAL na tahanan ng mga militanteng grupo ay ipinaglalaban ang karapatan ng mga manggagawa lalo na ng mga taga-UP. Nais nilang manawagan sa mga manonood na makiisa sa kanilang pakikipaglaban upang maibigay ang matagal nang hindi nababayarang cost of living allowance o COLA ng mga manggagawa sa UP. Kakarampot na nga lang ang kanilang sahod, hindi pa ibinibigay sa kanila ang mga benepisyong nararapat lamang sa kanila. Ang dula ay isang mahusay na paraan upang ipabatid ang mga mensaheng nais ihatid sa mga manonood. Tunay ngang ang mga ganitong pagtitipon ay angkop upang magpahayag ng mga ideolohiya at upang magpabatid ng mga isyung nangyayari sa ating paligid.

Kudus sa mga kaguruan ng KAL! Hindi lang pala sa pagtuturo sila magaling kundi maging sa pag-arte at pagtatanghal ng mga palabas. Ngayon ay mas lalo kong hinangaan ang mga guro ko sa KAL at para sa akin ang KAL ang pinakamasayang kolehiyo sa UP Diliman!!!

Damong Ligaw

Isang Reaksiyon sa Pelikulang Ora Pro Nobis (Fight For Us)
Direksiyon ni Lino Brocka
Mga Nagsiganap: Philip Salvador, Dina Bonnevie, Gina Alajar

h

Nang una kong mapanood ang pelikulang Ora Pro Nobis (Fight For Us) limang taon na ang nakararaan ay nasa unang taon pa lang ako ng kursong Business Administration. Hindi pa ako ganoon kamulat sa mga nangyayari sa aking lipunan at maging ang aking mga ka-blockmate ay wala ring masyadongn ideya tungkol sa aktibismo, armadong kilusan, at Sosyalista – Komunista. Napilitan lang kaming panoorin ang nasabing pelikula dahil sa klase naming Kas 1 (Philippine History). Hindi kami required noon na gumawa ng reaksiyong papel subalit dahil sa aking pagiging mausisa ay tinanong ko ang aking mga klasmeyt kung ano ang palagay nila sa pelikula. Dahil mayayaman at graduate pa sa mga pribadong paaralan (Claret, Manila Science, Ateneo, etc.), walang ibang namutawi sa kanilang bibig kundi ang katagang “Okey lang.” Ngunit iba ang naging epekto ng pelikula sa akin bilang isang kabataan na nakasaksi sa mga gawain ng mga Sosyalista-Komunista o NPA o Kaliwa. Inaamin kong salat pa ang aking kaalaman noon tungkol sa kanila kaya nang mapanood ko ang pelikulang ito ni Lino Brocka ay ang aking emosyon lang ang naapektuhan. Habang pinapanood ko ang pelikula ay naranasan ko ang iba’t ibang uri ng damdamin: galit, pagkamuhi, awa, lungkot, pag-iyak, at maging paghihiganti. Nang lumabas ako ng Film Center ay ambigat-bigat ng aking pakiramdam. Nagngingitngit ang aking kalooban sa galit sa mga taong walang pusong nang-aapi ng kapwa at yumurak sa pagkatao ng maraming mamamayan.

Subalit nang muli ko itong mapanood sa UP Film Center nitong Pebrero 1 ay mas malalim ang naging pagtingin ko sa pelikula. Kung titingnan natin ito bilang isang teksto, maraming problema ang nakapaloob sa Ora Pro Nobis. Sa unang tingin ay masasabi nating ito ay maka-rebolusyon, maka-Kaliwa at pabor sa armadong pakikibaka ngunit kung susuriin nang malaliman ang pelikula ito ay hindi talaga ganoon. Nakapailalim sa pelikula ang antagonismo nito at pagbaluktot sa imahen ng Kaliwa (Sosyalista-Komunista).

