Showing posts with label philippine society. Show all posts
Showing posts with label philippine society. Show all posts

Ang Dapat Mabatid ng mga Kabataang Pilipino

Itong Pilipinas, na unang bansang Asyano na lumaya sa pagiging kolonya ng dayuhang bansa, ay siya ring unang nagpamalas ng makabagong nasyonalismo. Mataas ang tingin sa kanya ng kanyang mga kalapit-bansa dahil sa katapangang ipinakita ng mga sinaunang Pilipino sa pakikibaka upang makamit ang inaaasam na kalayaan. Muli siyang hinangaan sa kanyang damdaming makabayan nang mag-alsa ang mga Pilipino upang patalsikin ang dating diktador na rehimeng Marcos noong 1986.

Ngayong nahaharap ang Pilipinas sa mga pagbabago at isyu ng globalisasyon ay tila nagbago na rin ang kamalayang pambansa ng mga Pilipino. Sa gitna ng mga kaguluhang sosyo-pulitikal at krisis pang-ekonomiya ng bansa ay nasaan ang damdaming makabayan ng mga Pilipino? Ano ang ginagawa ng mga kabataan ng kasalukayang henerasyon sa sinasabi ni Gat Jose Rizal na sila ay ‘pag-asa ng bayan’? Wala kundi pawang kataksilan at pag-aalipusta sa Inang Bayan!

Mangyaring nasabi ko ito sapagkat isang malinaw na halimbawa ng pag-aalipusta sa bayan ay ang hindi pagtangkilik sa sariling wika. Maraming kabataang Pilipino ang hindi gumagamit ng wikang Filipino sa kanilang pakikipag-usap. Mababa ang tingin ng mga kabataang ito sa Filipino, ang ating opisyal na wikang pambansa, samantalang mataas naman ang tingin sa mga wikang dayuhan. Naniniwala silang mahinang wika ang Filipino kaysa ibang wika lalo na ang Ingles. Ayon sa pag-aaral na ginawa ni Banaag tungkol sa wikang gamit ng mga kabataang nag-aaral sa Ateneo de Manila University, University of the East at maging sa UP, napag-alamang higit na ginagamit ang Ingles sa paaralan subalit timbang naman ang paggamit ng Filipino at Ingles sa kanilang tahanan.[1] Ang mga kabataang ito ay nagsasabing ang Ingles ang susi ng kanilang tagumpay kaya’t sila ay nagpapakadalubhasa rito. Nakatatak na sa kanilang kamalayan na ang Ingles ay isang prestihiyosong wika. Ang mga intelektwal na ito ay hayagan ang pag-aalipusta sa Inang Bayan dahil sa pagwawalang-bahala sa sariling wika kapalit ng Ingles. Nasaan ang pagiging makabayan kung ganito ang pagtingin ng isang mamamayan sa kanyang wika?

"Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa malansang isda.”
Ang pamosong linyang ito ni Rizal ay malinaw na naglalarawan ng pagtataksil sa bayan ng isang taong walang pagmamahal sa sariling wika. Ikinumpara pa nga siya ni Rizal sa isang malansang isda, nakakadiri at di dapat pamarisan. Ang nakalulungkot nito, talamak na sa Pilipinas ang pagtatangi sa wikang Ingles. Michael love Jenny, sulat sa pinto ng isang banyo sa UP Main Library. Strictly No Parking, pagbabawal sa isang ahensya ng gobyerno sa Bicutan, Taguig. Wanted Attractive Waitress and GRO, sa kahabaan ng Timog Avenue. Sa mga usap-usapan ng mga estudyante naman maririnig mo ang mga pariralang: halos every night ko siyang kausap sa phone, marami kaming treasured moments, out of town kami every summer vacation, bale at the same time kumikita ako as a part-time employee.

"Kung ano ang wika mo, iyon ang pagkatao mo. Sa larangang pambansa, ang wika ng bayan ay ang bayan." [2] Ayon kay Almario, ang wika ng bayan ay kung ano ang kaalaman at kasanayan ng gumagamit na bayan. Samakatwid, kapag sinabi mong mahina ang wika mo, sinasabi mo ring mababa ang karanasan at kaalaman ng iyong bayan. Paano magiging mataas ang uri ng Filipino kung hindi gagamitin ng mga intelektwal o edukado? At paanong aangat ang karunungan ng taumbayan kung ang mga dapat nilang matutunan ay sinasalita at isinusulat sa wikang hindi nila alam?

