Iba’t iba ang pagpapakahulugan ng mga manunulat at dalubhasa sa panitikan. Ayon kay Joey Arrogante, ito ay talaan ng buhay sapagkat dito naisisiwalat ng tao sa malikhaing paraan ang kulay ng buhay, ang buhay ng kanyang daigdig, ang daigdig na kanyang kinabibilangan at pinapangarap.
Samantala, ayon naman kay Zeus Salazar, ang panitikan ay siyang lakas na nagpapakilos sa alinmang uri ng lipunan. Sinasabi ring ito ay bunga ng mga diwang mapanlikha, ng diwang naghehele sa misteryo ng mga ulap o ng diwang yumayapos sa palaisipan ng buwan. Ito ay isang kasangkapang lubos na makapangyarihan. Maari itong gumahis o kaya'y magpalaya ng mga nagpupumiglas na ideya sa kanyang sariling bartolina ng porma at istruktura. Sa isang banda, maituturing ang panitikan na isang kakaibang karanasan. Ito ay naglalantad ng mga katotohanang panlipunan, at mga guniguning likhang-isip lamang. Hinahaplos nito ang ating mga sensorya tulad ng paningin, pandinig, pang amoy, panlasa at pandama. Kinakalabit nito ang ating malikhaing pag-iisip at maging sasal na kabog ng ating dibdib. Pinupukaw din nito ang ating nahihimbing na kamalayan. Lahat ng ito ay nagagawa ng panitikan sa pamamagitan lamang ng mga payak na salitang buhay na dumadaloy sa ating katawan, diwa at damdamin. Ang panitikan ay buhay na pulsong pumipintig at mainit na dugong dumadaloy sa ugat ng bawat nilalang at ng buong lipunan. Isang karanasan itong natatangi sa sangkatauhan.
Ayon kay naman kay Terry Eagleton, maraming mga paraan para bigyang kahulugan ang panitikan. Unang-una, maaari itong ituring na isang likhang-isip gamit ang mga malikhaing salita o talinghaga. Ito ang tinatawag na “fiction”. Subalit nagbigay siya ng argumento na hindi lahat ng malikhaing akda ay matatawag na panitikan. Kabilang dito ang mga komiks, pelikula, telebisyon, at pocketbooks (romance novels) na bunga ng isang malikhaing pag-iisip subalit hindi itinuturing na panitikan.
Ikalawa, maaaring bigyang kahulugan ang panitikan dahil sa paggamit nito ng wika sa kakaibang paraan. Batay sa argumentong ito, ang panitikan ay isang uri ng pagsulat kung saan kumakatawan ng isang maayos na pagwasak sa karaniwang anyo ng pagsasasalita.[1] Binabagong-anyo at pinapasidhi ng panitikan ang karaniwang wika, sistematikong lumilihis sa pang-araw-araw na pananalita. Kapag may nagsabi sa akin ng “Ang tag-araw ay nasa iyong mga matang nangungusap” habang ako’y nakasakay sa dyip, alam kong nasa presensiya ako ng isang ‘literary’ o maalam sa panitikan. Alam kong gayon dahil sa ang kayarian, indayog at tunog ng kanyang mga salita ay labis sa kanilang kahulugang abstrakto. Umaakit ng atensiyon ang kanyang mga salita, ipinapayagpag ang kanilang kalikhaang materyal. Ang depinisyong ito ang sinaligan ng mga Formalist na umusbong sa bansang Rusya.
Totoo na marami sa mga pinag-aaralang akda bilang panitikan sa akademya ay “constructed” na basahin bilang panitikan subalit marami sa mga ito ay hindi panitikan – canonized lang kumbaga. Samakatwid, nasa pagbabasa kung ituturing na ‘literary’ o hindi ang isang akda. Literature cannot be objectively defined.[2] Walang kalikasan ang panitikan. Ang panitikan ay isang uri ng panulat na sa ibang dahilan ay mataas na pinapahalagahan ng isang tao (highly valued writing). Kung ganun, ang mahalagang palagay o kapasyahan ay nakakaapekto kung alin ang panitikan.
Hindi kinakailangang maging maganda para maging ‘literary’, dapat ay kauri ng itinuturing na maganda. Halimbawa, walang magsasabi na ang klaskard ay isang mahinang panitikan pero mayroong magsasabi na ang mga leaflets (manifesto) na ipinamumudmod ng mga aktibista ay hindi magandang uri ng panitikan.
