Showing posts with label bayan. Show all posts
Showing posts with label bayan. Show all posts

Agosto 21 ang Kamatayan ni Ninoy

Walang pasok bukas, ika-18 ng Agosto. Ano ang kahalagahan ng araw na ito? Mayroon bang makasaysayang pangyayyari sa araw na ito? Pilit ko mang isipin, wala akong maisip. Ni sa kalendaryo ng mga santo o kalendaryo ng mga mga pista-opisyal, walang mahalagang pangyayari o personalidad na merong kaugnayan sa ika-18 ng Agosto.

Ngunit walang pasok bukas. Bakit? Dahil sa naturang “holiday economics” ng Malacanang. Dahil merong mahalagang pista sa darating na Huwebes, Agosto 21, ang ika-25 anibersaryo ng pagpatay kay Ninoy Aquino, walang pasok sa pinakamalapit na Lunes sa arwa na ito. Bakit? Para humaba ang ‘weekend’?, humaba ang pamamasyal, gumanda ang naturang “local tourism” at gumanda-ganda ang takbo ng ekonomiya dahil dito.

Eh, ano na ba ang nangyari sa anibersaryo ng pagpatay kay Ninoy? Nabigyang kahalagahan kaya ito sa paglipat sa Lunes ng pagdiriwang nito? Si Ninoy kay at ang mga pangyayaring ibinunga ng kamatayan nito ang maaalala sa paglipat ng petsa ng pagkamatay nito o ang bakasyong pinahaba?

Walng katulad sa mga tulad naming malalaki na noong agosto 21, 1983. walang problema sa aming mga kumilos laban sa diktadurya noong mga panahong iyon. Hindi bakasyon ang Agosto 21, 1983. Ito ay makasaysayang araw ng pakikibaka at pag-aalay ng sariling buhay sa bayan. E ngayon, ano ang binibigyang kahalagahan? Ang araw o ang taong dakila o ang bakasyon?
Kapansin-pansin na ang lumalaganap na kawalan ng pakialam ng marami. Ayon sa ilang manunuri, isang dahilan na raw ang kahirapn at kapaguran ng marami. Siyempre sa halip na makialam, uunahin na muna ang sariling sikmura. Maraming ulit na ring nakialam at nakibaka ang marami, ngunit wala namangnagyari. Kaya ‘wag na lang o ‘wag na muna. Kaya tila nagbabakasyon muna ang nakararaming mamamayan mula sa pakikialam. Tila nagbabakasyonmuna ang nakarararmi sa makasaysayang pakikibaka. Tila nagbabakasyon ang maqrami sa kasaysayan.

And dapat din nating tingnan dito ay ang hindi magandang epekto nitong naturang “holiday economics” ng Malacanang. Hindi lang ang pagkabisa ng mga petsa ang binibigyang-diin ng kasaysayan. Hindi petsa kundi ang kahulugan ng particular na prtsa. Hindi na kailangang ipaliwanag ang kahalagahan ng Disyembre 25, ng Pebrero 14 o ng Hunyo 12. Ngunit ang Agosto 21 at ang Pebrero 25 ay hindi ganoon kalalim ang pagiging bahagi ng kamalayang Pinoy. Ang kamatayan ni Ninoy noong ika-21 ng Agosto 1983 ay dalawampu’t limang taon pa lamang. Ang EDSA o People Power Revolution ng Pebrero 25, 1986 ay 22 taon pa lamang.

Bata pa sa kasaysayan ng bayan ang mga petsang ito. Ngunit sa kabila ng pagiging bago pa at ‘di pa katagalan ng mga mahahalagang tao at pangyayaring may kinalaman sa Agosto 21 o Peberero 25, unti-unti nang nawawala ang interes ng mga tao. Una, dahil sa kawalang pagpapahalaga na rin ng pamahalaan sa kadakilaan ng mga petsa na pinagpapalit-palit at nililipat-lipat. Pangalawa, dahil na rin sa pagtataksil sa diwa ng kabayanihan at wagas na pagmamahal sa bayan ng mga pinunong walang ibang mahal kundi ang sarili lamang.

Isa sa pinakakilala at madalas marinig na kasabihan ay ang “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang”. Tiyak na walang Pilipinong nagsisilbi sa bayan bilang mga pinuno ang hindi alam o narinig ang kasabihang ito. Ngunit meron kayang epekto sa kanila ang mga kataga, ang diwa ng kasabihang ito?

Iba ang mga kataga at diwa ng pulitika sa Pilipinas. Namamayani ang pagiging makasarili at ang ambisyon. Pakitang-tao lamang ang pagmamahal sa kapwa o sa bayan. Halimabawa na lamang ang kasalukuyang ingay na naman ng Charter Change o ChaCha at ang pagsulong ng ilang mga opisyal sa Federalismo. Pagmamahal kaya sa kapwa ang dahilan ng pagtulak sa Cha-Cha at Federalismo?

