Showing posts with label Filipino. Show all posts
Showing posts with label Filipino. Show all posts

Ang Filipino Sa Kasalukuyang Gamit

Maraming wikang ginagamit sa ating bansa. Mayroong wika ang iba't ibang rehiyon. Walo ang itinuturing na pangunahing wika sa Pilipinas: Tagalog, Cebuano, Ilokano, Hiligaynon, Bikol, Waray, Kapampangan, at Pangasininense (Panggalatok). Ang pananakop sa ating bansa ay nagbunga rin ng mga Pilipinong matatas magsalita ng Espanyol at Ingles. Ang maraming Intsik sa ating bansa at ang mga Pilipinong malapit ang kaugnayan sa kanila ay gumagamit ng wikang Intsik.

Mahaba at mainit ang kasaysayan ng ating pagnanais na magkaroon ng isang wikang pambansa. Ayon kay Bro. Andrew Gonzales, malinaw sa Konstitusyon ng Biak-na-Bato na “Tagalog ang magiging wikang pambansa ng Republika ng Pilipinas.” Bagamat may ilang tulad nina Bonifacio, Jacinto, Rizal, atbp. na gumamit ng Tagalog, higit na marami sa mga namuno sa bansa ang gumamit ng wikang Espanyol. Maging ang mga propaganda laban sa Kastila ay gumamit din ng wikang Espanyol. Sa pagtatatag ng rebolusyonaryong pamahalaan ng 1898, nilinaw sa Konstitusyon ng Unang Republika na:

“The use of the languages spoken in the Philippines is optional. It can only be regulated by law, and solely as regards acts of public authorities and judicial affairs. For these acts, the Spanish language sha be used for the present.”

Sa pamamagitan ng artikulong ito sa Konstitusyon, napalitan ng Espanyol ang Tagalog bilang opisyal na wika, at ang Tagalog ay napantay sa iba pang wika sa bansa na maaari ring pagpilian.

Noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, ang mga naging opisyal na wika ay Espanyol at Ingles. Habang nagiging higit na popular ang Ingles, nagkaroon ng mga pag-aaral at pagtatalo kung ano ang dapat maging opisyal na wika ng mga Pilipino. Nagkaisa ang mga nakararami na hindi nararapat ang paggamit ng Ingles o ng Espanyol, mga wikang dayuhan, bilang opisyal na wika. Maraming nagmungkahing Tagalog ang nararapat gamitin.

Ngunit sa Konstitusyon ng 1935, iba ang probisiyon ukol sa wika:

“The National Assembly shall take steps toward the development and adoption of a common national languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.”

Noong 1937, nilagdaan ni Pangulong Quezon ang Executive Order Blg. 134 na nagsaad na Tagalog ang magiging batayan ng wikang pambansa. Pinagtibay ang pasiyang ito ng Konstitusyon ng Ikalawang Republika ng Pilipinas noong 1943. Kaya't sa pamumuno ng Surian ng Wikang Pambansa, sinimulang idebelop ang wikang Tagalog upang maging wikang pambansa. Noong 1959, ang wikang pambansang batay sa Tagalog ay tinaguriang Pilipino. Marami ang tumutol sa paggamit ng Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa, at naipahayag ang mga pagtutol sa Constitutional Convention ng 1973. Matapos ang mahabang pagtatalo, napagkaisahan ding Ingles at Pilipino ang gagamiting mga wikang pambansa, ngunit idedebelop rin ang wikang Filipino.

At nakapaloob sa Konstitusyon noong 1986, na pinagtibay ng mga mamamayang Pilipino noong 1987, na ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino.

Kung makukuha marahil sa pagtatalaga ng batas ang pagkakaron ng wikang pambansa, nabubuklod na tayo ngayon ng isang wika. Ngunit hindi marahil makatotohanan ang ganitong paraan; marahil ay kailangang bigyan ng panahon na yumabong ang wika bilang natural na pagtugon sa pangangailangan ng mga taong gumagamit nito.

Ano ba ang Filipino? Ito ba ang wikang ginagamit sa kasalukuyan?

