Ang Kapistahan ng Kambal na Patron ni San Felipe-Santiago: Simbolismo at Kahulugan ng Pagdiriwang at mga Ritwal

Isang mahalagang bahagi ng tradisyon at kultura ng mga Pilipino ang piyesta. Matagal nang nagsimula ang pagtatanghal ng kapistahan sa iba’t ibang bahagi ng bayan sa Pilipinas subalit iilan lamang ang talagang alam ng karamihan o yaong mga kilala ng mga taga-labas. Mayroon tayong mga museo para sa mga natuklasang artifacts, mga aklatan at artsibo para sa mga nakatalang panitikan, at mga reserbasyon para sa mga halaman at hayop na bihira nang matagpuan sa bansa. Kailangan din nating pag-aralan, suriin, at konserbahin ang ating kultura. Buhay na tradisyon ang kapistahan sa Pilipinas. Gaya ng ibang nilikha, dapat din itong alagaan.

Sa aming mga Bikolano, pinakamalaki at pinakabantog na kapistahan ang Peñafrancia sa Lungsod ng Naga. Kung bilang ng mga deboto o namamanata ang pag-uusapan, hindi mahulugan ng karayom ang pumupunta upang makiisa sa naturang pagdiriwang. Subalit hindi ang Peñafrancia ang pinakamaganda sa lahat ng mga kapistahang Bikol at wala rin itong katangiang kakaiba sa iba pang mga kapistahan sa Pilipinas. Sa aking kinalakhang bayan ng Minalabac, isang bayang may pitong kilometro ang layo sa Lungsod ng Naga, ipinagdiriwang ang kapistahan ng kambal na patron ni San Felipe-Santiago tuwing ika-11 ng Mayo. Kakaiba dahil ito lang ang unang bayan sa Pilipinas na may kambal na patron. Bukod pa rito, ang mga pagodang ginagamit sa fluvial procession sa Ilog Bikol ay napapalamutian ng matataas na Estandartes na mas maganda pa kaysa sa pagoda ng Peñafrancia. Higit sa lahat, inaabangan sa nasabing pistang bayan ang Tumatarok ni San Felipe-Santiago, isang sayaw na ginagawa ng mga batang nagkakaedad ng 8-12 taong gulang. Ang tumatarok ay isang ritwal ng pasasalamat at papuri sa kambal na patron ng Minalabac. Isa lamang ito sa mga ritwal na ginagawa sa pagdiriwang ng kapistahan nina San Felipe at San Santiago.

Bilang isang anyo ng pagdiriwang, maaaring tingnan ang aspekto ng tradisyon at kultura sa pagtatanghal ng mga ritwal kaugnay ng pistang bayan. Makikita ito bago ang araw ng kapistahan, sa araw mismo ng kasiyahan at pagkatapos ng pagdiriwang.

Nais sagutin ng pananaliksik na ito kung ano ang napapaloob na kahulugan ng simbolismo ng kambal na patron at ng mga ritwal na napapaloob dito. Sa huli, hahanapin sa mga kahulugang ito ang tanda ng pagkataong Pilipino, kundi man pagkataong Bikolano na natatangi lamang sa mga Minalabacueño.

Sa paghahanap na ito at sa pang-unawa sa mga bumabalot na kahulugan, magiging tuntungan ang mga sumusunod na katanungan:
  1. Ano ang geograpikal na katangian ng bayan Minalabac sa Camarines Sur? Bago dumating ang Katolisismo, ano ang pagkataong kalagayan ng mga katutubo ng lugar?
  2. Ano ang kasaysayan ng tumatarok at iba pang mga ritwal? Paano umusbong ang mga ritwal na ito noong unang panahon at yumabong hanggang ngayon sa gitna ng bayan ng Minalabac at sa puso ng mga mamamayan nito?
  3. Ano ang ritwal ng tumatarok at ano ang proseso ng pagriritwal nito? Anu-ano ang mga makakawing na simbolo sa pagdiriwang ng kapistahan ng kambal na patron ng San Felipe-Santiago sa bayan ng Minalabac?
  4. Ano ang kahulugan ng simbolismo ng imahen at ng mga ritwal na napaloloob dito?
  5. Ano ang balangkas ng pagkataong Minalabacueño (anu-ano ang mga aspetong bumubuo ng pagkatao)? Anong uri ng pagkatao ang mababanaag sa simbolismo ng imahen ng kambal na patron at sa mga ritwal na nakapaloob sa pagdiriwang ng kanilang kapistahan?