Sa panukalang ang panitikan ay isang “highly valued writing”, kahit ano ay maaaring maging panitikan. Sa kabilang dako, ang mga itinuturing na panitikan ngayon ay maaaring hindi na panitikan sa hinaharap. Nagbabago ang pagpapahalaga at paniniwala ng tao kaya maaaring baguhin niya ang kanyang pananaw sa isang akdang itinuturing na panitikan. Samakatwid, maaaring magkaroon ng isang lipunang hindi naniniwala na ang mga akda ni Shakespeare ay panitikan.
Sa dahilang ang tao ang nagbibigay ng interpretasyon sa mga akdang pampanitikan batay sa kanilang sariling point of view, ang depenisyon ng panitikan ay hindi obhetibo kundi subjective.
Ang lipunan ay kalipunan o grupo ng mga taong may pare-parehong interes at naiibang kultura at institusyon. Maaring nagmula sa magkakaibang pangkat-etniko ang mga kabilang sa isang lipunan. Maari rin itong tumukoy sa partikular na grupo ng mga tao o sa mas malawak na grupong kultural. Tumutukoy rin ito sa sistematikong grupo ng mga tao na pinag-uugnay ng layuning makarelihiyon, kultural, pulitikal, siyentipiko, makabayan at iba pa. [3]
Sa agham pampulitika, ang lipunan ay karaniwang nangangahulugan ng kabuuan ng relasyong pantao, salungat sa estado na kasangkapan ng pamumuno o pamahalaan sa loob ng isang teritoryo. Ibig sabihin, ang lipunan ang totalidad ng mga konsepto ng mga relasyon at institusyon sa pagitan ng mga tao.
Sa agham panlipunan naman, partikular sa sosyolohiya, ginagamit ang lipunan upang ipakahulugan ang grupo ng mga taong bumubuo sa isang sistemang sosyal, kung saan halos lahat ng interaksiyon ay sa kapwa indibidwal na kabilang sa grupo.
Nilalarawan ng panitikan ang ating lipunan at panlahing pagkakakilanlan. Ang ating kaugalian ay mababakas sa ating mga kwentong bayan, alamat, epiko, kantahing-bayan, kasabihan, bugtong, palaisipan at sinaunang dula. Ayon sa mga mananakop na dayuhan, ang ating mga ninuno ay mayaman sa mga katitikan na nagbibigay ng kasiyahan at nagtatampok sa kalinangan at kultura ng ating lahi. Ang mga ito ay gumamit ng kawayan, talukap ng niyog, dahon, balat ng punungkahoy bilang mga sulatan habang ang ginamit nilang mga panulat ay matutulis na kahoy, bato o bakal.
[1] Ayon sa pahayag ni Roman Jakobson, isang linggwistiko.
[2] Eagleton, Terry. Literary Theory: An Introduction. Oxford: Basil Blackwell, p. 7.
[3] Sariling salin mula sa www.wikipedia.com
Maikling Kuwento: Ang Lihim na Misyon ni Boyet
Happy Mother's Day sa lahat ng mga Ina!
Pauwi na si Boyet sa kanilang bahay galing sa maghapong klase nang mapansin niya ang bagong display sa tindahan ni Aling Violy. Bumilis ang tibok ng kanyang puso pagkakita sa nasabing bagay at tumakbo siya papasok sa loob ng tindahan upang alamin ang halaga niyon. Tatlong daang piso! Ang laking halaga! Saan siya kukuha ng ganoong kalaking pera?
Hindi siya maaaring humingi sa itay niya. Ang kanyang ama, si Mang Ambo, ay isa lamang magsasaka. Si Aling Nena, ang kanyang butihing ina, ay nakahahawak lamang ng pera tuwing anihan ng palay. At malayo pa ang anihan.
Pero gustung-gusto niyang bilhin ang bagay na iyon. Kinausap niya ang may-ari.
“Gusto ko po sanang bilhin ang bagay na iyon pero wala pa po akong pera sa ngayon. Puwede po bang pakilaan po ninyo iyon sa akin? Babalikan ko na lang po kapag nagkapera na ako.”
“Susubukan ko,” saad ni Aling Violy. “Sa palagay ko matatagalan pa bago iyan mabili ng iba kasi wala naman talagang mga pera ang mga tao dito. Nakita mo naman ang iba kong paninda at inaalikabok na sa kinalalagyan,”
Magalang siyang nagpaaalam sa may-ari bago lumabas ng tindahan. Habang pauwi ay nag-iisip siya ng paraan kung paano niya mabibili ang bagay na iyon sa tindahan. Kailangan niyang mangalap ng tatlong daang piso nang hindi humihingi sa kanyang mga magulang. Kailangan ding walang makaalam ng kanyang binabalak.