Hanggang ngayon ay pinagtatalunan pa kung ano ang “Filipino”. Ayon kay Dr. Ponciano Pineda, direktor ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas, ang Filipino ay ang dating Pilipino. At ang Pilipino, kung matatandaan natin, ay batay sa Tagalog. Ayon naman sa paglalarawan ni Dr. Ernesto Constantino, propesor ng linggwistika sa UP, ang wika raw na mabubuo sa pamamagitan ng paraang unibersal, o ang wikang Filipino na siyang wikang nilalayong idebelop, ay “isang natural na wika na aktuwal na sinasalita ngayon ng maraming Pilipino, lalo na kung ang basehang wika ay ang tinatawag naming Pilipino ng UP. Ito ang Pilipinong ginagamit hindi lang sa Katagalugan at Kamaynilaan kundi pati sa mga rehiyon na ang katutubo o dominanteng wika ay hindi Tagalog.” Ayon kay Prop. Jesus Fer. Ramos ng UP, “sa variety ng Filipino sa Kabikulan, malaki ang impluwensiya ng iba't ibang wika at mga dayalek dito lalo na ng Bikol Naga at Bikol Legaspi... Ang variety ng Filipino sa Kabisayaan, i.e. sa Cebu, Iloilo at Dumaguete City ay naiimpluwensiyahan ng Hiligaynon/Ilonggo at Cebuano. Ang impluwensiya ng Cebuano ay malakas din sa variety ng Filipino na sinasalita sa Davao City, Zamboanga, Surigao, at Butuan City. Bagamat ang sa Surigao at Butuan Filipino ay may impluwensiya ng Butuanon at iba pang mga wika rito. Ang mga uring ito ng Filipino ay may iba-ibang degri ng baryasyon. Ang baryasyong ito ay nasa intonasyon, nasa bigkas, nasa mga salita o leksikon, hindi man ay nasa ponolohiya, morpolohiya, sintaktika at semantika.” Kapansin-pansing maraming elemento at sangkap ang variety ng mga ito na galing sa mga wikang nakaimpluwensiya kung ikukumpara sa Filipinong ginagamit sa Kamaynilaan na mas malaki ang impluwensiya ng Ingles (at Kastila). Sa kawalan ng detalyadong paglalarawan ng mga variety na tinitukoy ni Prop. Ramos, mahirap isipin ng isang taga-Maynila kung ano ang mga ito at kung ano ang mga ponema, morpema, atbp. na kumon sa mga variety na maaaring gawing batayan ng pagkakaunawaan ng mga Pilipinong buhat sa iba't ibang rehiyon ng bansa. Maaari nating pansamantalang pagtuunan ng pansin ang Filipino dito sa Kamaynilaan. Pinakinggan ni Santos-Cuyugan ang talumpating impromptu ng dalawampu't siyam niyang mga estudyante. Pinabayaan niya ang mga itong pumili ng wikang gagamitin. Ilan sa mga halimbawa ng pariralang ginamit ng mga estudyante ay:

“marami akong cherished possessions”
“halos every night kailangang pakinggan ko”
“basta siguro nakakahelp litle by litle”
“iyong mga out of town, every summer naman”
“bale at the same time maaalagaan ko ang baby”
“so iyan ang ginagawa ko this summer”


Kailangan pa ang higit na masaklawang obserbasyon ng wikang ginagamit sa kasalukuyan ngunit batay sa mga halimbawang nakuha ni Santos-Cuyugan sa kanyang pag-aaral, mukhang tama yata ang obserbasyon ni G. Vito C. Santos na labis na ang impluwensiya ng Ingles sa wikang pambansa.

Batay sa iba't ibang pananaliksik, maobserbahan ang lumalawak na paggamit ng Filipino. Ayon kina Pascasio at Hidalgo, sa kanilang eksperimentong naglayong tukuyin ang iba't ibang salik sa paggamit ng wika ng mga estudyante sa Ateneo de Manila University, St. Theresa's College, at University of Santo Tomas, napag-alamang higit ang paggamit ng Filipino kaysa Ingles sa bahay, higit ang paggamit ng Ingles kaysa Filipino sa paaralan, at timbang ang paggamit ng Filipino at Ingles sa mga pagtitipon. Ganito rin ang napuna ni Banaag sa kanyang pag-aaral na ginawa ukol sa paggamit ng wika ng kanyang mga estudyante sa UP. Isang mahalagang konklusyon ay ang higit na masaklaw at malimit na paggamit ng Filipinong may kahalong Ingles ng mga nakababata.* Sa dahilang ang direksiyong tinutungo ng wikang Filipino ay magkahalong Pilipino at Ingles, nararapat na itakda na ang mga pamantayan. Tutol ako sa paggamit ng “pidgin English” na baka siyang kahinatnan ng Filipino.

