Showing posts with label Marcos. Show all posts
Showing posts with label Marcos. Show all posts

Ang Dapat Mabatid ng mga Kabataang Pilipino

Itong Pilipinas, na unang bansang Asyano na lumaya sa pagiging kolonya ng dayuhang bansa, ay siya ring unang nagpamalas ng makabagong nasyonalismo. Mataas ang tingin sa kanya ng kanyang mga kalapit-bansa dahil sa katapangang ipinakita ng mga sinaunang Pilipino sa pakikibaka upang makamit ang inaaasam na kalayaan. Muli siyang hinangaan sa kanyang damdaming makabayan nang mag-alsa ang mga Pilipino upang patalsikin ang dating diktador na rehimeng Marcos noong 1986.

Ngayong nahaharap ang Pilipinas sa mga pagbabago at isyu ng globalisasyon ay tila nagbago na rin ang kamalayang pambansa ng mga Pilipino. Sa gitna ng mga kaguluhang sosyo-pulitikal at krisis pang-ekonomiya ng bansa ay nasaan ang damdaming makabayan ng mga Pilipino? Ano ang ginagawa ng mga kabataan ng kasalukayang henerasyon sa sinasabi ni Gat Jose Rizal na sila ay ‘pag-asa ng bayan’? Wala kundi pawang kataksilan at pag-aalipusta sa Inang Bayan!

Mangyaring nasabi ko ito sapagkat isang malinaw na halimbawa ng pag-aalipusta sa bayan ay ang hindi pagtangkilik sa sariling wika. Maraming kabataang Pilipino ang hindi gumagamit ng wikang Filipino sa kanilang pakikipag-usap. Mababa ang tingin ng mga kabataang ito sa Filipino, ang ating opisyal na wikang pambansa, samantalang mataas naman ang tingin sa mga wikang dayuhan. Naniniwala silang mahinang wika ang Filipino kaysa ibang wika lalo na ang Ingles. Ayon sa pag-aaral na ginawa ni Banaag tungkol sa wikang gamit ng mga kabataang nag-aaral sa Ateneo de Manila University, University of the East at maging sa UP, napag-alamang higit na ginagamit ang Ingles sa paaralan subalit timbang naman ang paggamit ng Filipino at Ingles sa kanilang tahanan.[1] Ang mga kabataang ito ay nagsasabing ang Ingles ang susi ng kanilang tagumpay kaya’t sila ay nagpapakadalubhasa rito. Nakatatak na sa kanilang kamalayan na ang Ingles ay isang prestihiyosong wika. Ang mga intelektwal na ito ay hayagan ang pag-aalipusta sa Inang Bayan dahil sa pagwawalang-bahala sa sariling wika kapalit ng Ingles. Nasaan ang pagiging makabayan kung ganito ang pagtingin ng isang mamamayan sa kanyang wika?

"Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa malansang isda.”
Ang pamosong linyang ito ni Rizal ay malinaw na naglalarawan ng pagtataksil sa bayan ng isang taong walang pagmamahal sa sariling wika. Ikinumpara pa nga siya ni Rizal sa isang malansang isda, nakakadiri at di dapat pamarisan. Ang nakalulungkot nito, talamak na sa Pilipinas ang pagtatangi sa wikang Ingles. Michael love Jenny, sulat sa pinto ng isang banyo sa UP Main Library. Strictly No Parking, pagbabawal sa isang ahensya ng gobyerno sa Bicutan, Taguig. Wanted Attractive Waitress and GRO, sa kahabaan ng Timog Avenue. Sa mga usap-usapan ng mga estudyante naman maririnig mo ang mga pariralang: halos every night ko siyang kausap sa phone, marami kaming treasured moments, out of town kami every summer vacation, bale at the same time kumikita ako as a part-time employee.

"Kung ano ang wika mo, iyon ang pagkatao mo. Sa larangang pambansa, ang wika ng bayan ay ang bayan." [2] Ayon kay Almario, ang wika ng bayan ay kung ano ang kaalaman at kasanayan ng gumagamit na bayan. Samakatwid, kapag sinabi mong mahina ang wika mo, sinasabi mo ring mababa ang karanasan at kaalaman ng iyong bayan. Paano magiging mataas ang uri ng Filipino kung hindi gagamitin ng mga intelektwal o edukado? At paanong aangat ang karunungan ng taumbayan kung ang mga dapat nilang matutunan ay sinasalita at isinusulat sa wikang hindi nila alam?