Marami nang mga aklat ang naisulat tungkol sa mga piyesta at pagdiriwang sa Pilipinas. May mga partikular na pag-aaral ang naisulat tungkol sa mga pagdiriwang para sa mga patron gaya ng Peñafrancia sa Naga City, Ati-tihan sa Kalibo, Aklan, at iba pa.

Hindi na rin bago ang pag-aaral ng mga simbolo at mga ritwal. Naging tunguhin na ng maraming pananaliksik sa iba’t ibang larangan ng agham-tao ang mga ganitong pag-aaral. Malaking tulong ang mga pag-aaral na ito, magsisilbing gabay upang hindi maligaw ng landas.

Sa tesis ni Ruby Alcantara na Ritwal sa Lumang Makati: Ang Panata ng Sayaw-Awit para kina San Pedro, San Pablo, at Virgen de la Rosa, binigyang diin sa pag-aaral ang kahalagahan ng ritwal sa gampanin nito na catalyst ng kamalayan sa bawat makabuluhang pagbabago ng lipunan.

Ayon naman sa pag-aaral ni Fernandez sa The San Miguel Fiesta, Rituals of Iligan City: A Study of Form, Function and Values, naging saligan ng pananaw sa mundo (world-view) ng mga Iliganon ang mga ritwal na makikita sa kapistahan.

Naipakita naman ni Garcia sa Ang Obando: Alamat ng Isang Sayaw ang kaugnayan at dalahin ng mga ritwal sa pang-araw-araw na buhay sa lipunang ginagalawan.

Sa panahon ngayon ng paglilinaw ng mag konseptong magpapatibay sa ating identidad o pagkakakilanlan bilang mga Pilipino, anumang pag-aaral tungkol sa pagkataong Pilipino ay katanggap-tanggap. Ito ang inangklahan ng lakas na loob upang isagawa ang pananaliksik na ito.
Mayaman ang ating tradisyunal na kultura lalo na ang pasalitang anyo. Sa paraan ng pananalita ay matagumpay na naisalin sa mga sumunod na henerasyon ang kayamanan ng ating kultura. Subalit sa panahon ngayon ng makabagong teknolohiya ay papaunti na rin ang mga tinatawag nating tradisyong oral. Mabisang solusyon sa problemang ito ang pagsusulat at pagdodokumento ng mga tradisyong pasalita. Isa lang ito sa mga hinahangad na matugunan ng pagdodokumento sa mga ritwal, pamahiin, pananaw, at iba pang mga napaloloob sa simbolo ng kambal na patron ng San Felipe-Santiago sa Minalabac, Camarines Sur.

Ilan sa mga kahalagahang hinahangad ay ang mgasumusunod:
a. Maitala ang kasaysayan ng kapistahan gayundin ang mga ritwal na kaakibat nito gaya ng tumatarok,
b. Maunawaan ang mga kahulugan na napapaloob sa imahen ng kambal na patron at sa mga ritwal, at
c. Maaninag ang indikasyon ng pagkataong Bikolano kundi man ang pagkatao mismo ng mga Minalabacueño.

Nakatuon ang pananaliksik sa isang kasaysayang pangkultura ng kapistahan sa Minalabac, Camarines Sur. Susuriin ng pag-aaral ang pagsasagawa ng mga ritwal sa kapistahan ni San Felipe-Santiago mula nang ito’y magsimulang ipagdiwang ng mga Minalabacueño hanggang sa kasalukuyan. Kasamang aanalisahin ang mga taong kasangkot sa pagdiriwang kabilang na mga taong may mga mahalagang katungkulan sa bayan ng Minalabac.

Pangunahing limitasyon ng pag-aaral ang pagsusog sa mga nakatalang datos na kakailanganin sa pananaliksik. Wala ring nakalimbag na akademikong pananaliksik na gumamit ng mga kahalintulad na datos o materyal na kailangan sa pag-aaral. Dahil sa ito pa lang ang unang pagtatangka para pag-aralan ang kultura ng aming bayan, nahirapan akong makahanap ng orihinal na iskrip ng mga ritwal lalo na ng dotoc ni San Felipe-Santiago na ginagamit bilang himig sa ritwal ng tumatarok. Isang espesyal na anyo ng awit-panalangin ang dotoc bilang pagpugay o pagpuri sa Mahal na Birhen at iba pang mga santong patron. Kinailangan kong bumalik sa aming bayan kahit may klase ako sa Maynila at isang linggo rin akong hindi nakapasok dahil sa paghihintay sa mga datos na ibibigay ng aking mga napagtanungan.