* Para sa mga estudyanteng kabilang sa pag-aaral ni Banaag, ang wikang Filipino ay ang wikang Pilipino. Sa isang higit na masaklaw na pananaliksik na isinagawa ni Casambre ukol sa paggamit ng wika ng mga titser sa buong Pilipinas, napuna niyang pareho para sa mga titser na taal na Tagalog ang wikang Tagalog at ang wikang Pilipino.


Mga Sanggunian:

Agravante, Josefina A. Komunikasyong Pasalita (Unang Edisyon). UP Press, 1990.
Casambre, Alejandro J., “The Filipino Teacher as Multilingual Communicator,” kopyang mimyograp, Unibersidad ng Pilipinas, 1988.
Constantino, Ernesto, “Ang Universal Approach at ang Wikang Pambansa ng Pilipinas,” Filipino o Pilipino? Mga Bagong Babasahin sa Pambansang Wika at Literatura. Constantino, Ernesto, Rogelio Sikat at Pamela Cruz (mga patnugot). Manila, Philippines: Rex Book Store, 1974, pp.17-31.
Gonzales, Andrew B. FSC. Language and Nationalism. Quezon City, Philippines: Ateneo de Manila University Press, 1980.
Ramos, Jesus Fer., “Ang Wikang Pilipino Bilang Wikang Pambansa,” kopyang mimyograp, Unibersidad ng Pilipinas, 1988.
Salvador, Ma.Rita F. at Carlos D. Santos-Cuyugan, “A Comparison of the Old Tagalog and New Pilipino Language Lexicons,” isang pag-aaral para sa speech 204, Unibersidad ng Pilipinas, ikalawang semestre, 1988-89.
Santiago Alfonso O. Panimulang Linggwistika. Manila, Philippines: Rex Book Store, 1979.
Santos, Vito C., “Labis na Impluwensiya ng Ingles sa Wikang Pambansa,” makinilyadong kopya, 1989.
Santos-Cuyugan, Carlos D., “A Study on the Frequency of Code Switching Among UP Students,” isang
pag-aaral para sa speech 204, Unibersidad ng Pilipinas, ikalawang semestre, 1988-89.
--------------------------------- “A Study on the Relationship between Articulation and Two Related Variables,” hindi nalathalang pananaliksik, Unibersidad ng Pilipinas, 1987.


Ang Komunikasyong Di-Berbal

Ayon kay Mehrabian, ang kabuuang epekto ng komunikasyon ay maaaring ipahayag sa pamamagitan ng pormulang ito:

Kabuuang Epekto = .07 Berbal + .38 Tinig + .55 Mukha

Marahil ay sasabihin nating labis naman ang pagpapahalagang ibinibigay ng pormulang ito sa mga senyas na di-berbal tulad ng tinig at mukha. Marahil nga, ngunit kung iisipin natin kung gaano kalimit nating ginagamit ang ating mga mata kaysa ating mga tainga, mauunawaan natin kung bakit ganito na lamang ang pagpapahalaga ni Mehrabian sa mga senyas na di-berbal.

Sa katotohanan, malaki ang pagkakaugnay ng mga senyas na di-berbal at ng sagisag na berbal. Ang pagkakaugnay na ito ay nakikita sa paraan ng paggamit natin ng mga senyas na di-berbal.


Mga Paraan ng Paggamit ng mga Senyas na Di-Berbal

1. Ang mga senyas na di-berbal ay kapupunan ng komunikasyong berbal. Kalimitan, inuulit ng mga kumpas o ng mga aksiyon ang mga ideyang ipinahahayag sa pamamagitan ng wika. Halimbawa maaari nating sabayan ng kumpas na naglalarawan ang pangungusap na, “Ganito nang kataas ang aking bunsong kapatid.” O kaya naman ay maaaring sabayan ng ngiti ang pangungusap na, “Nasisiyahan ako sa nakuha kong marka sa pagsusulit.” Kung kumplementaryo ang gamit ng mga senyas na di-berbal at ng wika, nagsisilbing patibay ang una sa isinasaad ng wika.