Hindi halimuya ng mabango at sariwang bulaklak ang ibinibgay ng ChaCha o Federalismo kundi amoy ng dug9o at kamatayan. Ginising ng naudlot na Memorandum of Agreement on ancestral Domain ang natututlog nang ChaCha at usaping Federalismo. Dahil na rin sa MOA-Ad na ito, nagsimula na naman ang gulo sa Mindanao at ilang mga sundalo sa magkabilang-panig, sampu ng mga inosenteng mamamayan ang namatay.

Bakit? Dahil sa pagmamahal sa kapwa at sa bayan? Hindi lang sa kasaysayang nagbabakasyon ang mga namumuno kundi pati na rin sa pagmamahal sa kapwa at bayan.
Hindi po bukas ang anibersaryo ng KAMATAYN ni NINOY kundi sa AGOSTO 21, AGOSTO 21, AGOSTO 21! Namatay po si Ninyo hindi po para sa kanyang sarili. Namatay po si Ninoy noong AGOSTO 21 dahil po sa kanyang PAGMAMAHAL SA KAPWA at BAYAN!

Tula: Sa Kuko ng Lawin

May dugo pa kaya ng kadakilaang
Dadaloy sa ugat ng sawi kong bayan?
Sinanay lumulon ng kapighatian
At naging alipin ng buhong na dayuhan.

Sa bahay-lipunan kung saan naluklok
Papet na nahalal, robot, tagasunod;
Masusian lamang ng banyagang diyos
Mistulang halimaw sa asal at kilos.

Naging tanghalan ng madaya't ulupong
Palasyo ng reyna doo'y nangagtipon
Ang tanging palabas ay komedyang Pinoy
At baro't saya ang sadyang panganlong.

Di katakatakang tampulan ng kutya
Ang mahal kong bayan ng mga banyaga;
Sukat na subukan ay huwad na sumpa
Siyang naging sanhi at baya'y nadaya.

Sa bulok na karsel nais kong pawalan
Ang mga biktima ng maling hukuman;
Mga tanod doon ay asong gahaman
Pinapanginoo'y may pusong kriminal.

Nais ding baliin ang aming panulat
Pigilan ang diwa ng pamamahayag;
Ang katotohanang nais lumipad
Ay ibon sa hawla ang nakatutulad.

Napapanahon nang tayo'y magkaisa
Sa pagkakabuklod sa tamang adhika;
Sa kuko ng lawin huwag nang padadaya
At nang masilayan ang hanap na laya.

Panitikan at Lipunan

Iba’t iba ang pagpapakahulugan ng mga manunulat at dalubhasa sa panitikan. Ayon kay Joey Arrogante, ito ay talaan ng buhay sapagkat dito naisisiwalat ng tao sa malikhaing paraan ang kulay ng buhay, ang buhay ng kanyang daigdig, ang daigdig na kanyang kinabibilangan at pinapangarap.

Samantala, ayon naman kay Zeus Salazar, ang panitikan ay siyang lakas na nagpapakilos sa alinmang uri ng lipunan. Sinasabi ring ito ay bunga ng mga diwang mapanlikha, ng diwang naghehele sa misteryo ng mga ulap o ng diwang yumayapos sa palaisipan ng buwan. Ito ay isang kasangkapang lubos na makapangyarihan. Maari itong gumahis o kaya'y magpalaya ng mga nagpupumiglas na ideya sa kanyang sariling bartolina ng porma at istruktura. Sa isang banda, maituturing ang panitikan na isang kakaibang karanasan. Ito ay naglalantad ng mga katotohanang panlipunan, at mga guniguning likhang-isip lamang. Hinahaplos nito ang ating mga sensorya tulad ng paningin, pandinig, pang amoy, panlasa at pandama. Kinakalabit nito ang ating malikhaing pag-iisip at maging sasal na kabog ng ating dibdib. Pinupukaw din nito ang ating nahihimbing na kamalayan. Lahat ng ito ay nagagawa ng panitikan sa pamamagitan lamang ng mga payak na salitang buhay na dumadaloy sa ating katawan, diwa at damdamin. Ang panitikan ay buhay na pulsong pumipintig at mainit na dugong dumadaloy sa ugat ng bawat nilalang at ng buong lipunan. Isang karanasan itong natatangi sa sangkatauhan.

Ayon kay naman kay Terry Eagleton, maraming mga paraan para bigyang kahulugan ang panitikan. Unang-una, maaari itong ituring na isang likhang-isip gamit ang mga malikhaing salita o talinghaga. Ito ang tinatawag na “fiction”. Subalit nagbigay siya ng argumento na hindi lahat ng malikhaing akda ay matatawag na panitikan. Kabilang dito ang mga komiks, pelikula, telebisyon, at pocketbooks (romance novels) na bunga ng isang malikhaing pag-iisip subalit hindi itinuturing na panitikan.