Maliban sa mga nabanggit na problema, naging limitasyon rin ang panonood ng kapistahan ng mahal na patron sapagkat minsan lamang sa isang taon ito ipinagdiriwang. Walang makitang kopya ng video ng mga ritwal lalo na ng pagdiriwang mismo maliban sa ilang mga larawang nakunan ng opisyal na potograper ng munisipyo.

Nakapanayam man ang ilang indibidwal tulad ng mga miyembro ng Minalabac Cultural Heritage Society at ilang personahe, hindi pa rin lubusang nakalikom ng matapat na datos dahil sa ang ibang mga itinuturing na haligi ng mga ritwal at pagdiriwang, gaya ng mga dating pari, ay yumao na.

Sa kadahilanang may limitasyon sa mga nagamit na mga pangunahing batis, ginamit rin ng mananaliksik ang mga sekundaryang batis upang punan ang ilang pangyayari na hindi nabigyan ng tuon ng mga pangunahing batis at makapagsulat ng isang kultural na pag-aaral at pagdalumat sa mga ritwal at pagdiriwang ng kapistahan ng kambal na patron ng Minalabac, Camarines Sur.

Iba’t ibang paraan ang gagamitin sa pag-aaral. Bilang mag-aaral ng Araling Pilipino, integral ang paggamit ng interdisiplinaring metodolohiya na nakakawing sa iba’t ibang agham-tao lalo na ng kasaysayan, antropolohiya, pilosopiya, at sikolohiya.

Sa larangan ng etnograpiya o pangangalap ng datos, mahalagang gamitin ang ilang estratehiya lalo na ang proseso ng pakikisangkot na tagamasid (participant-observation process). Sa kadahilanan na minsan lamang sa isang taon idinaraos ang pagdiriwang ng kapistahan, kailangan ko bilang mananaliksik na mapanood, kundi man maging bahagi ng nasabing kasiyahan. Kailangang maging bahagi mismo ng pagdiriwang upang maiangat ang antas ng katapatan ng datos. Ginaganap ang kapistahan ni San Felipe-Santiago tuwing ika-11 ng Mayo, humigit kumulang dalawang buwan pa pagkatapos ng semestreng ito kung saan ginawa ang pag-aaral. Subalit mapalad ako dahil dalawang beses ko nang napanood ang tumatarok samantalang bahagi na ng aming buhay pamilya ang mga babanggitin ko pang iba pang mga ritwal.

Bibigyan din ng balanseng pagpapahalaga ang pasalita at nakalimbag na testimonya (texto). Kaya’t mainam na gawin ang pananaliksik ng mga dokumento at lathalain na kaugnay sa kasaysayan ng kapistahan ng kambal na patron. Nakabatay sa dami ng panitikang nakalimbag o mga dokumentong nakatago sa mga artsibo ang paghanap ng ibang mga datos na nakasulat. Nakabatay din ang pag-aaral sa pamamagitan ng isang sistematikong pananaliksik ng mga pangunahing batis na matatagpuan sa aklatan ng Bicol Studies sa Ateneo de Naga University. Halimbawa ng pinakaluma at natatanging pangunahing batis hinggil sa ritwal ng tumatarok ay ang isinulat ni Father James O’Brien noong 1993.

Isa sa pamamaraang sensitibo sa kultura ang pagtatanong-tanong. Nakakawing sa pamamaraang ito ang mga konsepto ng pakapa-kapa at pakikipagkuwentuhan. Gagawin ng mananaliksik ang pakikipanayam sa mga taong kasangkot sa produksiyon ng pagdiriwang kabilang na ang mga personalidad na may mga mahahalagang puwesto sa pamahalaang-bayan. Mahalaga ang bahaging ito ng pag-aaral sapagkat malaking bahagi ng pagsusulat ay magmumula sa impormasyon at datos na makukuha sa pakikipanayam.