Malapit na siya sa bahay nila nang marinig niya ang kalansing ng mga lata sa basurahan ng kanilang kapitbahay. May pumasok na ideya sa kanyang isipan. Maliwanag pa ang paligid kaya puwede na niyang umpisahan ang kanyang plano. Hangos na pumanhik siya ng bahay at nagbihis ng pambahay na damit. Nasa pinto na siya nang makita siya ng kanyang ina.
“Boyet, saan ka pupunta? Kararating mo lang, ah!”
“Maglalaro po, Inay.”
Hindi na nagsalita si Aling Nena, tumalikod na ito at tumungo sa kusina habang umiiling-iling. “Ang mga bata nga naman,” bulong nito sa sarili.
Dumiretso si Boyet sa tapunan ng basura. Hindi naman nakakadiri ang tapunan ng basura sa kanilang baryo dahil puro tuyong basura lang naman ang makikita sa tapunan. Ang mga tirang pagkain kasi ay kinokolekta ng mga nag-aalaga ng baboy upang ipakain sa kanilang mga alaga. Nakita niya ang isang sako na may lamang mga tuyong dahon at ibinuhos ang laman. Isinilid niya sa sako ang mga nakita niyang mga lata ng sardinas at iba pang pagkaing de lata. Pinulot niya rin ang mga bote ng suka at gin. Maipagbibili niya ang mga ito kay Mang Omeng na ipinagbibili rin nito sa bayan. Sa bawat bote ay makatatanggap siya ng singkuwenta sentimos samantalang limang piso naman ang isang kilo ng lata ng mga de lata.
Takipsilim na nang makarating siya sa tindahan ni Mang Omeng. Nakapulot siya ng labingtatlong bote ng suka at gin samantalang umabot ng kalahating kilo ang mga lata. Tuwang-tuwa siyang umuwi ng bahay habang mahigpit na hawak-hawak ng kanyang kanang kamay ang siyam na pisong ibinayad ni Mang Omeng.
Tumungo siya as likod bahay kung saan naroon ang maliit na kamalig ng kaniyang ama. Kinuha niya ang alkansiyang kawayan sa ilalim ng mga nakatambak na sako at hinulog ang mga baryang mamiso sa loob nito. Ang alkansiyang iyon ay ginawa ng itay niya para sa kaniya upang matuto raw siyang mag-impok. Matagal na rin niyang hindi nagagamit ang alkansiyang iyon.
Dumaan muna siya ng banyo upang maglinis ng sarili bago pumanhik sa loob ng bahay. Dumiretso siya sa kusina at nakita niya ang masipag na ama na naghahasa ng kaniyang itak. Ang itak na iyon ay bahagi na ng kanilang pamilya at ginagamit nila sa pagsibak ng kahoy, pagtabas ng nga damo sa bukid, at pag-aani ng mga pananim. Ang kanyang inay ay nasa harap ng pugon at naghahanda ng kanilang hapunan. Umupo si Boyet sa kaniyang puwesto sa hapag habang ang kanyang mga kapatid ay nakaupo at naglalaro ng mga tansan.
Tumingin si Boyet sa ina at ngumiti. Sa munting liwanag na nagmumula sa gasera ay nasilayan niya ang itsura nito. Pawisan pero bakas sa mukha ang kasiyahan. Payat dahil sa kasalatan ng pagkain pero maganda ang kanayang inay. Masipag ito at ginagawa ang lahat ng mga gawaing-bahay. Nagluluto ng kanilang pagkain, naglalaba ng maruruming damit, naglilinis ng buong bahay, nagsusulsi ng mga damit na sira, nagtatanim at nag-aalaga ng mga tanim sa harap at likod ng bahay. Pero hindi siya nagrereklamo. Ang kapakanan at kasiyahan ng pamilya ang iniisip nito.
Araw-araw pagkatapos ng mga gawaing bahay at takdang-aralin ay diretso na si Boyet sa kaniyang “trabaho”. Sinusuyod niya ang mga basurahan ng kanilang mga kapitbahay upang maghanap ng mga lata at boteng ipagbibili niya kay Mang Omeng.
Nang dumating ang bakasyon ay walang higit na natuwa kundi si Boyet. Ngayong walang klase ay may sapat siyang panahon para sa kanyang misyon.