2. Ang mga senyas na di-berbal ay maaaring gamitin sa halip na wika. Sa ating kultura, ang pagtango ng ulo ay ginagamit na panghalili sa salitang “oo”, ang pag-iling ng ulo ay ginagamit na panghalili sa salitang “hindi”. Matapos ang isang laro ng basketball, halimbawa, hindi na kailangang gumamit ng wika ang mga manlalaro upang ipahayag kung nanalo sila o natalo. Naipapahiwatig ang kanilang kasiyahan sa pagkapanalo o kaya nama'y kalungkutan sa pagkatalo sa pamamagitan ng galaw ng kanilang katawan.

3. Maaaring pabulaanan ng mga senyas na di-berbal ang isinasad ng wika. Alam na nating higit na ginagamit ng tao ang kanyang paningin kaysa pandinig. Sa mga senyas na di-berbal at ng wika, higit na pinaniniwalaan ng tagapakinig ang ipinahihiwatig ng una. Halimbawa, kung ang kasabay ng pangungusap na “Masaya naman ako” ay malamlam na mga mata at pilit na ngiti, dalwang mensaheng magkasalungat ang ikinukumunika. Nagiging suliranin ng tagapakinig kung alin sa dalawang mensahe ang dapat bigyan ng reaksiyon.

4. Upang ayusin ang daloy ng komunikasyon. Halimbawa nito ay ang paghipo sa braso upang itulak ang isang kalahok sa talakayan na magsalita. Ayon sa pananaliksik ni Patricio, nakatutulong ang ganitong senyas sa daloy ng talakayan.


Maraming kahulugan ang maaaring ibigay sa mga senyas na di-berbal. Upang maging higit na mabisang kaugnay ang mga senyas na ito ng mensaheng berbal, kailangang palagi nating isa-isip ang ilang katangian nito.

  1. Ang kahulugang ibinibigay natin sa mga senyas na di-berbal ay kailangang nababatay sa kabuuan ng kontekstong pinangyayarihan nito.
  2. Ang mga senyas na di-berbal ay maaaring sinasadyang gamitin o hindi sinasadya.
  3. Ang mga kahulugang iniuugnay sa mga senyas na di-berbal ay kalimitang ayon sa pinagkaisahan ngmga taong kabilang sa isang lipunan o kaya'y kultura.

Mga Uri ng Komunikasyong Di-Berbal

1. Komunikasyon sa pamamagitan ng paghipo – Ito ay may tanging kahalagahan sa atin sapagkat ito ang unag paraan ng komunikasyong naranasan natin bilang sanggol. Ang pagkalong, pagyapos, o pagtapik sa atin ay nakatutulong sa pagpapatibay ng tiwala sa sarili. Habang tayo ay lumalaki, natututuhan nating gamitin ang paghipo upang ipahayag ang ating mga damdamin.

2. Komunikasyon sa pamamagitan ng espasyo – Ayon kay Edward Hall, ang uri ng ugnayang namamagitan sa mga tao ay maaaring ipahiwatig sa pamamagitan ng apat na uri ng distansiya: a) sa distansyang pampubliko, ang mga kalahok ay magkakalayo ng mga labindalawang talampakan o higit pa. Ang ugnayan ay pormal tulad ng namamagitan sa isang komunikasyong pampubliko; b) sa distansyang sosyal, ang mga kalahok ay magkakalyo ng mga apat hanggang pitong talampakan. Ito ay angkop sa mga talakayan ng mga mangangalakal at kombersasyon sa mga pagtitipon. Ang layong ito hanggang labindalawang talampakan naman ay angkop para sa mga pulong. Ang mga taongnasa loob ng silid na pinagdarausan ng pulong ngunit wala sa loob ng distansiyang ito ay hindi dapat maghinanakit kung hindi sila kabilang sa interaksiyon; c) sa distansyang personal, ang mga kalahok ay magkakalayo ng isa't kalahati hanggang apat na talampakan. Ang distansiyang ito ay para sa magkakaibigan o higit pang malapi na pakikipag-ugnayan; d) sa distansyang pangtapatan ng loob ang mga kalahok ay magkakalayo ng hindi hihigit sa labindalawang dali. Ang paksang tinatalakay ng mga kalahok ay kalimitang lihim. Ang tinig ay mahina at higit ang gamit ng mga senyas na di-berbal.