Ginawa ang pelikula noong 1989 sa ilalim ng pamahalaang Aquino kung saan higit na marami ang naganap na paglabag sa mga karapatang pantao kaysa sa pinalitang rehimeng diktadura ni Marcos. Ang pagkakaiba nga lamang sa krimeng ito ng dalawang pamahalaan ay ang paraan ng kanilang pagsasagawa nito. Kung hayagan ang paglabag sa mga karapatang pantao ng rehimeng Marcos, patago namang ginawa ng pamahalaang Aquino ang pagsasamantala at pang-aapi sa maskara ng pagtatanggol sa mga karaniwang mamamayan laban sa Kaliwa na itinuturing ng pamahalaan bilang mga kriminal at walang kinikilalang Diyos.

Dapat nating malaman na ang pelikula ay ginawa rin upang ipalabas sa mga komersyal na sinehan. At kahit hindi nakapasa ang pelikula sa pamantayan ng MTRCB, hindi nangangahulugang ito ay subersibo. Ipinakita sa pelikula na suportado ng pamahalaan ang grupong Ora pro Nobis sa ibang pamantayan – na ang samahan ang magtatanggol sa kanayunan laban sa mga Kaliwa at hindi gagawa ng mga aksiyon laban sa mga mamamayan. Ngunit taliwas dito ang gawain ng grupo kung saan sila ay parang mga halimaw na uhaw sa karahasan: nagpapahirap, nananakit at pumapatay sa mga taong dapat ay kanilang ipinagtatanggol. Hindi rin ipinakita sa pelikula kung ano ang kaugnayan ng samahan sa pamahalaang Aquino ngunit ang karakter ni Kumander Kontra (Bembol Roco) ay ipinakitang umiidolo kay Marcos dahil sa larawan ng dating pangulo na nakasabit sa dingding ng bahay ng kumander. Marahil ay ipinapahiwatig nito na ang mga maka-Kaliwa ay nasa impluwensiya pa rin ni Marcos at iniiwasang idawit ang pamahalaang Aquino sa mga paglabag ng karapatang pantao sa pamamagitan nga ng pagpapakita na ang mga nagsasagawa nito ay umiidolo sa diktador na pangulo.

Kaugnay nito ang isa pang problema sa pelikula sa pagbibigay ng maling impresyon sa mga gawain at imahen ng kilusang Sosyalista-Komunista. Bagamat ipinakita ng pelikula ang pagbubulag-bulagan ng pamahalaang Aquino sa mga kaapihang dinaranas ng taumbayan sa ilalim ng terorismo ng kaniyang pamamahala, ipinakita rin ang imahen ng Kaliwa bilang kriminal – pumapatay ng tao at naninira ng buhay nang walang dahilan. Ang impresyon tuloy nito sa akin bilang manonood ay kawalang simpatiya sa gawain at pilosopiya ng kilusan na taliwas sa aking personal na kaalaman at karanasan tungkol sa kanila. (Maraming NPA dati sa aming bayan ng Minalabac sa Camarines Sur, Bicol at kung minsan ay bumababa sila sa aming baryo subalit wala naman silang ginagawang masama sa amin maliban sa paghingi ng mga gamit at pagkain. Madalas sila noong bumaba ng bundok at ako noon ay nasa elementarya pa lang, sa pagkakatanda ko ay mga taong 1990s nang mangyari iyon). Ipinakita sa pelikula na ang pagsama sa ganitong uri ng samahan ay nagdudulot ng pagkasira ng buhay at pamilya katulad ng nangyari sa pangunahing tauhan na si Jimmy (Philip Salvador).

Dagdag pa rito, ipinakita rin na ang pagsama sa armadong kilusan ay subjective at hindi dahil sa paniniwala o ideolohiyang ipinaglalaban. Ang pagsama (pagbalik din dahil dati na siyang maka-Kaliwa) ni Jimmy sa kilusan ay bunsod ng kagustuhang maipaghiganti ang kanyang namatay na anak at asawang si Esper (Gina Alajar). Malinaw na gusting sabihin ng tagpong ito na walang basehan ang kilusan maliban sa personal na kadahilanan. Ipinapahiwatig din nito na hindi lahat ay maaaring maging rebolusyonaryo hindi dahil sa kawalan ng sapat na kamalayan o kamulatan bagkus dahil sa kawalan ng karanasan sa mga pang-aapi ng pamahalaan.