Tandaan nating may tungkulin tayong dapat gampanan bilang isang mamamayan at ito ay ang paglilingkod sa Inang Bayan. Ang paggamit ng wikang Filipino ay isa lang sa maraming paraan ng pagsisilbi at pagpapakita ng pagmamahal sa bayan, isang paraan ng pagkakaroon ng kamalayan at damdaming makabayan. Oo nga’t nakatatak na sa ating pagkatao ang impluwensiya ng mga Amerikano at mahirap na itong alisin sa ating kamalayan nang ganoon na lamang subalit kailangan nating simulan ang pagbabago kahit paunti-unti. Ang pagbabago naman kasi ay hindi nangyayari sa isang iglap lang. Kung hindi natin agad uumpisahan ang pagbabago kailan tayo kikilos? Gamitin natin at tangkilikin ang wikang Filipino. Panahon na ngayong dapat nating ipakita ang ating sariling pagkakakilalan sa pamamagitan ng ating sariling wika. Ngayon ang panahon upang iwaksi ang kamalayang kolonyal, lumaya sa impluwensiya ng mga dayuhan, panahon na ngayong dapat makilala ang Filipino bilang wika ng isang bansang may mataas na kaalaman at karanasan.

[1]Banaag, Regina F. “The Effects of the Interlocutors and the Situation on the Language Choice of an Individual,” isang pag-aaral para sa Speech 204, UP Diliman, Ikalawang semester, 1988-1989.

[2]Almario, Virgilio S. “Filipino ang Filipino.” Daluyan (Opisyal na Publikasyon ng Sentro ng Wikang Filipino). Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon. Enero-Marso, 1994.

Panitikan at Lipunan

Iba’t iba ang pagpapakahulugan ng mga manunulat at dalubhasa sa panitikan. Ayon kay Joey Arrogante, ito ay talaan ng buhay sapagkat dito naisisiwalat ng tao sa malikhaing paraan ang kulay ng buhay, ang buhay ng kanyang daigdig, ang daigdig na kanyang kinabibilangan at pinapangarap.

Samantala, ayon naman kay Zeus Salazar, ang panitikan ay siyang lakas na nagpapakilos sa alinmang uri ng lipunan. Sinasabi ring ito ay bunga ng mga diwang mapanlikha, ng diwang naghehele sa misteryo ng mga ulap o ng diwang yumayapos sa palaisipan ng buwan. Ito ay isang kasangkapang lubos na makapangyarihan. Maari itong gumahis o kaya'y magpalaya ng mga nagpupumiglas na ideya sa kanyang sariling bartolina ng porma at istruktura. Sa isang banda, maituturing ang panitikan na isang kakaibang karanasan. Ito ay naglalantad ng mga katotohanang panlipunan, at mga guniguning likhang-isip lamang. Hinahaplos nito ang ating mga sensorya tulad ng paningin, pandinig, pang amoy, panlasa at pandama. Kinakalabit nito ang ating malikhaing pag-iisip at maging sasal na kabog ng ating dibdib. Pinupukaw din nito ang ating nahihimbing na kamalayan. Lahat ng ito ay nagagawa ng panitikan sa pamamagitan lamang ng mga payak na salitang buhay na dumadaloy sa ating katawan, diwa at damdamin. Ang panitikan ay buhay na pulsong pumipintig at mainit na dugong dumadaloy sa ugat ng bawat nilalang at ng buong lipunan. Isang karanasan itong natatangi sa sangkatauhan.

Ayon kay naman kay Terry Eagleton, maraming mga paraan para bigyang kahulugan ang panitikan. Unang-una, maaari itong ituring na isang likhang-isip gamit ang mga malikhaing salita o talinghaga. Ito ang tinatawag na “fiction”. Subalit nagbigay siya ng argumento na hindi lahat ng malikhaing akda ay matatawag na panitikan. Kabilang dito ang mga komiks, pelikula, telebisyon, at pocketbooks (romance novels) na bunga ng isang malikhaing pag-iisip subalit hindi itinuturing na panitikan.