Isa pang aspeto ng komunikasyong ito ay ang paraan ng pag-aayos ng isang silid. Halimbawa, ang posisyon at kapangyarihan ng isang tao sa organisasyon ay maaring ikomunika sa pamamagitan ng ayos ng silid. Ang pinakabago sa mga empleyado ay maaaring idestino sa pinakamalapit sa pinto.

3. Komunikasyon sa pamamagitan ng oras – Karaniwan nang may iniuugnay tayong mensahe sa paraan ng paggamit ng oras. Pamilyar tayo sa tinatawag na “Filipino Time.” Ang mga Pilipino ay karaniwang sadyang nagpapahuli sa mga pagtitipon upang hindi masabing sabik sa pagdalo. Kaya't kapag nagkataong dumating sa takdang oras, hindi agad tumutuloy sa pagdarausang ng pagtitipon. Nagpapabalik-balik muna sa kalye upang magpalipas ng ilang sandali. Ang mga Kanluranin naman, tulad ng mga Amerikano, ay sadyang maagap at nasa oras. Marami pang halimbawa ang maibibigay natin: Ano ang mensaheng iniuugnay natin sa pagtunog ng telepono sa hatinggabi? Ano ang mensaheng iniuugnay natin sa matagal na pagsagot sa ating liham ng isang kaibigan? Ano ang mensaheng iniuugnay natin sa paanyayang ipinadala sa atin sa araw mismo ng pagtititpon?

4. Komunikasyon sa pamamagitan ng katahimikan – Ang katahimikan ay may ikinukumunika rin. Sa pamamagitan ng hindi pagkibo ay maaaring ipahiwatig ang ating pagdaramdam, pagkagalit, o ang kawalan ng hangaring makipag-uganayan.


Ang mga nabanggit ay halimbawa ng komunikasyong di-berbal. Ngunit higit na malinaw at tiyak ang kaugnayan sa komunikasyon ng mga halimbawang ibinigay nina Reusch at Kees na:

1. Komunikasyon sa pamamagitan ng senyas – Kabilang sa kategoryang ito ang lahat ng kumpas na ginagamit sa halip ng salita, bilang at pagbabantas. Mga halimbawa ay ang simpleng iisahing pantig na kumpas na ginagamit sa telebisyon upang sabihing oras na para sa patalastas o kaya'y ang higit na kumplikadong sistema ng kumpas na ginagamit ng mga bingi at pipi.

2. Komunikasyon sa pamamagitan ng aksiyon – Kabilang dito ang lahat ng uri ng paggalaw tulad ng paglakad o kaya'y pagkain. Ang paraan ng paggalaw ay maaaring bigyan ng kahulugan ng mga nakakakita. Halimbawa, mayroon tayong tinatawag na mahinhing lakad o nagmamadaling lakad o tamad na lakd. Ganoon din, ang pagmamadali sa pagkain ay maaaring iugnay sa laki ng gutom o sa paraan ng paggalaw sa hapag-kainan na itinuro sa atin.

3. Komunikasyon sa pamamagitan ng mga obheto – Kabilang dito ang lahat ng sadya at hindi sadyang pagpapakita ng mga obheto tulad ng mga alahas, damit, aklat, disenyo ng bahay, atbp. Halimbawa, ang singsing sa palasingsingan ng kaliwang kamay ay nagpapahiwatig na ang may suot ay may nobyo na; ang salamin sa mata ay nagbibigay daw ng impresyong matalino ang gumagamit nito bagama't ang angkop na kahulugan ay ang ikinukumunikang kalabuan ng mata ng nagsuuot ng salamin.

Ang tatlong ito, ang senyas, aksiyon at obheto, ay may higit pang angkop na gamit sa komunikasyong pasalita na nagsisilbing mensahe tulad ng ekspresyon ng mukha, pisikal na kaanyuan, paraan ng pagdadala sa sarili, paraan ng pagtingin sa tagapakinig, kumpas at paggalaw.


Mga Sanggunian:

Agravante, Josefina A. Komunikasyong Pasalita (Unang Edisyon). UP Press, 1990, pp. 76-79.
Hall, Edward. The Silent Language. New York: Fawcett, 1959.
Mehrabian, Albert, “Communication Without Words,” Psychology Today (September, 1968).
Patricio, Grace, “Reaction to Touch as Influenced by sex, Status and Body Contact Experience,” hindi nalathalang MA tesis, CSSP, UP, Abril, 1987.
Reusch, J. at J. Kees. Nonverbal Communication. Berkaley: University of California Press, 1956.