Sisikapin ng mananaliksik na hanapin ng mga matatanda na kabilang sa pagsasagawa ng mga ritwal sa kapistahan. Ihahain ng mananaliksik ang mga orihinal na libretto ng mga awit-ritwal na nakalap mula sa mga taong kasangkot sa pag-oorganisa ng kapistahan.

Upang makita ang mga kahulugan, kinakailangan ang interpretatibong paragidma ng pagsisiyasat kung saan padadaanin ang imahen at mga ritwal. Isasabay ang paggamit ng istrukturalismo at hermenyutika.

Sa paraang ito, mas malawak ang ibig sabihin ng teksto at hindi lang tumutukoy sa naisatitik na panitikan. Maituturing na ring teksto ang anumang bagay o pangyayaring may makahulugang aksiyon. Sa ganitong pananaw tinatanggap ang mga ritwal bilang teksto.

Inaasahang hihimay sa mga kahulugan at pakahulugan ng mga Minalabacuño sa kanilang pagriritwal ang interpretatibong paradigm na hinalaw sa teorya ni Ricoeur.

Mula sa habi-habing kahulugan na mabubuo hahanapin ang mga elemento kung saan kakikitaan ng mga konsepto ng pagkataong Bikolano, e.g. relihiyosong pagkatao.

Sa mga himay-himay na kahulugan ng simbolo hahanapin sa kadulu-duluhan ang mga tanda ng pagkataong Bikolano batay sa teorya ng pagkatao nina Enriquez (kapwa) at Covar (dalumat).


MGA SANGGUNIAN
Mga Libro

Alejo, Albert E., SJ
. 1990. Tao Po! Tuloy!: Isang Landas ng Pag-unawa sa Loob ng Tao. Manila: Raintree Trading and Publishing, Inc.

Alcantara, Ruby Gamboa
. 1991. Ritwal: Sayaw-Awit sa Lumang Makati. Manila: Rex Bookstore.

Hornedo, Florentino.
2000. Culture and Community in the Philippine Fiesta and other Celebrations.

Enriquez, Virgilio G. 1978. “Kapwa: A Core Concept in Filipino Social Psychology”. Philippine Social Sciences and Humanities Review, January-December, 42 (1-4).

Enriquez, Virgilio G. 1994. Pagbabangong-Dandal: Indigenous Psychology and Cultural Empowerment. Quezon City: Pugad Lawin Press.

Navarro, Atoy, Rodriguez, M.J. B. at Vic Villan, mga editors
. 1997. Pantayong Pananaw: Ugat at Kabuluhan; Pambungad sa Pag-aaral ng Bagong Kasaysayan. Mandaluyong City: Palimbagang Kalawakan. Revised Edition, Quezon City: Palimbagan ng Lahi, 2000.

Navarro, Atoy at Flordeliza Lagbao-Bolante, mga patnugot
. 2007. Mga Babasahin sa Agham Panlipunang Pilipino: Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya, at Pantayong Pananaw. Quezon City: C & E Publishing, Inc.

O’Brien, James Jerome, SJ., ed. 1968. The Historical and Cultural Heritage of the Bikol People. Naga City: Ateneo de Naga.

Pe-pua, Rogelia, ed
. 1982. Sikolohiyang Pilipino: Teorya, Metodo at Gamit. Quezon City: University of the Philippines Press.

Roces, Alejandro R
. 1980. Fiesta. Manila: Vera-Reyes, Inc.

Bicol. 1994. CCP Encyclopedia of Philippine Art Volume 1. Manila: Vera-Reyes, Inc.

Ina and the Bikol People: A Journey of Faith.



Mga Tesis
Llana, Jazmin B. 1999. “Ritual, drama and theater in the Sta. Cruz dotoc”. Thesis. University of
the Philippines Diliman, Quezon City.

Redillas, Stephen R. 1999. “Ang Mahal na Ina ng Peñafrancia, ang simbolismo ng imahen, ang
kahulugan ng mga ritwal at isang pagtanaw sa relihiyosong pagkatao ng mga Bikolano”.
Thesis. University of the Philippines Diliman, Quezon City.

4 comments:

byter said...

I have linked you already on byterslair.i.ph...

Link back please.

Anonymous said...

HAPPY FIESTA sa lahat ng mga taga-Minalabac!

Anonymous said...

May I know the name of the author? The study is indeed very interesting as well the methodology used in this research. Kudos!

tebs

Anonymous said...

the study is really great... where can i get a full text of the study?

tebs