Ikalawa, maaaring bigyang kahulugan ang panitikan dahil sa paggamit nito ng wika sa kakaibang paraan. Batay sa argumentong ito, ang panitikan ay isang uri ng pagsulat kung saan kumakatawan ng isang maayos na pagwasak sa karaniwang anyo ng pagsasasalita.[1] Binabagong-anyo at pinapasidhi ng panitikan ang karaniwang wika, sistematikong lumilihis sa pang-araw-araw na pananalita. Kapag may nagsabi sa akin ng “Ang tag-araw ay nasa iyong mga matang nangungusap” habang ako’y nakasakay sa dyip, alam kong nasa presensiya ako ng isang ‘literary’ o maalam sa panitikan. Alam kong gayon dahil sa ang kayarian, indayog at tunog ng kanyang mga salita ay labis sa kanilang kahulugang abstrakto. Umaakit ng atensiyon ang kanyang mga salita, ipinapayagpag ang kanilang kalikhaang materyal. Ang depinisyong ito ang sinaligan ng mga Formalist na umusbong sa bansang Rusya.

Totoo na marami sa mga pinag-aaralang akda bilang panitikan sa akademya ay “constructed” na basahin bilang panitikan subalit marami sa mga ito ay hindi panitikan – canonized lang kumbaga. Samakatwid, nasa pagbabasa kung ituturing na ‘literary’ o hindi ang isang akda. Literature cannot be objectively defined.[2] Walang kalikasan ang panitikan. Ang panitikan ay isang uri ng panulat na sa ibang dahilan ay mataas na pinapahalagahan ng isang tao (highly valued writing). Kung ganun, ang mahalagang palagay o kapasyahan ay nakakaapekto kung alin ang panitikan.

Hindi kinakailangang maging maganda para maging ‘literary’, dapat ay kauri ng itinuturing na maganda. Halimbawa, walang magsasabi na ang klaskard ay isang mahinang panitikan pero mayroong magsasabi na ang mga leaflets (manifesto) na ipinamumudmod ng mga aktibista ay hindi magandang uri ng panitikan.

Sa panukalang ang panitikan ay isang “highly valued writing”, kahit ano ay maaaring maging panitikan. Sa kabilang dako, ang mga itinuturing na panitikan ngayon ay maaaring hindi na panitikan sa hinaharap. Nagbabago ang pagpapahalaga at paniniwala ng tao kaya maaaring baguhin niya ang kanyang pananaw sa isang akdang itinuturing na panitikan. Samakatwid, maaaring magkaroon ng isang lipunang hindi naniniwala na ang mga akda ni Shakespeare ay panitikan.

Sa dahilang ang tao ang nagbibigay ng interpretasyon sa mga akdang pampanitikan batay sa kanilang sariling point of view, ang depenisyon ng panitikan ay hindi obhetibo kundi subjective.

Ang lipunan ay kalipunan o grupo ng mga taong may pare-parehong interes at naiibang kultura at institusyon. Maaring nagmula sa magkakaibang pangkat-etniko ang mga kabilang sa isang lipunan. Maari rin itong tumukoy sa partikular na grupo ng mga tao o sa mas malawak na grupong kultural. Tumutukoy rin ito sa sistematikong grupo ng mga tao na pinag-uugnay ng layuning makarelihiyon, kultural, pulitikal, siyentipiko, makabayan at iba pa. [3]
Sa agham pampulitika, ang lipunan ay karaniwang nangangahulugan ng kabuuan ng relasyong pantao, salungat sa estado na kasangkapan ng pamumuno o pamahalaan sa loob ng isang teritoryo. Ibig sabihin, ang lipunan ang totalidad ng mga konsepto ng mga relasyon at institusyon sa pagitan ng mga tao.

Sa agham panlipunan naman, partikular sa sosyolohiya, ginagamit ang lipunan upang ipakahulugan ang grupo ng mga taong bumubuo sa isang sistemang sosyal, kung saan halos lahat ng interaksiyon ay sa kapwa indibidwal na kabilang sa grupo.

Nilalarawan ng panitikan ang ating lipunan at panlahing pagkakakilanlan. Ang ating kaugalian ay mababakas sa ating mga kwentong bayan, alamat, epiko, kantahing-bayan, kasabihan, bugtong, palaisipan at sinaunang dula. Ayon sa mga mananakop na dayuhan, ang ating mga ninuno ay mayaman sa mga katitikan na nagbibigay ng kasiyahan at nagtatampok sa kalinangan at kultura ng ating lahi. Ang mga ito ay gumamit ng kawayan, talukap ng niyog, dahon, balat ng punungkahoy bilang mga sulatan habang ang ginamit nilang mga panulat ay matutulis na kahoy, bato o bakal.


[1] Ayon sa pahayag ni Roman Jakobson, isang linggwistiko.
[2] Eagleton, Terry. Literary Theory: An Introduction. Oxford: Basil Blackwell, p. 7.
[3] Sariling salin mula sa www.wikipedia.com