Sa kabuuan, masasabing ang pelikulang Ora Pro Nobis ay nakabalot bilang isang maka-rebolusyonaryo pero ito ay subersibo lamang sa loob ng kagustuhan ng pamahalaang Aquino, sa loob ng pinapayagang pagtuligsa sa pamahalaan. (Nakakalungkot lang dahil ang sumulat ng kuwento ay ang hinahangaan ko at kilalang maka-Kaliwa at Marxist na si Jose F. Lacaba).

Panitikan at Lipunan

Iba’t iba ang pagpapakahulugan ng mga manunulat at dalubhasa sa panitikan. Ayon kay Joey Arrogante, ito ay talaan ng buhay sapagkat dito naisisiwalat ng tao sa malikhaing paraan ang kulay ng buhay, ang buhay ng kanyang daigdig, ang daigdig na kanyang kinabibilangan at pinapangarap.

Samantala, ayon naman kay Zeus Salazar, ang panitikan ay siyang lakas na nagpapakilos sa alinmang uri ng lipunan. Sinasabi ring ito ay bunga ng mga diwang mapanlikha, ng diwang naghehele sa misteryo ng mga ulap o ng diwang yumayapos sa palaisipan ng buwan. Ito ay isang kasangkapang lubos na makapangyarihan. Maari itong gumahis o kaya'y magpalaya ng mga nagpupumiglas na ideya sa kanyang sariling bartolina ng porma at istruktura. Sa isang banda, maituturing ang panitikan na isang kakaibang karanasan. Ito ay naglalantad ng mga katotohanang panlipunan, at mga guniguning likhang-isip lamang. Hinahaplos nito ang ating mga sensorya tulad ng paningin, pandinig, pang amoy, panlasa at pandama. Kinakalabit nito ang ating malikhaing pag-iisip at maging sasal na kabog ng ating dibdib. Pinupukaw din nito ang ating nahihimbing na kamalayan. Lahat ng ito ay nagagawa ng panitikan sa pamamagitan lamang ng mga payak na salitang buhay na dumadaloy sa ating katawan, diwa at damdamin. Ang panitikan ay buhay na pulsong pumipintig at mainit na dugong dumadaloy sa ugat ng bawat nilalang at ng buong lipunan. Isang karanasan itong natatangi sa sangkatauhan.

Ayon kay naman kay Terry Eagleton, maraming mga paraan para bigyang kahulugan ang panitikan. Unang-una, maaari itong ituring na isang likhang-isip gamit ang mga malikhaing salita o talinghaga. Ito ang tinatawag na “fiction”. Subalit nagbigay siya ng argumento na hindi lahat ng malikhaing akda ay matatawag na panitikan. Kabilang dito ang mga komiks, pelikula, telebisyon, at pocketbooks (romance novels) na bunga ng isang malikhaing pag-iisip subalit hindi itinuturing na panitikan.

Ikalawa, maaaring bigyang kahulugan ang panitikan dahil sa paggamit nito ng wika sa kakaibang paraan. Batay sa argumentong ito, ang panitikan ay isang uri ng pagsulat kung saan kumakatawan ng isang maayos na pagwasak sa karaniwang anyo ng pagsasasalita.[1] Binabagong-anyo at pinapasidhi ng panitikan ang karaniwang wika, sistematikong lumilihis sa pang-araw-araw na pananalita. Kapag may nagsabi sa akin ng “Ang tag-araw ay nasa iyong mga matang nangungusap” habang ako’y nakasakay sa dyip, alam kong nasa presensiya ako ng isang ‘literary’ o maalam sa panitikan. Alam kong gayon dahil sa ang kayarian, indayog at tunog ng kanyang mga salita ay labis sa kanilang kahulugang abstrakto. Umaakit ng atensiyon ang kanyang mga salita, ipinapayagpag ang kanilang kalikhaang materyal. Ang depinisyong ito ang sinaligan ng mga Formalist na umusbong sa bansang Rusya.