Ikalawa, maaaring bigyang kahulugan ang panitikan dahil sa paggamit nito ng wika sa kakaibang paraan. Batay sa argumentong ito, ang panitikan ay isang uri ng pagsulat kung saan kumakatawan ng isang maayos na pagwasak sa karaniwang anyo ng pagsasasalita.[1] Binabagong-anyo at pinapasidhi ng panitikan ang karaniwang wika, sistematikong lumilihis sa pang-araw-araw na pananalita. Kapag may nagsabi sa akin ng “Ang tag-araw ay nasa iyong mga matang nangungusap” habang ako’y nakasakay sa dyip, alam kong nasa presensiya ako ng isang ‘literary’ o maalam sa panitikan. Alam kong gayon dahil sa ang kayarian, indayog at tunog ng kanyang mga salita ay labis sa kanilang kahulugang abstrakto. Umaakit ng atensiyon ang kanyang mga salita, ipinapayagpag ang kanilang kalikhaang materyal. Ang depinisyong ito ang sinaligan ng mga Formalist na umusbong sa bansang Rusya.

Totoo na marami sa mga pinag-aaralang akda bilang panitikan sa akademya ay “constructed” na basahin bilang panitikan subalit marami sa mga ito ay hindi panitikan – canonized lang kumbaga. Samakatwid, nasa pagbabasa kung ituturing na ‘literary’ o hindi ang isang akda. Literature cannot be objectively defined.[2] Walang kalikasan ang panitikan. Ang panitikan ay isang uri ng panulat na sa ibang dahilan ay mataas na pinapahalagahan ng isang tao (highly valued writing). Kung ganun, ang mahalagang palagay o kapasyahan ay nakakaapekto kung alin ang panitikan.

Hindi kinakailangang maging maganda para maging ‘literary’, dapat ay kauri ng itinuturing na maganda. Halimbawa, walang magsasabi na ang klaskard ay isang mahinang panitikan pero mayroong magsasabi na ang mga leaflets (manifesto) na ipinamumudmod ng mga aktibista ay hindi magandang uri ng panitikan.

Sa panukalang ang panitikan ay isang “highly valued writing”, kahit ano ay maaaring maging panitikan. Sa kabilang dako, ang mga itinuturing na panitikan ngayon ay maaaring hindi na panitikan sa hinaharap. Nagbabago ang pagpapahalaga at paniniwala ng tao kaya maaaring baguhin niya ang kanyang pananaw sa isang akdang itinuturing na panitikan. Samakatwid, maaaring magkaroon ng isang lipunang hindi naniniwala na ang mga akda ni Shakespeare ay panitikan.

Sa dahilang ang tao ang nagbibigay ng interpretasyon sa mga akdang pampanitikan batay sa kanilang sariling point of view, ang depenisyon ng panitikan ay hindi obhetibo kundi subjective.

Ang lipunan ay kalipunan o grupo ng mga taong may pare-parehong interes at naiibang kultura at institusyon. Maaring nagmula sa magkakaibang pangkat-etniko ang mga kabilang sa isang lipunan. Maari rin itong tumukoy sa partikular na grupo ng mga tao o sa mas malawak na grupong kultural. Tumutukoy rin ito sa sistematikong grupo ng mga tao na pinag-uugnay ng layuning makarelihiyon, kultural, pulitikal, siyentipiko, makabayan at iba pa. [3]
Sa agham pampulitika, ang lipunan ay karaniwang nangangahulugan ng kabuuan ng relasyong pantao, salungat sa estado na kasangkapan ng pamumuno o pamahalaan sa loob ng isang teritoryo. Ibig sabihin, ang lipunan ang totalidad ng mga konsepto ng mga relasyon at institusyon sa pagitan ng mga tao.

Sa agham panlipunan naman, partikular sa sosyolohiya, ginagamit ang lipunan upang ipakahulugan ang grupo ng mga taong bumubuo sa isang sistemang sosyal, kung saan halos lahat ng interaksiyon ay sa kapwa indibidwal na kabilang sa grupo.

Nilalarawan ng panitikan ang ating lipunan at panlahing pagkakakilanlan. Ang ating kaugalian ay mababakas sa ating mga kwentong bayan, alamat, epiko, kantahing-bayan, kasabihan, bugtong, palaisipan at sinaunang dula. Ayon sa mga mananakop na dayuhan, ang ating mga ninuno ay mayaman sa mga katitikan na nagbibigay ng kasiyahan at nagtatampok sa kalinangan at kultura ng ating lahi. Ang mga ito ay gumamit ng kawayan, talukap ng niyog, dahon, balat ng punungkahoy bilang mga sulatan habang ang ginamit nilang mga panulat ay matutulis na kahoy, bato o bakal.


[1] Ayon sa pahayag ni Roman Jakobson, isang linggwistiko.
[2] Eagleton, Terry. Literary Theory: An Introduction. Oxford: Basil Blackwell, p. 7.
[3] Sariling salin mula sa www.wikipedia.com