Tandaan nating may tungkulin tayong dapat gampanan bilang isang mamamayan at ito ay ang paglilingkod sa Inang Bayan. Ang paggamit ng wikang Filipino ay isa lang sa maraming paraan ng pagsisilbi at pagpapakita ng pagmamahal sa bayan, isang paraan ng pagkakaroon ng kamalayan at damdaming makabayan. Oo nga’t nakatatak na sa ating pagkatao ang impluwensiya ng mga Amerikano at mahirap na itong alisin sa ating kamalayan nang ganoon na lamang subalit kailangan nating simulan ang pagbabago kahit paunti-unti. Ang pagbabago naman kasi ay hindi nangyayari sa isang iglap lang. Kung hindi natin agad uumpisahan ang pagbabago kailan tayo kikilos? Gamitin natin at tangkilikin ang wikang Filipino. Panahon na ngayong dapat nating ipakita ang ating sariling pagkakakilalan sa pamamagitan ng ating sariling wika. Ngayon ang panahon upang iwaksi ang kamalayang kolonyal, lumaya sa impluwensiya ng mga dayuhan, panahon na ngayong dapat makilala ang Filipino bilang wika ng isang bansang may mataas na kaalaman at karanasan.

[1]Banaag, Regina F. “The Effects of the Interlocutors and the Situation on the Language Choice of an Individual,” isang pag-aaral para sa Speech 204, UP Diliman, Ikalawang semester, 1988-1989.

[2]Almario, Virgilio S. “Filipino ang Filipino.” Daluyan (Opisyal na Publikasyon ng Sentro ng Wikang Filipino). Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon. Enero-Marso, 1994.

Damong Ligaw

Isang Reaksiyon sa Pelikulang Ora Pro Nobis (Fight For Us)
Direksiyon ni Lino Brocka
Mga Nagsiganap: Philip Salvador, Dina Bonnevie, Gina Alajar

h

Nang una kong mapanood ang pelikulang Ora Pro Nobis (Fight For Us) limang taon na ang nakararaan ay nasa unang taon pa lang ako ng kursong Business Administration. Hindi pa ako ganoon kamulat sa mga nangyayari sa aking lipunan at maging ang aking mga ka-blockmate ay wala ring masyadongn ideya tungkol sa aktibismo, armadong kilusan, at Sosyalista – Komunista. Napilitan lang kaming panoorin ang nasabing pelikula dahil sa klase naming Kas 1 (Philippine History). Hindi kami required noon na gumawa ng reaksiyong papel subalit dahil sa aking pagiging mausisa ay tinanong ko ang aking mga klasmeyt kung ano ang palagay nila sa pelikula. Dahil mayayaman at graduate pa sa mga pribadong paaralan (Claret, Manila Science, Ateneo, etc.), walang ibang namutawi sa kanilang bibig kundi ang katagang “Okey lang.” Ngunit iba ang naging epekto ng pelikula sa akin bilang isang kabataan na nakasaksi sa mga gawain ng mga Sosyalista-Komunista o NPA o Kaliwa. Inaamin kong salat pa ang aking kaalaman noon tungkol sa kanila kaya nang mapanood ko ang pelikulang ito ni Lino Brocka ay ang aking emosyon lang ang naapektuhan. Habang pinapanood ko ang pelikula ay naranasan ko ang iba’t ibang uri ng damdamin: galit, pagkamuhi, awa, lungkot, pag-iyak, at maging paghihiganti. Nang lumabas ako ng Film Center ay ambigat-bigat ng aking pakiramdam. Nagngingitngit ang aking kalooban sa galit sa mga taong walang pusong nang-aapi ng kapwa at yumurak sa pagkatao ng maraming mamamayan.

Subalit nang muli ko itong mapanood sa UP Film Center nitong Pebrero 1 ay mas malalim ang naging pagtingin ko sa pelikula. Kung titingnan natin ito bilang isang teksto, maraming problema ang nakapaloob sa Ora Pro Nobis. Sa unang tingin ay masasabi nating ito ay maka-rebolusyon, maka-Kaliwa at pabor sa armadong pakikibaka ngunit kung susuriin nang malaliman ang pelikula ito ay hindi talaga ganoon. Nakapailalim sa pelikula ang antagonismo nito at pagbaluktot sa imahen ng Kaliwa (Sosyalista-Komunista).