Totoo na marami sa mga pinag-aaralang akda bilang panitikan sa akademya ay “constructed” na basahin bilang panitikan subalit marami sa mga ito ay hindi panitikan – canonized lang kumbaga. Samakatwid, nasa pagbabasa kung ituturing na ‘literary’ o hindi ang isang akda. Literature cannot be objectively defined.[2] Walang kalikasan ang panitikan. Ang panitikan ay isang uri ng panulat na sa ibang dahilan ay mataas na pinapahalagahan ng isang tao (highly valued writing). Kung ganun, ang mahalagang palagay o kapasyahan ay nakakaapekto kung alin ang panitikan.

Hindi kinakailangang maging maganda para maging ‘literary’, dapat ay kauri ng itinuturing na maganda. Halimbawa, walang magsasabi na ang klaskard ay isang mahinang panitikan pero mayroong magsasabi na ang mga leaflets (manifesto) na ipinamumudmod ng mga aktibista ay hindi magandang uri ng panitikan.

Sa panukalang ang panitikan ay isang “highly valued writing”, kahit ano ay maaaring maging panitikan. Sa kabilang dako, ang mga itinuturing na panitikan ngayon ay maaaring hindi na panitikan sa hinaharap. Nagbabago ang pagpapahalaga at paniniwala ng tao kaya maaaring baguhin niya ang kanyang pananaw sa isang akdang itinuturing na panitikan. Samakatwid, maaaring magkaroon ng isang lipunang hindi naniniwala na ang mga akda ni Shakespeare ay panitikan.

Sa dahilang ang tao ang nagbibigay ng interpretasyon sa mga akdang pampanitikan batay sa kanilang sariling point of view, ang depenisyon ng panitikan ay hindi obhetibo kundi subjective.

Ang lipunan ay kalipunan o grupo ng mga taong may pare-parehong interes at naiibang kultura at institusyon. Maaring nagmula sa magkakaibang pangkat-etniko ang mga kabilang sa isang lipunan. Maari rin itong tumukoy sa partikular na grupo ng mga tao o sa mas malawak na grupong kultural. Tumutukoy rin ito sa sistematikong grupo ng mga tao na pinag-uugnay ng layuning makarelihiyon, kultural, pulitikal, siyentipiko, makabayan at iba pa. [3]
Sa agham pampulitika, ang lipunan ay karaniwang nangangahulugan ng kabuuan ng relasyong pantao, salungat sa estado na kasangkapan ng pamumuno o pamahalaan sa loob ng isang teritoryo. Ibig sabihin, ang lipunan ang totalidad ng mga konsepto ng mga relasyon at institusyon sa pagitan ng mga tao.

Sa agham panlipunan naman, partikular sa sosyolohiya, ginagamit ang lipunan upang ipakahulugan ang grupo ng mga taong bumubuo sa isang sistemang sosyal, kung saan halos lahat ng interaksiyon ay sa kapwa indibidwal na kabilang sa grupo.

Nilalarawan ng panitikan ang ating lipunan at panlahing pagkakakilanlan. Ang ating kaugalian ay mababakas sa ating mga kwentong bayan, alamat, epiko, kantahing-bayan, kasabihan, bugtong, palaisipan at sinaunang dula. Ayon sa mga mananakop na dayuhan, ang ating mga ninuno ay mayaman sa mga katitikan na nagbibigay ng kasiyahan at nagtatampok sa kalinangan at kultura ng ating lahi. Ang mga ito ay gumamit ng kawayan, talukap ng niyog, dahon, balat ng punungkahoy bilang mga sulatan habang ang ginamit nilang mga panulat ay matutulis na kahoy, bato o bakal.


[1] Ayon sa pahayag ni Roman Jakobson, isang linggwistiko.
[2] Eagleton, Terry. Literary Theory: An Introduction. Oxford: Basil Blackwell, p. 7.
[3] Sariling salin mula sa www.wikipedia.com