Sa loob ng isang buwan ng tag-araw, sa kabila ng mga gawain sa bahay – pag-aalis ng damo sa taniman ng gulay, paghahanap ng panggatong sa bukid, at pag-iigib ng tubig sa malapit na batis – patuloy pa rin si Boyet sa kanyang ginagawang pangongolekta ng nga bote at lata.
Kadalasan ay pagod, gutom at nakabilad sa init ng araw, pero ang mga ito ay balewala sa kanya kapag naiisip niya ang bagay na iyon sa tindahan ni Aling Violy.
Minsan tinatanong siya ng ina kung saan lagi siya nagpupunta pero ang sagot niya ay “Nakikipaglaro lang po.”
Sa wakes, dumating na ang panahong pinakahihintay ni Boyet at excited na siya. Tumungo siya sa kamalig at inilabas ang itinatagong alkansiya. Biniyak niya ito at binilang ang lamang barya.
Binilang niya ulit ang pera. Kailangan pa niya ng anim na piso. Ibinalot niya sa plastic ng sitsiriya ang mga barya at inilagay sa loob ng maliit na sako. Kailangan pa niyang maghanap ng mga bote at lata at maipagbibli ito bago magsara si Mang Omeng.
Sinuyod niya ulit ang mga basurahan ng kanilang baryo.
Lubog na ang araw nang makarating si Boyet sa tindahan ni Mang Omeng. Naabutan niyang nagsasara si Mang Omeng. Mukhang paalis ito.
“Mang Omeng, huwag na po muna kayong magsara!”
Lumingon ang matandang lalaki at nakita si Boyet, nanlilimahid at naliligo sa pawis.
“Bumalik ka na lang sa makalawa,” tugon ng lalaki. “Pupunta kasi ako sa kabilang baryo ngayon.”
“Pakiusap po. Kailangan ko pong maipagbili ngayon itong mga dala kong lata at bote. Sige na po.”
Nakita ng lalaki na may namumuong luha sa mga mata ng bata.
“Bakit kailangan mo ng pera ngayon?”
“Hindi ko po puwedeng sabihin, eh. Basta mahalaga po ang paglalaanan ko ng pera.”
Inabot ng lalaki ang sako ng mga lata at bote.
“Magkano ba kailangan mo?”
“Anim na piso po.”
Dumukot sa bulsa ang lalaki. Kinuha ang maruming kamay ng bata at inilagay ang sampung pisong papel.
“Mang Omeng, sobra po ito. Hindi ninyo po ba kukuwentahin ang mga nakuha kong lata at bote?”
“Hindi na. Saka pareho tayong nagmamadali, 'di ba. Sige, bilhin mo na ang gusto mong bilhin.”
“Maramimg salamat po!”
Patakbong tinungo ni Boyet ang tindahan ni Aling Violy. Hawak niya sa kanang kamay ang supot ng barya at sa kaliwa naman ang sampung pisong papel na bigay ni Mang Omeng. Nakita niyang may ilang namimili sa loob ng tindahan at wala na sa dating kinalalagyan ang bagay na gusto niyang bilhin kaya kinabahan ang bata. Hangos siyang lumapit sa may-ari na abala sa pagbibilang ng pera sa kaha.
“Mayroon na po akong pera,” mabilis na saad ni Boyet sabay abot ng pera sa may-ari. “Andiyan pa po ba ‘yung ipinareserba kong paninda ninyo?”
“Ay, ikaw pala. Itinago ko para sa iyo,” tugon ng may-ari.
Kinuha ng may-ari ang nakabalot na maliit na kahon sa ilalim ng drawer at ibinigay kay Boyet.
Binilang ng may-ari ang bayad at ibinalik sa bata ang sobrang apat na piso.
Patakbong umuwi si Boyet sa kanilang bahay. Naglinis muna siya ng katawan at nagbihis bago tumungo sa kusina kung saan naroon si Aling Nena. Naghahanda na ng hapunan ang kanyang ina. Nagtaka ito nang malingunan siyang nakangiti at papalapit dito.
“Inay, para po sa inyo.” Inilagay ni Boyet ang maliit na kahon sa magaspang na kamay ng ina.
Maingat na inalis ng babae ang ballot ng maliit na kahon. Pula ang kulay ng kahon. Tinanggal niya ang takip nito at tumambad sa kanyang paningin ang laman nito. Napaiyak siya sa tuwa at niyakap niya ng mahigpit ang anak.
Gawa sa tanso pero gold plated, nakaukit ang salitang “INAY” sa isang hugis-pusong medalyon.
Subscribe to:
Posts (Atom)