Ginawa ang pelikula noong 1989 sa ilalim ng pamahalaang Aquino kung saan higit na marami ang naganap na paglabag sa mga karapatang pantao kaysa sa pinalitang rehimeng diktadura ni Marcos. Ang pagkakaiba nga lamang sa krimeng ito ng dalawang pamahalaan ay ang paraan ng kanilang pagsasagawa nito. Kung hayagan ang paglabag sa mga karapatang pantao ng rehimeng Marcos, patago namang ginawa ng pamahalaang Aquino ang pagsasamantala at pang-aapi sa maskara ng pagtatanggol sa mga karaniwang mamamayan laban sa Kaliwa na itinuturing ng pamahalaan bilang mga kriminal at walang kinikilalang Diyos.

Dapat nating malaman na ang pelikula ay ginawa rin upang ipalabas sa mga komersyal na sinehan. At kahit hindi nakapasa ang pelikula sa pamantayan ng MTRCB, hindi nangangahulugang ito ay subersibo. Ipinakita sa pelikula na suportado ng pamahalaan ang grupong Ora pro Nobis sa ibang pamantayan – na ang samahan ang magtatanggol sa kanayunan laban sa mga Kaliwa at hindi gagawa ng mga aksiyon laban sa mga mamamayan. Ngunit taliwas dito ang gawain ng grupo kung saan sila ay parang mga halimaw na uhaw sa karahasan: nagpapahirap, nananakit at pumapatay sa mga taong dapat ay kanilang ipinagtatanggol. Hindi rin ipinakita sa pelikula kung ano ang kaugnayan ng samahan sa pamahalaang Aquino ngunit ang karakter ni Kumander Kontra (Bembol Roco) ay ipinakitang umiidolo kay Marcos dahil sa larawan ng dating pangulo na nakasabit sa dingding ng bahay ng kumander. Marahil ay ipinapahiwatig nito na ang mga maka-Kaliwa ay nasa impluwensiya pa rin ni Marcos at iniiwasang idawit ang pamahalaang Aquino sa mga paglabag ng karapatang pantao sa pamamagitan nga ng pagpapakita na ang mga nagsasagawa nito ay umiidolo sa diktador na pangulo.

Kaugnay nito ang isa pang problema sa pelikula sa pagbibigay ng maling impresyon sa mga gawain at imahen ng kilusang Sosyalista-Komunista. Bagamat ipinakita ng pelikula ang pagbubulag-bulagan ng pamahalaang Aquino sa mga kaapihang dinaranas ng taumbayan sa ilalim ng terorismo ng kaniyang pamamahala, ipinakita rin ang imahen ng Kaliwa bilang kriminal – pumapatay ng tao at naninira ng buhay nang walang dahilan. Ang impresyon tuloy nito sa akin bilang manonood ay kawalang simpatiya sa gawain at pilosopiya ng kilusan na taliwas sa aking personal na kaalaman at karanasan tungkol sa kanila. (Maraming NPA dati sa aming bayan ng Minalabac sa Camarines Sur, Bicol at kung minsan ay bumababa sila sa aming baryo subalit wala naman silang ginagawang masama sa amin maliban sa paghingi ng mga gamit at pagkain. Madalas sila noong bumaba ng bundok at ako noon ay nasa elementarya pa lang, sa pagkakatanda ko ay mga taong 1990s nang mangyari iyon). Ipinakita sa pelikula na ang pagsama sa ganitong uri ng samahan ay nagdudulot ng pagkasira ng buhay at pamilya katulad ng nangyari sa pangunahing tauhan na si Jimmy (Philip Salvador).

Dagdag pa rito, ipinakita rin na ang pagsama sa armadong kilusan ay subjective at hindi dahil sa paniniwala o ideolohiyang ipinaglalaban. Ang pagsama (pagbalik din dahil dati na siyang maka-Kaliwa) ni Jimmy sa kilusan ay bunsod ng kagustuhang maipaghiganti ang kanyang namatay na anak at asawang si Esper (Gina Alajar). Malinaw na gusting sabihin ng tagpong ito na walang basehan ang kilusan maliban sa personal na kadahilanan. Ipinapahiwatig din nito na hindi lahat ay maaaring maging rebolusyonaryo hindi dahil sa kawalan ng sapat na kamalayan o kamulatan bagkus dahil sa kawalan ng karanasan sa mga pang-aapi ng pamahalaan.

Sa kabuuan, masasabing ang pelikulang Ora Pro Nobis ay nakabalot bilang isang maka-rebolusyonaryo pero ito ay subersibo lamang sa loob ng kagustuhan ng pamahalaang Aquino, sa loob ng pinapayagang pagtuligsa sa pamahalaan. (Nakakalungkot lang dahil ang sumulat ng kuwento ay ang hinahangaan ko at kilalang maka-Kaliwa at Marxist na si Jose F. Lacaba).